Tuloy pa rin ang maiinit na tagpo at sagutan sa bulwagan ng Senado matapos ang kaguluhan noong gabi ng Mayo 13, nang magkaroon ng barilan sa loob ng gusali sa Pasay City.
Mula sa kudeta para patalsikin si Sen. Tito Sotto bilang senate president noong Mayo 11, hanggang sa walkout ng minorya sa sesyong plenaryo nitong Mayo 26, matindi ang kiskisan ng mga pampolitikang interes at paninindigan ng mga senador.

Sa lahat ng mga pangyayaring ito, nananatiling matindi ang pagnanais ng mamamayan na panagutin ang lahat ng mga sangkot sa mga krimen laban sa taumbayan, mula sa mga pamamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga hanggang sa katiwalian ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Sentro ngayon ng girian sa politika ang Senado. Kaliwa’t kanan ang mga maniobra ng bagong liderato sa pangunguna ni Sen. Alan Peter Cayetano para protektahan ang anak ng dating running mate at ang dating hepe ng pulisya na namuno sa mga operasyon kontra droga na Oplan Double Barrel.
Table of Contents
TogglePangalawang impeachment
Sa kasong impeachment ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, naihatid na sa Senado ang aprubadong articles of impeachment noong gabi ng kaguluhan sa Senado. Dinala ito ni House Secretary General Cheloy Garafil at tinanggap ni noo’y Senate Secretary Mark Llandro Mendoza.
Sa Kamara, naghalal na ng mga tatayong tagausig o prosecutor para sa paglilitis ng kasong impeachment sa Senado.
Bagaman tinipon na ni Cayetano ang Senado bilang impeachment court noong Mayo 18, may mga agam-agam ang maraming organisasyon ng mamamayan sa katapan at integridad ni Cayetano kasama ang mga kaalyadong senador sa mayorya para litisin ang impeachment laban kay Duterte.
“Imbis na magpadala sa pampolitikang manipulasyon, dapat pakinggan ng mga mambabatas ang sigaw ng taumbayan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Dagdag pa ng makabayang grupo na dapat magsilbing babala ang impeachment laban kay Duterte sa mga tiwaling matataas na opisyal dahil nalalapit na rin ang paniningil sa kanilang mga krimen.

Sa unang pagtitipon ng impeachment court, binigyan si Duterte ng 10 araw para magsumite ng tugon sa mga alegasyon laban sa kanya. Binigyan naman ng limang araw ang prosekusyon para sagutin ang tugon ni Duterte. Nagtakda na rin ng petsa ng paglilitis sa Hulyo 6.
Ilan sa inaasahang depensa ni Duterte ay ang paggamit ng pambansang seguridad bilang dahilan sa milyong ginasta sa confidential funds, na wala siyang personal na pakinabang sa ginastos at iba pa, ayon kay Tony La Viña, tagapangulo ng Movement Against Disinformation, guro ng batas sa iba’t ibang unibersidad sa bansa at board chairperson ng PinoyMedia Center.
“Wala rin akong tiwala sa Marcos administration,” sabi ni La Viña. Aniya, posibleng iiwasan ng administrasyon ang paniningil ng pamilya ng dating running mate.
Paalala naman ng mga guro, hindi dapat tingnan ang impeachment bilang alitan ng dalawang dinastiyang politikal at mga kasanggal nila: ang impeachment ay rekurso sa paniningil ng taumbayan.
“Bilang guro na nagtuturo ng mabuting asal at pagiging makabayan, hindi namin hahayaang makatakas sa pananagutan ang sinumang naglustay sa kaban ng bayan at nagsisilbi na masamang ehemplo sa kabataan at sa mamamayan,” sabi ng guro na si Roel Mape mula sa Apolonio Samson Elementary School sa Quezon City.
Siya rin ang executive vice president ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) National Capital Region Union. Noong Department of Education (DepEd) Secretary pa si Duterte, kinukundena na ng ACT ang pamamalakad ng bise sa kagawaran.
Kasama sa articles of impeachment ang isyu ng pagwawaldas sa P112.5 milyon na confidential and intelligence funds ng DepEd sa loob ng dalawang linggo at ang iregularidad ng paggasta sa confidential funds na nasa P500 milyon mula sa Office of the Vice President.
Kapag nahatulang guilty ang bise, matatanggal siya sa puwesto at permanente nang diskuwalipikado sa paghahawak ng anumang posisyon sa gobyerno. Kahit pa kusang magbitiw si Duterte, tungkulin ng Senado na ituloy ang paglilitis.
Makasariling mayorya
“Kailangang nandito ako sa Senado para sa botohan,” sabi ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa panayam na umere sa Kapuso Mo, Jessica Soho. Sinabihan daw ni Cayetano na sumakay sa van si Dela Rosa na nagpakita sa Senado matapos ang ilang buwan na hindi pagdalo sa sesyon.
“Kada buwan, higit-kumulang P300,000 ang tinatanggap niyang sahod. Tinatayang aabot sa P2.1 milyon na ang natanggap niya sa loob ng pitong buwan ng pag-absent,” diin ng Mayors for Good Governance sa bukas na liham ng pagkondena sa mga pangyayari sa Senado.
Walang “no work, no pay” na polisiya para sa mga Senador at wala pang basehan sa mga panuntunan ng Senado ang isang ethics complaint dahil sa pag-absent ng isang senador.
“Aside doon sa planong change of leadership, alam kong may darating na impeachment trial. Pareho nating mga trabaho ‘yan,” sabi niya sa panayam. Bumoto si dela Rosa para sa isang mayorya na kinabibilangan ng mga kaalyado ng mga Duterte. Wala siyang paliwanag sa taumbayan para sa kalahating taon na hindi pagsipot.
Hindi pa ulit namamataan si dela Rosa matapos ang Mayo 14, ilang araw makalipas ang pagsiwalat ng arrest warrant bilang co-perpetrator ng mga krimen laban sa sangkatauhan.

Sa arrest warrant na inilabas ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC), sinasabi nilang may sapat na basehan para sabihing kasabwat si dela Rosa sa krimen, mula pa nang manungkulan siya bilang City Director ng Davao City Police Office noong 2012 hanggang sa maging hepe ng pulisya.
“Ang dating Philippine National Police Chief ay ang pangunahing tagapagpatupad ng Operation Plan Double Barrel ni Duterte at malaki ang kanyang ginampanang papel sa simula pa lamang ng ‘giyera kontra droga,’” sabi ng Rise Up for Life and for Rights sa isinulat nilang panawagan sa internasyonal na komunidad.
Sabi ng mga kaanak ng mga biktima, “Minaliit at pinagtawanan [ni dela Rosa] ang karapatang pantao, nagsulong ng ‘watchlist’ at ‘tokhang,’ pinuri ang mga karumaldumal na istorya ng mga ‘nanlaban,’ at sinuportahan ang mga police operation na nagbunga ng malawakan at sistematikong patayan at iba pang uri ng krimen sa mga mahihirap na komunidad.”
“Dinuraan sila [na mga biktima ng war on drugs] ng Senado kahapon,” sabi ni La Viña sa panayam ng Pinoy Weekly.
Walang nakuhang pagkiling si dela Rosa mula sa Korte Suprema, kung saan siya humiling ng temporary restraining order laban sa kanyang pagkaaresto. Ayon sa concurring opinion ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, idinedemanda ni dela Rosa ang due process na parang siya lang ang may karapatan makatamasa nito. “Walang monopolyo sa due process ang depensa,” aniya.
Hindi naman napigilan ng minorya sa Senado ang pag-walkout sa sesyon matapos subukang ratsadahin ng mayorya ang pagbabago ng panuntunan sa Senado para hayaang makadalo ng sesyon at makaboto online ang isang senador gamit ang teleconferencing.
Nakaabang ngayon ang publiko sa pagtitipon ng Senado bilang impeachment court hindi lang dahil sa kahihinatnan ng paglilitis pero dahil sa kinakaharap na mga kaso at posibleng ihain na kaso laban sa ilang mga senador.
Kasama na dito si Sen. Jinggoy Estrada na bahagi ng mayorya. Naglabas na ang Sandiganbayan Second Division ng utos sa kanyang pagkaaresto dahil sa plunder at graft, partikular sa korupsiyon sa mga proyektong flood control.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, “hinog na” rin ang mga kasong isasampa kay Sen. Joel Villanueva kaugnay ng korupsiyon sa flood control. Inaprubahan na rin ng Sandiganbayan ang precautionary hold departure order laban kay Sen. Rodante Marcoleta na inakusahan din ng Ombudsman ng plunder at panunuhol para sa mga anomalya sa mga donasyon sa kampanya niya noong halalan.
Nitong Mayo 28, nagsampa ng kasong obstruction of justice ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group laban kay Sen. Robin Padilla dahil sa pagtulong nito sa pagtakas ni dela Rosa.
“Sama-sama nating tuturuan ng leksiyon ang mga kurakot at abusado kaya muli, ang ating panawagan, ‘Sara, litisin,’ ‘Bato, panagutin,’ ‘Marcos, singilin,’ dahil ang pondo dapat sa sahod at sa edukasyon,” sabi ni Mape. /May ulat nina M.A. Abril, Joshua Isaac Español at Zedrich Xylak Madrid