Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Divine Mercy Sunday) — Mga Gawa 2:42-47 | Salmo 117 | 1 Pedro 1:3-9 | Juan 20:19-31
Paulit-ulit nating naririnig ang kasabihang “never meet your idols” na para bang mas mabuting may distansiya tayo sa mga taong hinahangaan natin. May tendency kasi tayo na kapag mas nakilala natin sila, nagbabago ang tingin natin: “Ah, ganito pala siya.” Hindi na tugma sa imahen na binuo natin sa isip.
Totoo, walang masama sa paghanga. Natural na magkaroon tayo ng expectations. Pero marahil ang mas mahalagang tanong ay hindi kung sino sila, kundi kung paano tayo tumutugon kapag ang inaasahan natin ay hindi natutupad. Binibigyan tayo ng pagkakataong mamili: hahayaan ba nating manaig ang pagkadismaya o magpapatuloy pa rin tayo sa kabila nito?
Sa ganitong liwanag, mas nauunawaan natin ang kalagayan ng mga alagad sa Mabuting Balita. Nakapinid ang mga pinto, hindi lang dahil sa takot sa mga Hudyo, kundi dahil din sa bigat ng kanilang sugat.
Ang kanilang pag-asa ay tila gumuho. Ang Mesiyas na kanilang sinundan ay ipinako sa krus. Ang lahat ng kanilang inaasahan tungkol kay Hesus ay parang hindi nagkatotoo sa paraang kanilang inaakala. Kaya ang kanilang pagtatago ay hindi lang pisikal na pag-iingat, kundi emosyonal at espiritwal na pag-urong mula sa sakit ng pagkabigo.
Sa ganitong konteksto, mas nagiging makahulugan ang karanasan ni Tomas. Hindi sapat para sa kanya ang sabi-sabi ng iba, hindi dahil sarado siya sa pananampalataya, kundi dahil sugatan siya ng pagkawala.
Siya ay isang alagad na nagmahal at umasa, at ngayon ay naghahanap ng paraan upang muling maniwala nang hindi itinatanggi ang katotohanan ng kanyang sugat. Ang kanyang pagnanais na makita at mahawakan ang sugat ni Hesus ay hindi simpleng paghingi ng patunay, ito’y paghahanap ng katiyakan na ang pag-ibig na kanyang pinanghawakan ay hindi naging ilusyon.
Ganito rin ang madalas nating karanasan, hindi lang sa ating personal na buhay kundi bilang isang sambayanan. May mga panalangin na tila hindi nasasagot o nasasagot sa paraang hindi natin inaasahan. May mga sugat na hindi agad naghihilom, mga pagkawala na patuloy na bumabalik sa alaala.
At kung titingnan natin ang ating lipunan, makikita rin natin ang kolektibong sugat: mga pagkakataong tila naantala ang hustisya, natabunan ang katotohanan at nahirapang umusbong ang kabutihan. Sa ganitong kalagayan, hindi lang puso ng indibidwal ang nasusubok, kundi pati ang tiwala ng buong bayan.
Kung titingnan natin ang ating lipunan, makikita rin natin ang kolektibong sugat: mga pagkakataong tila naantala ang hustisya, natabunan ang katotohanan at nahirapang umusbong ang kabutihan. Sa ganitong kalagayan, hindi lang puso ng indibidwal ang nasusubok, kundi pati ang tiwala ng buong bayan.
Ang kagandahan ng Ebanghelyo ay hindi nito tinatakpan ang sugat. Sa halip, doon mismo kumikilos si Hesus. Hindi niya tinanggihan si Tomas, ni pinahiya dahil sa kanyang pagdududa. Nilapitan niya siya at ibinigay ang hinihingi nito.
Ipinakita niya ang kanyang mga sugat, at sa paggawa nito, ipinahayag niya na ang muling pagkabuhay ay hindi paglimot sa pagdurusa, kundi pagbabagong-anyo nito. Ang sugat ay nananatili, ngunit ito na ngayon ay tanda ng pag-ibig na nagtagumpay.
Ito rin ang nagbibigay-liwanag sa Unang Pagbasa. Ang unang pamayanang Kristiyano ay hindi lang grupo ng mga taong may pribadong pananampalataya. Ang kanilang karanasan sa muling nabuhay na Kristo ay naging kongkretong anyo ng pamumuhay: nagsasama-sama sila, nagbabahaginan at tinitiyak na walang nangangailangan sa kanilang hanay.
Sa isang mundong puno ng takot at kakulangan, pinili nilang bumuo ng isang komunidad na marunong umalalay sa sugat ng bawat isa. Ang pananampalataya ay hindi nanatili sa loob ng puso, ito’y naging pampublikong patotoo at sama-samang paghilom.
Sa ganitong diwa, ang awa ng Diyos na ating ipinagdiriwang ay hindi lang para sa tahimik na sulok ng ating personal na buhay. Ito ay humuhubog sa paraan ng ating pakikitungo sa isa’t isa bilang lipunan.
Kung ang Diyos ay mahabagin sa ating mga sugat, tayo rin ay tinatawagan na maging mahabagin sa sugat ng iba—lalo na sa mga sugat na madalas hindi napapansin: kahirapan, kawalan ng boses at iba’t ibang anyo ng kawalang katarungan. Ang kapayapaang ibinibigay ni Kristo ay hindi lang panloob na kapanatagan, ito’y paanyaya na makibahagi sa paghilom ng sugat ng mundo.
Ang Ikalawang Pagbasa ay nagpapaalala na ang pananampalataya ay dadaan sa apoy ng pagsubok, tulad ng ginto. Ang apoy na ito ay hindi para sirain, kundi para linisin at patibayin. Sa parehong paraan, ang ating mga sugat, personal man o panlipunan, ay maaaring maging lugar kung saan hinuhubog ang mas malalim na pananampalataya, kung hindi tayo tatalikod.
Ang karanasan ni Tomas ay sumasalamin sa mas malawak na kuwento ng pananampalataya—isang pananampalatayang hindi agad buo, hindi laging malinaw, ngunit patuloy na hinuhubog sa gitna ng sugat at paghahanap.
At mula sa sugat na iyon, sumibol ang kanyang pagpapahayag: “Panginoon ko at Diyos ko.” Isang pananalitang hindi lang bunga ng personal na karanasan, kundi naging bahagi ng patotoo ng buong pamayanan.
Kaya marahil ang paanyaya sa atin ngayon ay hindi iwasan ang sugat, kundi dalhin ito kay Kristo at hayaan itong maging lugar ng pakikipagtagpo sa kanya. Sapagkat sa pananampalatayang Kristiyano, ang sugat na hinahawakan ng awa ay hindi na lang sugat—ito ay nagiging daan ng paghilom, pag-asa at bagong buhay.
