Syering

August 19, 2023


 

[Laman ng sanaysay na ito ang mga kwento ni Ka Handum (Wilma Austria-Tiamzon) sa kanyang ilang dekadang pagkilos sa iba’t ibang sektor at rehiyon bilang rebolusyonaryong komunista. Unang inilathala ang sansaysay na ito sa Ginintuang Edisyon ng Ulos (2018-2019)]

 

DOWNLOAD

Tumimo sa aking kamalayan ang naririnig na madalas na kwentuhan ng matatanda sa aming looban tungkol sa mga kahirapan noong panahon ng Hapon, pagiging gerilya ng aking Lelong na nakatakas sa pagpapahirap ng mga Hapon; laging espesyal na okasyon para sa pamilya ang panonood ng banda at parada sa bayan at pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas tuwing Hunyo 12 bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas; nagustuhan ko ang isang kanta ng mga Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) na itinuro ng aming guro sa ikatlong grado ng elementarya, gayundin ang kanyang kwento tungkol sa buhay ng mga gerilya; at naging positibong impluwensya rin ang ilang guro sa hayskul na nagpapahayag sa klase ng kanilang makabayang sentimyento o di kaya ay sosyal na komentaryo.

Nakaakit agad sa akin ang mga grupo sa diskusyon sa UP na nagtatalakay sa mga makabayang sulatin at libro nina Claro M. Recto at Renato Constantino, ang Struggle for National Democracy (SND) ni Jose Maria Sison na naging daan para patuloy na magpursigeng umupo sa mga kasunod pang diskusyon tungkol sa ilang artikulo ng mga dakilang gurong Komunista tulad nina Marx at Mao. Sumangkot na ako maging sa mga rali at integrasyon sa mga piketlayn ng manggagawa hanggang magpasyang tuluyan nang sumali sa Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK). Sa mga grupo sa diskusyon at sa labor committee ng SDK ay nagtagpo at naselyuhan ang landas namin sa pulitika ng aking kasintahan noon pang hayskul na naging rebolusyonaryong katalimpuso halos kalahating siglo na ang nakakaraan.

Ang Krisis at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero, na kalaunan ay inilathala sa titulong Philippine Society and Revolution (Lipunan at Rebolusyong Pilipino) ang nakapagbuo ng aking pag-unawa sa kalagayan ng bayan, nag-engganyo sa akin para pahalagahan ang pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas, nagturo bakit di malutas-lutas ang kahirapan ng malawak na masang Pilipino dahil sa tatlong pundamental na problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na nakadagan sa bayan, at nailatag nang matibay na matibay bakit absolutong kailangan ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado at ng partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Hindi matatawaran ang kapangyarihan ng rebolusyonaryong teorya ng lipunan at rebolusyong Pilipino sa pagpukaw nang maramihan at malawakan sa lahat ng motibong pwersa ng rebolusyon. Dapat at kailangang ito ang maging panimulaan at tuntungan para maunawaan ang iba pang partikular na kalagayan at usapin sa mga uri at sektor.

Pagpasok pa lamang ng unang semestre ng ikalawang taon sa kolehiyo, bago pa ang suspensyon ng writ noong 1971 ay nagpasya na akong buong-panahong kumilos sa rebolusyon. Ako ay isa lamang sa libo-libong supling ng Unang Sigwa ng 1970 sa bagong rebolusyonaryong daluyong sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Bago mag-martial law hanggang maagang bahagi ng martial law ay ginampanan ko ang mga tungkulin bilang kalihim ng kilusang unyon sa isang distrito at kaalinsabay ay kagawad ng komiteng distrito, naging kalihim ng kilusang unyon sa linya ng industriya sa tela at kasuotan sa rehiyong Manila-Rizal at naging kalihim ng panrehiyong kawanihan sa kilusang unyon bago ako naaresto noong Hulyo 1973. Sa pagitan nito ay naging kalihim ako ng kinatalagahan kong distrito.

Sa panahon ng daluyong, mabilis sumulpot ang mga baguhan, kabataan at maaasahang kwerpo para sa iba’t ibang gawain, pambihira ang bilis ng kumpas ng mga gawain, madalas na nagiging araw pati ang mga gabi, maraming pag-aaral at paghahalungkat sa teorya para ilapat sa praktika, madaling magkahugis ang malakihang mga pagkilos at pagbabago. Ang karanasan ko sa pagkilos sa Manila-Rizal na tumagal lamang ng mahigit dalawang taon ay nagbigay ng di-matatawarang leksyon at karunungan na nagsilbing matagalang pundasyon para sa paggampan sa gawain sa kanayunan at sa mas masaklaw pang mga antas.

