Singilin ang resibo sa lumalaking pondo – Pinoy Weekly

January 17, 2024


Kahit taon-taon ang talakayan sa badyet, sadyang nakakalula pa rin ang mga numerong taon-taon ding tumataas. Ngayong 2024, ang pondo ng bansa na nakadetalye sa General Appropriations Act ay P5.76 trilyon na mas mataas kaysa sa nakaraang taon, may mas maraming unprogrammed funds, mas malaking confidential funds, at record-high na travel fund para sa pangulo.

Magandang balita nga na tinanggal na sa mga civilian agency tulad ng Department of Education ang confidential funds, katakot-takot na halaga pa rin ito kumpara sa inilalaang pondo wala pang isang dekada ang nakaraan. Hindi maikakaila na ang bilyong confidential fund ay pamana ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bago ang 2017, hindi umaabot sa isang bilyon ang pinagsamang confidential funds ng iba’t ibang ahensiya. Sa 2024, P2 bilyon ang confidential funds para lang sa Office of the President. 

Hindi magpapahuli ang travel fund ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na P1.4 bilyon, mula sa P893 milyon noong 2023 at P398 milyon noong 2022. Ayon sa Department of Trade and Industry, may pasalubong naman ang pangulo na P4 trilyon sa pangakong foreign investments. Pero hindi naman lahat ng ito pirmado at kung uusisain ang kasaysayan, hindi naman ibig sabihin nito na dumadami ang trabaho na makabubuhay at makatao. Ayon na mismo sa ekonomistang si Winnie Monsod, kung kalakhan sa mga sinasabing investment ay pawang letter of intent at memorandum of understanding, puro salita pa lang ang lahat, wala pang legal na kasunduan. Aanhin ng Pilipinas ang pasalubong na pangako?

Pero wala pa ring sinabi ang mga nabanggit na numero sa gahiganteng P731.4 bilyon na unprogrammed funds, na tinawag na unconstitutional ng ilang mambabatas tulad nina Rep. Edcel Lagman at Sen. Koko Pimentel. 

Ayon sa Saligang Batas, anila, walang kapangyarihan ang Kongreso na taasan ang appropriations ng ehekutibo na humingi lamang ng higit P200 bilyon. Ayon sa kabilang panig, hindi kasama sa limitasyon ng Saligang Batas ang unprogrammed funds dahil stand-by funds ito na gagamitin lang kapag mas mataas sa inaasahan ang revenue ng gobyerno.

Ayon kay Lagman, bukas sa pang-aabuso ang unprogrammed funds na baka dalhin nang basta-basta sa mga partisan at pet project—mga proyektong ididikit sa pangalan para may investment na sa sunod na halalan.

Tawagin man ng iba na hanap-gulo ang ganitong pang-uusisa ng ilang mambabatas sa pondo ng bayan, may sapat na rason talaga para maging mapagmatiyag ang mga Pilipino. Dati, pork barrel funds. Nitong nakaraang taon, confidential funds. Para sa taumbayan, para lang itong nag-iibang mukha ng iisang kaaway—pangungurakot.

Kaya bago pa sumapit ang taunang pag-usisa ng Commission on Audit sa badyet, maiging bantayan na ang mga lumulobong numero nang hindi ito maibulsa.

Hindi man dadaan sa palad ng mga Pilipino ang limpak-limpak na salapi mula sa sariling mga buwis, dapat maramdaman hanggang sa laylayan ang sinasabing paglago ng ekonomiya.

Kailangan hindi masakit sa loob ang pamamalengke dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin. Dapat hindi na tinitimbang ng mga magulang kung alin sa mga bayarin sa tubig at kuryente ang puwedeng sa susunod na buwan na lang. Kailangan lahat may kakayahang mapag-aral at mapagtapos ang kanilang mga anak sa dekalidad na mga paaralan.

Sana hindi nakapanlulumo ang magpakonsulta sa doktor para sa panimulang mga sintomas. At kapag lumala ang sakit dahil umiiwas sa gastos o kapos sa panahon magpagamot dahil sa pagtatrabaho, dapat hindi kailangan malubog sa utang o magsangla ng lahat ng ari-arian para lang may pambayad sa ospital at gamot.

Ito kayang mga danas na ito ang iniisip ng mga mambabatas na paglaanan ng pondo para sa unprogrammed funds? Nasa isip kaya ng pangulo sa bawat biyahe niya palabas ng bansa na may milyon-milyong Pilipino ang umaalis rin para lang may pangtustos sa pamilya?

Lahat ng ito ay hindi lang hiling, kundi karapatan na tinatamasa dapat ng taumbayan. Aanhin ang trilyong pondo na ito kung hindi na nabubuhay nang may dignidad ang bawat Pilipino?



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

OFWs mula Israel, patuloy ang pag-uwi – Pinoy Weekly

Larawan mula sa Department of Migrant Workers Facebook page Mula

Australians Protest in Favor of the Palestinian People

On Monday, Australians staged a rally in Sydney in support