Si Max, ang mga effigy, atbp. – Pinoy Weekly

September 24, 2023


“Doble Kara” effigy na nagpapakita ng mapanlinlang at magnanakaw na katangian ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Larawan ni Deo Montescarlos.

Mahigit dalawang dekada nang gumagawa ng mga effigy si Max Santiago. Nagsimula ito nang sumali siya sa UGATLahi Artists’ Collective noong estudyante pa siya sa University of Santo Tomas (UST). Unang beses na tumulong siya sa paggawa ng mga ito noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Aniya, may kanya-kanyang katangian ang bawat effigy. Wala umano siyang partikular na paborito sa mga nalikha ng grupo. “Kung may nag-standout o nag-breakthrough, e ‘di siyempre mas okay,” sabi ni Max sa maikling interview ng Pinoy Weekly sa opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kung saan kasalukuyan siyang miyembro.

“Collective effort” din kasi umano ang pagbuo ng effigy. Hindi niya pwedeng angkinin ang obra. Halimbawa ang kontrobersyal na sining sa nagdaang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinamagatang “Doble Kara.” Sabi niya, nagsimula ang proseso nito sa collective brainstorming ng Bayan kasama ang iba’t ibang sektor. Pinagtulungan naman ng mga artista ang mismong produksiyon nito.

Larawan mula sa UGATLahi Artists Collective.

Kuwento ni Max, maaga siyang namulat sa politika. Sinasama siya noon ng kanyang tatay na anti-Marcos (iyong diktador at ama ng kasalukuyang presidente) sa mga rally ni dating Pangulong Corazon Aquino. Dahil sa nakitang mga plakard at kolektibong galit ng taumbayan sa lansangan, nagkaroon siya ng ideya sa pamamakalakad ni Marcos Sr.—na siya’y magnanakaw at mastermind sa maraming kaso ng pagpatay sa bansa.

Ito kalaunan ang nagtulak sa kanya para gumawa ng kauna-unahang sariling editorial cartoon. Sampung taong gulang lang siya nang ginuhit niya si Marcos Sr. bilang magnanakaw na may dala-dalang pera at may bigote na tulad ng kay Adolf Hitler, isang pasistang diktador sa Europa sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Tuwang-tuwa ang tatay ko no’n. Pinaskil niya ‘yon [nilikhang editorial cartoon] sa pader namin. Siyempre, natuwa rin ako dahil na-appreciate niya ‘yong gawa ko,” sabi niya.

Nagpatuloy sa paglikha ng sining si Max. Hanggang sa tuluyang nag-transform ang kanyang sining noong kolehiyo matapos makilala ang UGATLahi at ma-expose sa mga artistang social realist tulad nina Jose Tence Ruiz, Egai Fernandez, Renato Habulan at marami pang iba. Hindi na rin nakukulong ang kanyang mga obra sa pader ng kanilang bahay dahil inilalapit niya ito sa mga marhinadong sektor at komunidad.

“Sa UST kasi, maraming restrictions, maraming bawal. Bilang artist, dapat i-develop ang critical thinking. ‘Bakit bawal?’” aniya. “At siyempre noong estudyante, apektado rin ako sa pagtaas ng matrikula. Slowly ‘yon ang nag-contribute sa aking politikal na pagkamulat.”

Bukod sa mga effigy, gumagawa rin si Max ng cartoons para sa alternative media outfits at memes na ipinopost niya sa social media. Dati siyang editorial cartoonist ng Manila Today at kasalukuyan namang kontribyutor ng Bulatlat

Gumanap din siya bilang komedyante sa isang video series ng Tudla Productions. Sa ‘Bagong Juan dela Cruz’ na nilabas noong 2011-2014, kuwelang ipinaliwanag ang mahahalagang isyung panlipunan tulad ng kontraktuwalisasyon, deregulasyon, pambansang industriyalisasyon at iba pa.

“Gusto ko ‘yong matatawa ang tao kapag nakita [ang sining ko]. Kaya esensiyal ang humor at political satire,” sabi niya.

“‘Yong mga bagay na nagpapahirap sa’tin, dapat tingnan na kaya nating kutyain at pagtawanan. Na gaano man kabigat, katindi, karahas ang ating kalaban, kapag ‘yong [mamamayan] ay nagkaisa, madali natin silang matatalo,” pagpapatuloy niya.

Bago dumalo sa unang pagdinig sa mga kasong isinampa ng QCPD laban sa kanya, nagpasalamat si Max Santiago sa mga kapwa artista na nagbigay ng suporta at nagprotesta sa harap ng Quezon City Hall of Justice noong Setyembre 5, 2023. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Dahil sa militanteng humor ni Max, napilitang gumamit ng mga batas ang pamahalaan para supilin ang kanyang sining protesta.

Nitong Agosto 25, nagsampa ng kaso ang Quezon City Police District (QCPD) laban kay Max at tatlo pang miyembro ng Bayan dahil sa pagsusunog ng effigy na may mukha ng pangulo. Sinabi ng pulisya na nilabag nila ang Republic Act 9003 o Ecological Wate Management Act of 2000 at Republic Act 8749 o Clean Air Act of 1999.

“First time itong nangyari na ginamit ang [environmental] laws para supilin ang mga mamamayan,” ani Max.

Sabi pa niya, ayaw lang ng mga pulis na may nakikitang sumisira sa imahe ng mga Marcos. “Disrespect” umano ang ginawang pagsusunog sa effigy na may mukha ni Marcos Jr.

“Si Marcos [Jr.] ay public figure at well-documented ang kaso ng pagnanakaw kaya hindi sila karespe-respeto. Karapatan natin bilang mamamayan na ilabas ‘yong katotohanan at nararamdaman natin,” dagdag ni Max.

Bagaman patuloy ang represyon ng rehimen, nagpapatuloy pa rin si Max sa paglikha ng sining na nagtatampok sa kalagayan at panawagan ng sambayanang Pilipino.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss