Sisenta y kwatro – IBON Foundation

August 20, 2024



(tagulaylay sa alburuto ng karaniwang tiyan)

Ang matabil na sugo 
ng busog na palasyo
nabubulunan sa halagang 
sisenta y kwatro

anunsyo’y sinok
ng lalamunang di malagok  
ang kontra-agos 
sa nilutong datos: 

ang kape sa umaga
sa gatas umasa
ang kawali’y umay na
sa itlog at lansa

ang subo ng kanin
munggo ang dilig
pinaalat ng ilang 
piraso ng dilis

ang dila’y inalo
ng señoritang inamot
sa tinderong nagsukli 
ng kamot at simangot

bigo naman ang sabaw
ng hinating tunsoy
na yakapin ang ginaw 
ng gabi’t panaghoy

at sa lumbay ng dilim 
walang ibang kulay
kundi iilang 
piraso ng gulay;

ang sisenta y kwatrong 
anunsyo ng palasyo 
sukat sa pinagdadamutan 
ng sahod at sweldo

sa mga uring bundat at saka palalo
kung makakabalik ka bukas sa’yong trabaho
luho na ang kalansing
ng sisenta y kwatro.






Ninia Dela Cruz

is a writer for the IBON Partnership in Education for Development (IPED).







Source link

IBON Foundation

IBON Foundation is a non-stock, non-profit development organization. We have been serving the Filipino people through research and education since 1978. IBON seeks to promote an understanding of socioeconomics that serves the interests and aspirations of the Filipino people. We study the most urgent social, economic, and political issues confronting Philippine society and the world.

Don't Miss