Hindi maaaring magkasya sa dating pagpunta-punta lamang sa piketlayn at integrasyon at suporta sa mga manggagawang nakawelga noong panahon namin sa Labor Committee sa SDK. Kailangang puntahan ang mga pabrika, sistematikong planuhin ang pag-oorganisa sa mga ito sa saklaw ng buong distrito nang may pagpapahalaga sa laki ng bilang ng manggagawa sa pabrika at estratehikong kabuluhan nito sa ekonomya at pulitika, isanib ang mga partikular na usapin sa kilusang unyon sa walang tigil na pag-aaral tungkol sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino at teoryang MLM (Marxismo-Leninismo-Maoismo). Masidhi ang pagnanais ng mga manggagawang makapagtayo ng sariling unyon. Napakaliit pa ng bilang ng unyonisadong bilang ng mga manggagawa, at sa mga pabrikang may unyon, kundi man ito hawak ng dilawan ay unyon ng kapitalista.

Limitado pa rin ang bilang ng mga pabrikang kayang abutin ng mga pangkat sa pag-oorganisa. Sa panahon ng daluyong kailangang sunggaban ang pagkilala ng masang manggagawa sa pambansa-demokratikong kilusan at bigyan ng daluyan ang maramihang pag-ugnay sa mga manggagawa at tipunin ang hiwa-hiwalay na mga naoorganisa sa isang malapad na organisasyon.

Ang isang simpleng proyekto para sa isang nakabukas na lektura tungkol sa unyonismo at kilusang manggagawa na ang imbitasyon ay ipinaskel lamang sa mga hintayan ng bus at mga simbahan ay umakit ng attendance na mahigit sa isandaan. Mula dito ay binuo ang Progresibong Kaisahan ng mga Manggagawa sa distrito. Naging mabungang sentro ito para sa pagsasanay ng mga organisador, mga rebolusyonaryo, naging paaralan para sa MLM, pagpapalawak, tulungan sa mga welga, mobilisasyon sa mga rali at maraming iba pa. Ito ay naging modelo para sa pagtatayo ng katulad na mga alyansa sa iba pang bahagi ng Manila-Rizal, at pwedeng sabihing naging binhing karanasan para sa pagtatayo ng Kilusang Mayo Uno.

Mayroong malalaking pakikibakang unyon na inilunsad sa distrito, naging marahas ang karamihan dahil sa sapilitang pagbuwag sa piketlayn ng mga eskirol at goons na inaayudahan pa ng mga pulis. Tuwirang nakalahok at naging bahagi ako sa marami sa mga welgang ito. Natutunang ang welga ay magiting na itinitindig, una mula sa pagkakaisa at katatagan ng mga manggagawa sa pabrika nang may pamumuno ng rebolusyonaryong bag-as, ikalawa, mula sa tulong ng iba pang mga manggagawa, at ikatlo mula sa pagkabig ng suporta mula sa iba’t ibang nakatayong mga organisasyong masa. Ang pinakahuling welgang nilahukan ko ay inabutan ng deklarasyon ng martial law—welga sa Presto/CFC ng mga empleyado na sinuportahan ng mga unyon sa rank and file mula sa iba’t ibang pabrika ng CFC. Namatay ang 2 manggagawa sa piketlayn nang barilin sila ng security ng pabrika habang pinipigilan ang pwersahang pagbuwag sa kanilang piketlayn ng mga goons at mga eskirol. Naroon ako sa piketlayn nang mangyari iyon. Nabalitaan ko na lamang na pagkaraan ng mahigit 40 taon ay saka pa lamang nadesisyunan ang panalo ng welga ng mga manggagawa doon.

Ang panahon ng pagkilos sa isang distrito ng Manila-Rizal ay panahon ng masinsing mobilisasyon para sa mga rali sa sentro ng Maynila; panahon ng masinsing gawaing propaganda-ahitasyon at walang kapagurang pagrerekluta at pagtatayo ng mga tsapter ng mga organisasyong masa para magpalahok ng malaking pwersa para sa mga mobilisasyon; panahon ng pag-oorganisa ng mahabang martsa (modelo mula sa mahabang martsa ng 1971 laban sa kahirapan na nilahukan ng mga magsasaka) na umikot sa buong distrito na ang katangian ay martsang rali-propaganda-edukasyon-pagrerekluta; panahon ng pagbubuo ng malalapad na alyansa; panahon ng mga pangkulturang aktibidad sa mga komunidad at lansangan; panahon ng pagpapaagos ng pwersa sa mga partikular na labang antas-distrito ang kabuluhan; pagpihit ng pwersa para ayudahan ang masang apektado ng malawakang pagbaha ng Hulyo-Agosto noong 1972 na umani ng matitibay na ugnay sa masa para sa pagtutuloy ng pag-oorganisa sa kanilang mga komunidad, pabrika at eskwelahan pagkatapos ng baha, pagrerekluta ng mga kasapi ng Partido at pagsisimula na ng pagpapadala ng mga kadre at aktibista patungo sa kanayunan.

