Subsob sa pagod, salat sa sahod – Pinoy Weekly

August 20, 2024


“Overwork, but underpaid,” iyan ang maikli pero madiing sabi ni Johnathan Longcop, isang guro na 13 taon nang nagtuturo sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City, ukol sa kalagayan ng mga tulad niya sa ilalim ng bagong Matatag Curriculum

Sabi naman ni Chloe Domingo, isang guro sa parehong eskwelahang kinabibilangan ni Longcop, malaking talon para sa kanila sa nagdaang tatlong linggo ng klase ang pagpapatupad ng bagong kurikulum sa kani-kanilang mga paaralan. 

Malinaw ang hinaing ng mga guro sa pagbubukas ng klase—pagbabagong pahirap ang sistema ng Matatag. At ang mas nakapanlulumong isipin pa rito, hindi pa rin maayos ang suweldong nararapat para sa kanila.

Nakatuntong ngayon sa Salary Grade 11 ang sahod ng mga Teacher I o entry-level na guro na papatak ng P27,000. Halos kalahati lang ito sa hiling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na gawing P50,000 ang sahod. 

“Hindi ito sapat. Kung tutumbasan nila ang oras namin sa pagtatrabaho, ang trabaho namin sa school ay nadadala na rin namin sa bahay,” ani Domingo ukol sa kasalukuyan nilang sahod.

Dagdag naman ni Longcop, bukod sa mismong pagtuturo at pag-aasikaso ng lesson plan para sa kinabukasang klase, pahirap rin ang ibang hindi makatarungang trabahong klerikal sa kanila, lalo sa mga teacher coordinator.

Nakatakda sa Magna Carta for Public School Teachers na kinakailangan silang magturo ng maximum na anim na oras sa isang araw.

Sa dating kurikulum, nakakapagturo ang isang guro sa apat hanggang anim na klase na inaabot ng isang oras o higit pa bawat isa. Ayon sa mga gurong aming nakausap, sa ganitong setup, mas natututukan nila nang maayos ang mga mag-aaral dahil hindi gahol sa kanilang oras.

Sa bagong Matatag kurikulum, kinakailangang mapunan ito bilang tig-45 minuto na klase na babaybayin sa pito hanggang walong seksiyon. 

Ani ACT-National Capital Region Union (ACT-NCR Union) president Ruby Bernardo, palpak ang programa, at taliwas ito sa hangaring mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa. 

“Ito talaga yung pinakanakakapagod na school year para samin. Kaming mga guro, para na rin kaming nag-o-Olympics at nagma-marathon kada after class kasi hinahabol namin ‘yong mga susunod na klase. Kasi nga kailangan naming isiksik yung oras ng pagtuturo sa walong klase isang araw,” sabi ni Bernardo. 

Dahil dito, nagkakasakit na rin ang mga guro, kuwento ni Bernardo. Ang mas masakit, walang sick leave ang mga gurong nagtuturo sa pampublikong paaralan kung kaya binabawasan pa ang kanilang mga sahod sa tuwing liliban sa pagpasok dahil sa sakit. 

“Marami samin nagkakasakit na rin, gusto na rin sumuko talaga dahil sa mabigat na trabaho at teaching loads. Pero hindi naman pwede kasi wala kaming sick leave at wala kaming sasahurin lalo ‘pag nagkataon,” ani Bernardo. 

Noong 2019, nagpasa si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ng isang bill na magbibigay sana ng 30 araw na sick leave para sa mga pampublikong guro sa isang taon. Ngunit walang naging ni katiting na pag-usad para maisulong ito sa Kamara.

Sa kasalukuyan, patuloy ang deliberasyon ukol sa pambansang badyet sa 2025 na aabot sa P6.35 trilyon. Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, itataas ang sahod ng mga guro sa loob ng apat na tranche na gugulong mula ngayong taon hanggang 2027.

Bagaman may umento, hindi ito sapat dahil ayon sa bagong labas na Executive Order 64 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang aprubadong dagdag-sahod ay papatak lang ng halos 5%. Dahil dito, nakasaad rin na mula P27,000 para sa mga Teacher I, itataas lang ito patungong P28,512. Samakatuwid, P50 pisong dagdag sa isang araw lang ang nangyaring umento.

Dismayado ang mga guro lalo’t matatandaang may inilaang P48 milyon ang Department of Budget and Management (DBM) noong Enero 2023 para magsagawa ng pag-aaral ukol sa dagdag-sahod ng mga kawani ng pamahalaan.

“Imbis na gold medal [din] sana ang makuha namin parang sa Olympics, barya-barya, mumo at insultong taas-sahod lang ang ibibigay sa amin,” giit ni Bernardo.

Para naman kina Longcop at Domingo, bukod sa sahod at pagsusulong ng sick leave, hangad din nila na mas bigyang-pansin ang kalusugan ng mga guro sa pamamagitan ng pagsasabatas ng health care providers at health maintenance organizations (HMOs) para sa mga guro.

“Dapat din [talagang] ikonsidera ang health ng teachers. Magkaroon ng provider ng health cards, mga HMOs. Ayon [ang] benepisyong talagang gusto naming mangyari,” sabi ni Domingo.

Dagdag pa sa mga pasanin ng ating mga guro ang palaging naaantalang special allotment release order (SARO) mula rin sa DBM na nagtatakda sa kanilang matatanggap na performance-based bonus (PBB).

“Isa pa itong PBB, tinatawag na nga namin siyang PBB bilang pabagal nang pabagal dahil nga sa tagal ng proseso. Fortunately, na-release naman na [‘yong para sa 2022], pero ‘yong time na inabot ay malaking abala sa benepisyo na dapat ay natatamasa ng mga guro,” wika ni Bernardo.

Paliwanag ni Bernardo, malaki ang papel ng burukrata at neoliberal na mga polisiya sa mga benepisyong dapat na nakukuha ng mga guro. 

Inaasahan nina Bernardo at ng buong ACT ang patuloy na komunikasyon sa kanilang hanay ni bagong Education Secretary Sonny Angara.

“Maayos ‘yong kasalukuyang dayalogo namin with [Secretary] Angara. Sabi niya nga dapat [daw] Salary Grade 19 kaming mga guro at sinabi niya nga rin na doable naman [daw] ito. Ang hiling lang namin, sana maging consistent siya sa panawagan tungkol sa sahod,” ani Bernardo.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Chacha petition hoodwinks public support through AICS and TUPAD govt programs –

Through a so-called “people’s initiative”, a petition proposing amendments to

VERA FILES FACT CHECK: Biden did NOT cry at meeting with Marcos in the US

A video on YouTube is erroneously claiming that United States