Ilang dekada nang ipinagdiriwang sa buong daigdig ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Pero alam n’yo ba ang tunay na pinagmulan ng araw na ito?
Isinilang ang Marso 8 sa gitna ng mga krisis na bumalot sa Amerika at Europa noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Ilang dekada lamang matapos ang Industrial Revolution na lumikha ng mga modernong bansa dahil sa pagsulong ng mekanisasyon sa paggawa.
Ngunit ang pagsulong na ito ay may kaakibat ding paglala ng kalagayan ng mamamayan sa mga bansang iyon: mula sa pagiging magsasakang napalayas sa kanilang kabukiran, naging mga sahurang manggagawa silang nagtatrabaho sa mala-aliping kondisyon sa mga pagawaan.
Kabilang dito ang libo-libong manggagawang kababaihan na sinasabing unang nagmartsa noong 1908 upang iprotesta ang kanilang kalagayan at mababang pasahod. Noong 1909, ginunita ng Socialist Party of America ang pagkilos na ito at idineklara ang Pebrero 28 bilang “National Woman’s Day.”
Ngunit ang mga kababaihang lider sosyalistang tulad nina Clara Zetkin ang nag-organisa ng internasyunal na kumperensya ng mga kababaihang sosyalista noong 1910 sa Denmark kung saan napagkaisahan ng mga delegado mula sa 17 bansa ang pagkakaroon ng isang taunang Araw ng Kababaihan upang ipaglaban ang kanilang karapatan, kabilang na ang karapatang bumoto at laban sa diskriminasyon sa trabaho.
Halos isang milyong kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng Europa ang nag-organisa ng mga rali, kabilang ang mga kababihan sa Vienna, Austria na nagdala ng mga banner ng mga martir ng Paris Commune.
Taon-taon nang ginunita ang araw na ito sa mga naturang bansa. Ngunit ang paglulunsad ng mga kababaihang manggagawa sa textile industry sa Russia noong March 8, 1917 ng malawakang welga ang magiging tunay na panandang bato.
Dala ang mga panawagang “Tinapay at Kapayapaan,” pagwawakas ng World War I at malupit na tsarismo, ito ang maghuhudyat ng pagsiklab ng rebolusyon sa Russia na mauuwi sa matagumpay na pagtatayo, ilang buwan lamang ang darating, sa unang sosyalistang republika sa daigdig.
Makalipas ang pitong araw, bumaba sa pwesto ang pasistang tsar na si Nicholas II at iginawad ng prubisyonal na gobyerno ang karapatang bumoto sa kababaihan.
Idineklara ng mga lider komunistang sina Alexandra Kollontai at Vladimir Lenin ang Marso 8 bilang holiday sa Union of Soviet Socialist Republics (USSR).
Kinalaunan, idineklara ng Presidium ng Supreme Soviet ang International Women’s Day bilang non-working holiday sa buong USSR bilang pagkilala sa katangi-tanging papel ng kababaihan sa pagbubuo ng mga republikang Sobyet, sa kanilang partisipasyon sa Great Patriotic War laban sa pasistang rehimeng Hitler at sa pakikibaka para sa kapayapaan.
Kalakhang ipinagdiwang ang Marso 8 sa mga sosyalistang bansa ngunit in-adopt na ng United Nations noong 1975 nang lumaganap ito. Dito nagsimulang ilayo sa sosyalistang pinagmulan ang araw na ito tungo sa isang araw ng pagdakila sa abstraktong konsepto ng “pagkakapantay-pantay” ng kababaihan at kalalakihan.
Nakisali maging ang malalaking kapitalistang korporasyon sa “pagbibigay-pugay” umano sa kababaihan. Pinagkakitaan ang imahe ng kababaihang “matagumpay” umano sa iba’t ibang larangan sa lipunan habang tinatabingan ang katotohanang sahod-alipin ang tinatanggap ng milyon-milyong kababaihang manggagawa at milyun-milyon din ang nanatiling walang trabaho at isang-kahig-isang-tuka.
Maging ang mga tagapagsalita ng mga imperyalistang bansang tulad ng US ay ginamit din ang konsepto ng burges na peminismo upang pabanguhin ang sarili.
Kamakailan lamang, nagsalita si United States (US) Vice President Kamala Harris nang bumisita dito sa Pilipinas, na siya ay para sa women’s empowerment. Ito, sa kabila ng ang US ang pangunahing tagapagpalaganap ng neoliberalismong nagpapahirap sa milyon-milyong kababaihan at sa kabila ng US bilang numero unong tagapaglunsad ng mga gerang pumapatay sa libo-libong kababaihan sa iba’t ibang rehiyon ng daigdig.
Walang inaasahan ang kababaihang uring anakpawis para sa kanyang paglaya mula sa burges na peminismong nakikibaka umano para sa karapatan ng kababaihan. Ang edipisyong iyon ay nakatuntong sa buhangin at walang tunay na batayan. Kumbinsido ang mga kababaihang uring anakpawis na ang paglaya ng kababaihan ay hindi mahihiwalay, kundi bahagi ng kabuuang usaping panlipunan. Malinaw sa kanilang hindi ganap na malulutas ang usaping ito sa kasaluyang lipunan kundi matapos lamang ang kumpletong pagbabago ng lipunan.
Clara Zetkin
Malinaw ang mga sinabi ni Clara Zetkin hinggil sa burgis na peminismo at paglaya ng kababaihan sa kanyang talumpati noong 1889: “Walang inaasahan ang kababaihang uring anakpawis para sa kanyang paglaya mula sa burges na peminismong nakikibaka umano para sa karapatan ng kababaihan. Ang edipisyong iyon ay nakatuntong sa buhangin at walang tunay na batayan. Kumbinsido ang mga kababaihang uring anakpawis na ang paglaya ng kababaihan ay hindi mahihiwalay, kundi bahagi ng kabuuang usaping panlipunan. Malinaw sa kanilang hindi ganap na malulutas ang usaping ito sa kasaluyang lipunan kundi matapos lamang ang kumpletong pagbabago ng lipunan.”
Sa buod, ayon kay Zetkin, tanging sa pagtatayo lamang ng sosyalistang lipunan—kung saan magaganap ang pagpawi sa sahurang pang-aalipin at tunay na pagkakapantay-pantay ng lahat—magaganap ang malalaking hakbang tungo sa ganap na paglaya ng kababaihan.