Nang buwagin ang mga distrito noong maagang bahagi ng batas militar, naitalaga ako para pamunuan ang linya ng industriya ng tela at kasuotan at kalaunan ay naging kalihim ng kilusang unyon sa rehiyon. Sa maikling panahong ito, pinagkaisa ang lahat ng pwersa sa saklaw ng pinamumunuan sa patakarang itaguyod ang diwa ng pagsuway sa mga pagbabawal at panunupil ng martial law sa kilusang mangggawa sa abot nang makakaya, huwag magpa-umid at magyukod ng ulo sa mga pananakot ng diktadura – ituloy ang mga grupo at pag-aaral sa lihim na paraan, magbuo ng sikretong sistema ng pamamahagi ng mga babasahin, gawing lambat ng pulungan ang maraming bahay ng mga manggagawa, magtipon ng lakas at maglunsad ng mga kakayaning pakikibakang unyon, hikayating tumungo sa kanayunan ang lahat ng handa na. May ilang welgang nailunsad subalit hindi nakasustine sa harap ng malakas na reaksyon ng kapitalista at pasistang estado. Hanggang sa naaresto ako noong Hulyo 1973.

Naging muog na sandigan ang nabuong rebolusyonaryong kamulatan, pagkilos at pakikibaka kasama ang masa at maraming kasama at malalim nang nag-ugat ang pagkamuhi sa kaaway upang matatag na harapin at pangibabawan ang interogasyon at tortyur sa akin ng kaaway noong ako ay maaresto. Ang karanasan sa pagkaaresto at detensyon ay naging dagdag pang pampaalab sa kapasyahang agad na makalaya upang makabalik sa pangunahing agos ng pakikibaka.

Inabutan namin ang nasimulan nang maipundar na mga lugar sa Samar, partikular sa ilang bayan sa Western Samar at Eastern Samar. Naitalaga kami noong Disyembre 1975 sa isang hati ng Samar – ang Northern Area na sumasaklaw sa mga bayan sa hilagang hati mula sa tatlong probinsya ng Eastern Samar, Western Samar o Samar lamang at Northern Samar (Hinati noon ang Samar sa Northern Area at Southern Area). Kaalinsabay nito ang gawain sa antas ng rehiyon. Enero 1976 na ako nakasanib sa naunang batch na kinabibilangan ng aking asawa patungong Eastern Samar pagkaraan ng 11 araw na pagbagtas.

Ang bag-as ng aming komite sa Northern Area ay naging tatlong-andanang komite—gumagampan ng gawain bilang komite sa larangang gerilya, bilang komite sa buong Northern Area at bilang komiteng tagapagpaganap sa rehiyon. Naging mabunga ang ganitong kaayusan dahil nakatutok kami sa aktwal na pagpapaunlad ng isang larangang gerilya, gumagamit ng karanasan dito para sa pagpapalawak sa iba pang bahagi ng hilagang hati ng isla, at para pamunuan ang buong rehiyon. Ang komiteng kinapalooban sa Northern Area ay isang mahusay at matagumpay na komite sa pamumuno kung saan mahusay na natitipon at naisisingkaw ang talino at kakayahan ng lahat ng mga kagawad nito.

Sa loob ng tatlong taon, mula 1976 hanggang 1978, gumapang na parang apoy ang pagbubuo ng mga organisasyong masa sa mga baryo, naipalaganap ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, mga turo at aralin sa MLKMZD o MLM, nailunsad ang kilusang antipyudal, malawakang nabuo ang mga milisyang bayan, masiglang sumapi sa BHB ang mga kabataan hanggang sa mabuo ang lakas-platun na main force ng BHB para sa buong Northern Area at iba pang mga mga iskwad at platun na nakalatag sa tatlong magkakatalikurang larangang gerilyang laking distrito, napasulpot ang mga mahuhusay na kadreng lokal para mamuno sa mga distrito at seksyon. Ang pangunahin kong tungkulin ay sa gawaing edukasyon at propaganda kaya naging ambag ko ang ang pagbabalangkas ng maiikling kurso sa pag-aaral na pangmasa at pampartido, pag-ikot para magbigay ng mga pag-aaral sa mga yunit ng hukbo, sa mga komite sa distrito at seksyon at maging sa mga organisasyong masa. May maikling panahong naging kalihim ako ng mga resettled barrios sa kagubatan, nakapag-ipon ng tuwirang sariling karanasan sa pagbubuo at pagpapaandar ng ng mga ganap na samahang masa, paglulunsad ng pakikibakang antipyudal at pagbubuo ng ilang panlipunang pasisiyasat at pagsusuri sa uri sa mga baryo.

