Mayroon akong ikukuwento kahit tapos na ang Pride Month. Noong nakaraang buwan, may isang sumambulat na balita sa social media tungkol sa pagtawag na “scam” ng dalawang premyadong manunulat sa isang babaeng transgender na naging kalahok sa isang workshop.
Ang taong tinawag nilang “scam” dahil inakala nilang “totoong babae” siya ay wala naman sa nasabing palihan at nakapagtatakang bigla na lang siyang naging sentro ng kanilang talakayan. Siyempre, agad itong kumalat sa social media at nag-iwan ng mas maraming tanong tungkol sa pagiging ligtas na espasyo ng mga workshop para sa mga manunulat.
Produkto rin ako ng mga workshop at nagtuturo rin ako sa mga palihan. Ang kagustuhan kong sumali sa mga ganitong espasyo ay bunga ng hangaring mas mapalawak ang talakayan tungkol sa presensiya ng mga babaeng trans sa panitikan. Gayundin, kapag iniimbitahan akong maging miyembro ng panel o magturo sa mga palihan, tinatanggap ko ang mga ito dahil oportunidad ang mga ganoong pagtitipon upang makahikayat ng mas marami pang magsulat.
Hindi ko naranasang matawag na scammer, marahil dahil ang mga workshop na sinalihan ko ay isinagawa noong pandemya, kung kailan online ang lahat. Sa mga pisikal namang pagtitipon, tiniyak ng mga organisador na ligtas kami ng iba pang kapwa babaeng trans.
Kaya nagulat ako at hindi ko inakalang ang mga matagal nang nagtuturo ng pagsusulat ay magbibitiw ng ganoong mga salita. Hindi ba’t kabalintunaan na hinihikayat mong magsulat at mag-ambag sa lipunan ang isang manunulat, ngunit hindi mo naman ginagalang ang kanyang karapatan?
Nakabibingi ang katahimikan sa hanay ng mga panel at manunulat na kasama sa palihang iyon. Maaaring mali ako at maaaring nagsikap naman silang ayusin ito sa loob ng kanilang samahan. Ngunit ano ang pumipigil sa kanila na pagsabihan ang mga nagpakawala ng mga salitang transphobic?
Hindi sapat na bigyan lang sila ng espasyo. Kailangang tiyakin na ang espasyong ibinibigay sa kanila ay ligtas mula sa anumang anyo ng abuso at karahasan.
Gusto kong unawain ito sa konsepto ng collegiality—sa mga unibersidad, halimbawa, kung saan mahalaga ang paggalang sa kapwa guro at iskolar. Bilang magkakasama sa propesyon, mahalagang makapag-usap at makipag-ugnayan ang mga guro nang may paggalang sa isa’t isa.
Ngunit hindi naman masamang punahin ang kapwa guro, lalo na kung ang kanyang kilos ay nagdudulot ng kapahamakan sa mga batang manunulat. Kung pipiliin ang katahimikan, maaaring indikasyon ito ng higit na pagpapahalaga sa pansariling interes o sa kung sino ang higit na makapangyarihan. Usapin ito ng kapangyarihan at pananagutan—kung ano ang kanilang pinaninindigan at kung kanino sila sumasandig.
Kailangan nga bang kondenahin sila sa publiko? Hindi naman. Baka isipin ninyo na puro “cancel culture” lang ang solusyon.
Ngunit kailangan ng kasiguruhan na may mga hakbang na ginagawa ang mga organisador ng mga palihan upang hindi na maulit ang nangyari. Kailangang malinaw na walang puwang ang transphobia sa mga espasyo ng panulat. Kung wala silang gagawin at idadagdag pa ang kanilang katahimikan, hindi maglalaon ay matutulad ang mga palihang ito sa iba pang mga institusyong pinagtakpan ang abuso at karahasan.
Dumarami na ang mga kabataang interesadong magsulat at lumilikha ng mga kuwento at sining na nagpapabago sa ating pananaw. Kung ang mga espasyo ng panulat ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong maging mabubuting mamamayan, tiyak na makatutulong silang lumikha ng isang mas mabuting lipunan.
Hindi sapat na maging token lang sila sa mga workshop—mga babaeng trans, mga bakla at iba pang nasa laylayan—para lang masabing inklusibo ang isang palihan.
Hindi sapat na bigyan lang sila ng espasyo. Kailangang tiyakin na ang espasyong ibinibigay sa kanila ay ligtas mula sa anumang anyo ng abuso at karahasan.
Walang saysay ang pagsasabing mapagpalaya ang panulat kung nagiging espasyo rin ito ng transphobia at diskriminasyon laban sa mga kasarian.
