Sa gitna ng tumitinding krisis sa presyo ng langis at lumiliit na kita sa pamamasada, ano nga ba ang mga “simpleng” gawaing nagpapatuloy sa lakas ng mga welgista na lumalahok sa mga pagkilos kontra oil price hike—at sino ang gumagawa nito?
Bago pa sunod-sunod na sumipa ang presyo ng langis bunsod ng giyerang agresyon ng United States (US) at Israel sa Iran, nasa P800 na lang ang inuuwing kita ng mga tsuper.
Ngayon, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na inaasahang aabot na sa humigit-kumulang P170 kada litro, maswerte na kung may maiuuwing P200 ang isang tsuper matapos ang maghapong pamamasada.
Napipilitan ang iba na dagdagan pa ang oras sa mahaba nang pamamasada. Ngunit kahit magdamagan sa kalsada, hindi na rin nito natutugunan ang napakalaking gastos sa diesel.
Napipilitang itanong ng mga drayber sa kanilang mga sarili kung kakayanin pa ba nilang pumasada. Kahit bumiyahe ay maaaring wala maiuwing kita. Paliwanag nga ni Ate Michelle Madrideo na miyembro ng Piston Women at opereytor ng dyip, “Gusto pa ng mga drayber na bumiyahe pero sa taas ng diesel paano pa kikita ang mga drayber?”

Para naman sa mga operator, hindi rin ito naiiba. Kapag walang bumiyaheng drayber, walang kita.
“Ang konsumo ng diesel namin noon ay P1,200 lang. Ngayon P2800 na,” sabi ni Ate Ivy Diaz, miyembro ng Piston Women at isa ring opereytor. “P300 na lang ang matitira sa pagbibiyahe. Wala nang natitira pang boundary. Sino pa ang gustong mamasada? Napapagod lang sa maghapon na biyahe.”
Ayon nga kay Ate Ivy, iniisip na din ng mga opereytor pati ang kapakanan ng mga drayber na umaasa sa kanila.
“Sumasakit na ang ulo ko kung paano ko sila matutulungan,” aniya. “Minsan naiisip ko na manlimos o humingi ng tulong sa mga kaibigan o kahit kanino. Kahit piso lang, ‘pag inipon lalaki na rin.”
Hindi na rin sumasapat ang pagdidiskarte ng mga kababaihan sa transport, na kadalasan ay mga asawa ng opereytor o tsuper, o minsan sila mismo ang operator, para makadagdag sa pambili ng mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
“Kailangan na naming magraket,” anila Ate Ivy at Ate Michelle. Dagdag nila, dahil nga may mga pinag-aaral silang mga anak, kaya nangangamba sila sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Para sa maraming mga tsuper at opereytor, ang kasalukuyang krisis ay kahalintulad na ng matinding hirap na dinanas noong pandemyang Covid-19.
Welgang bayan
Tulad nina Ate Ivy, daang libong pamilyang nakadepende sa pamamasada ang nakakaranas ngayon ng matinding hirap.
Dahil dito, nagsimula na ring magbuklod ang mga drayber at opereytor ng iba’t ibang moda ng pampublikong transportasyon para magkasa ng mga panibagong welga sa ilalim ng bagong buong alyansa na No to Oil Price Hike Coalition.
Sa pamamagitan ng tigil-pasada at pagtatayo ng mga strike center sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang iba pang porma ng protesta, sama-sama nilang ipinahayag ang kanilang mga panawagan sa gobyerno na tanggalin ang value-added tax at excise tax sa langis, ibasura ang oil deregulation law, i-rollback at kontrolin ang presyo ng krudo, ipatupad ang makataong umento sa sahod ng mga manggagawa kasabay ang fare hike, at itigil ng US ang agresyon nito sa Kanlurang Asya.
Binuong espasyo

Sa dalawang araw na transport strike noong Marso 26 hanggang 27, umabot sa 86 ang mga strike center na naitayo sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ang mga strike center na ito ang nagsilbing pansamantalang espasyo at daluyan ng mga panawagan ng welga at sentruhan ng sama-samang pagkilos. Karaniwang itinatayo ito sa mga mayor na ruta para mas makita ng marami ang protesta at makapagpaliwanag sa publiko.
Madalas ang mga samahan ng mga tsuper at opereytor o jeepney operators and drivers association (JODA) katuwang ang mga kaalyadong organisasyon ang nagtitirik ng mga strike center. Karaniwang may mga plakard at tarpaulin ng panawagan, mga lamesa para sa pagkain at may jeepney na nagsisilbing pahingahan at imbakan ng nalikom na suplay para sa welga.
‘Simpleng gawain’
Sa likod ng mga pagtatalumpati ng mga lider-masa at sigaw ng mga welgista, may iba pang gawaing tila “simple” sa unang tingin, pero kung susuriin nang nas malalim, ang mga ito’y mahalagang porma ng paggawa sa mismong pagtataguyod ng strike center. At kadalasan, ang mga “simpleng” gawaing ito ay ginagampanan ng mga kababaihan sa strike center.
Madalas sila ang nakikitang umiikot sa mga strike center na may hawak na listahan at ballpen, may bitbit na walis, o pagkain para ipamamahagi.

Ang mga kababaihan, ang nakikitang nagluluto sa gilid at naghahanda ng pagkain sa loob ng dyip.
Nariyan din si Ate Ivy na naglilinis ng lugar ng strike center para panatilihin ang kaayusan ng kapaligiran.
May Ate Janet P. na nag-aayos ng mga karton o anumang panlatag sa sahig para may pahingahan ang mga nagwewelgang tsuper, opereytor, estudyante, kabataan at iba pang tagasuporta.
May Ate Janet G. na nagtatala ng attendance ng mga welgista para malaman kung ilan ang kakain at matiyak na sapat ang pagkain para sa lahat nang nasa strike center.
Hindi lang pisikal na gawain ang kadalasan nilang ginagawa. Mayroon ding ‘di pisikal na paggawa sa porma ng pag-aaruga sa mga kasamahan: “Nakakain ka na ba? May mauupuan o mahihigaan ka ba? Okay ba ang lagay mo?”
May mga pagkakataon ding sila ang nag-aayos ng programa sa strike center, nakikipag-ugnayan sa midya at tumutulong sa koordinasyon ng mga welgista mula sa iba’t ibang strike center para sa mas malawak na mobilisasyon, tulad ng pagsasanib ng mga welgista mula sa iba’t ibang strike center para sa malakihang martsa patungong Mendiola. Kabilang sa mga gumagawa nito sina Ate Jane at Ate Angelica.
Pagkarating naman sa Mendiola matapos ang mahabang martsa mula Welcome Rotonda, habang ang ibang mga kasama at kapwa-welgista ay nasa harap ng entablado para makinig o ‘di kaya’y nasa mismong entablado para magtalumpati, makikita silang muling nasa gilid o likuran, agad na bumabalik sa mga jeepney para tiyaking may pagkain ang mga kasamahan.
Pagpapatuloy ng lakas

Pero kung wala ang paggawang ito at ang kadalasang gumagawa nito, paano magkakaroon ng lakas ang mga tsuper, opereytor at mga taga-suporta na magpatuloy sa pagwewelga?
Bukod sa galit sa kapabayaan at kawalang aksiyon ng gobyerno, paninindigan para sa hustisya, at pagmamahal sa kapwa, mahalaga at kailangan din ng mga welgista ang pagkain, pahinga, seguridad at pakiramdam ng pagiging bahagi ng kolektibo.
Kung tutuusin, hindi “simple” ang mga gawaing ito. Hindi rin kusang nagkakaroon ng lakas ang mga welgista para magsakripisyo at masiglang lumahok sa mga welga, lalo na sa panahong ang marami sa sektor ng transport ay nawawalan na ng kabuhayan. May kaakibat na paggawa ito at may mga taong gumagawa nito.
Ang bigat ng paggawang nagpapanatili sa lakas ng welgista, sa maraming pagkakataon, ay napupunta sa mga kababaihan, paggawang hindi man laging napapansin, ngunit mahalaga sa pagpapatuloy ng sama-samang pagkilos ng taumbayan para sa mas makatarungan at maginhawang kinabukasan.
