Pinagsamang senator at troll. Senatroll ang tawag sa mga pangunahing karakter sa Senateflix.
Bida para sa mga tagasuporta, kontrabida para sa iba pa. Kinagigiliwan o kinaiinisan depende sa politikal na paniniwala. Sa ngayon, ginagamit ang salitang senatroll kung tinuturing na “kaaway” ang isang senador.
Batay sa mabilisang pananaliksik sa X (dating Twitter), unang ginamit ang senatroll noong 2017 sa konteksto ng nangyayari sa Senado sa Pilipinas. Sa mga sumunod na taon, may mga social media user na ginamit ang salitang ito sa iba’t ibang wika, pati na sa wikang Ingles para punahin ang nangyayari sa Senado sa Estados Unidos.
Ngayong 2026, kapansin-pansin ang mas madalas na paggamit ng senatroll para ilarawan ang pagkadismaya sa asal-troll ng ilang senador. May isang galit na galit sa peryodistang nagtanong kung bakit siya nagpakita pagkatapos ng anim na buwang pagtatago. May isa pang nagalit sa kapwa senador dahil akala niya’y sinigawan siya nang sinubukan niyang sumingit sa talumpati. May isang nagtalumpati’t paiyak na sinabing walang nangumusta sa kanya nang magkaroon ng putukan sa loob ng gusali ng Senado. Siyempre’y kailangang banggitin ang isang masipag mag-Facebook Live pero ayaw pumasok sa plenaryo. At lalong huwag kalimutan ang isa pang inaresto sa kasong plunder na nagpa-press conference pa bago dinala sa presinto.
Pero kung may isang senatroll na dapat na batikusin nang todo-todo ngayon, ito’y walang iba kundi ang nagsabing bayaran ang karamihan sa mga peryodista. Bihirang ngumiti at tila parating galit sa mundo, matagal na siyang kaaway ng malayang pamamahayag. Sinuportahan niya ang pagpapasara sa isang broadcast station noong 2020.
Hanggang ngayon, galit pa rin siya sa midya dahil hindi raw binanggit ang pangalan niya kahit na nagtalumpati siya sa isang importanteng pagtitipon noon. Hindi na bago ang ganitong anti-midyang pahayag dahil naglabas din siya ng sama ng loob na hindi kinober ng pinasarang broadcast station ang pamimigay niya ng bigas!
Sadyang kasuklam-suklam ang mga politikong nang-aaway sa mga peryodista. Wala silang pakialam sa peryodismo bilang propesyon. Mas lalong wala silang pagsasaalang-alang sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.
Sa puntong ito, dapat banggiting muli ang senatroll na mahilig mag-Facebook Live. Masama rin kasi ang loob niya sa maraming diyaryong hindi inilagay sa front page ang diumanong importanteng pahayag niya. Nagtataka siya kung bakit hindi umaayon sa gusto niyang naratibo ang pagkober ng midya at nasasapawan siya ng kabilang panig na nang-aaway sa kanya.
Sadyang kasuklam-suklam ang mga politikong nang-aaway sa mga peryodista. Tuwang-tuwa kapag iniinterbyu’t (lalo na kung nasa harap ng kamera) pero galit na galit naman kapag binabatikos (lalo na kung may kasamang pangit na larawan). Wala silang pakialam sa peryodismo bilang propesyon. Mas lalong wala silang pagsasaalang-alang sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.
Hindi kasi nila kinikilala ang pangunahing katangian ng mga opisyal ng gobyernong katulad nila: ang maglingkod sa mamamayan at, sa konteksto ng pakikipag-ugnayan sa midya, ipaliwanag sa publiko ang mahahalagang isyu nang hindi iniisip ang personal na ganansiya.
Para sa mga senatroll na kaaway ng peryodismo, sarili lang ang iniisip at halatang halata ang ambisyong manatili sa puwesto. Mas nasa isip nila ang magkaroon ng “positibong” imahen sa publiko para muling manalo sa susunod na halalan. Kung iisiping mabuti, halata ang ambisyon nilang maging susunod na residente ng Malakanyang lalo na’t mangyayari ang halalan para sa presidente’t bise presidente sa 2028.
Kaya sa mga susunod na araw, linggo at buwan, asahan ang pambabatikos sa midya mula sa mga senatroll lalo na kung napapadalas ang kritikal na pag-uulat. Mainam na patuloy na bantayan ang mga susunod na mangyayari sa Senateflix habang namamayagpag ang mga senatroll sa kanilang mga buhay-hari at buhay-reynang lungga. Kaakibat ng pagbabantay ang pagkilos para tuluyang mawala ang mga senatroll ng kasamaan at mapalitan sila ng mga tunay na senador ng bayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Si Danilo Araña Arao ay propesor sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at tagapangulo ng lupon (board chair) ng Alipato Media Center at Kodao Productions.