Ang naturang tatlong taon ay nagmarka sa akin bilang isang bagong antas ng paghuhustong-gulang pa sa rebolusyonaryong kilusan sa usapin ng pagsapol sa MLKMZD, sa kalagayan ng kanayunan sa bansa, at sa rebolusyonaryong teorya at praktika sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Pinahahalagahan ko ang mga leksyon paano mabilis na napupukaw, naoorganisa at napapakilos ang masang magsasaka mula sa kongkretong kaparaanang idinaan sa simpleng organisasyon ng pagtutulungan o bayanihan sa produksyon, paggamit ng mga prinsipyo sa ekonomyang pampulitika para suriin ang katayuan ng mga uri sa kanayunan, paglulunsad ng mabungang mga pulong pagsisisiyasat, pagbubuo ng mga yunit ng BHB at mga leksyon sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, at ang matatagumpay na mga pulong paglalagom at pagbubuo ng mga patakaran at gabay para sa kabuuang pagsulong ng mga gawain.

Ang gawain sa Gitnang Luzon ay naging panibagong hamon at nagpayaman pa sa pagsapol sa rebolusyonaryong teorya at nagpalalim sa rebolusyonaryong praktika. Panahon na naman ng daluyong – ang antidiktadurang daluyong na humantong sa pag-aalsang bayan kasabay ng rebelyong militar na nagpabagsak sa diktadurang Marcos. Panahon na naman na bumibilis din at umiigpaw ang kaalamang teoretikal at praktikal sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Kamangha-mangha ang bumulwak na galit sa diktadurang Marcos pagkatapos ng asasinasyon sa dating senador Benigno Aquino. Ang dating tulog na mga bayan sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon ay nagbangon at ispontanyong kumilos at lumabas sa mga lansangan. Sa panahong ito, ang usapin ay paano sasanib sa malawakang pagkilos sa lansangan ang lakas sa kanayunan, paano susunggaban ang pambihirang mga oportunidad para mabilis na makapagpalawak at makapagpalakas kapwa sa kanayunan at kalunsuran, paano mag-aambag ang BHB sa pagbabagsak sa diktadurang Marcos.

Isang tampok na malakihang pagkilos na nilahukan ng Gitnang Luzon ang Lakbayan ng 1984 para isulong ang kilusang boykot sa huwad na Eleksyong IBP ng diktadurang Marcos. Iniugnay nito ang kampanyang boykot sa panawagan para ibagsak ang diktadurang Marcos, para labanan ang imperyalismong US na siyang sumuhay sa pasistang diktadura at para isulong ang tunay na reporma sa lupa.

Ang paghahanda para sa Lakbayan at ang aktwal na Lakbayan ay tunay na naging pista ng masa. Buo-buong mga baryo ang magdamagang naghanda ng mga babaunin, nag-organisa ng mga pangkat sa pagmamartsa, nagbuo ng mga marshall, nagpinta ng mga plakard at streamer, nag-ayos ng mga hihimpilan at tutulugan, nagbuo ng grupo ng mga tagapagsalita sa bawat hihimpilan at masigasig na nangalap ng suportang pinansya.

Sa aktwal, ang init ng kanayunan at kalunsuran ay nagsalubong, bumaha ang mga tulong na pagkain at tubig, maging dagdag na pwestong matutulugan. Maraming nag-ambag ng tulong pinansyal na labis-labis sa pangangailangan ng Lakbayan. Matamang pinakikinggan ang mga tagapagsalita sa mga dagliang rali sa bawat hinihimpilan at masigabong pinapalakpakan ang mga kulturang pagtatanghal. Sa masa sa kanayunan ng Gitnang Luzon na matagal na panahong dumanas ng malakihan at malulupit na operasyong militar, ang paglahok sa gayong kalaking hayagang pagtuligsa at pagprotesta sa pasistang diktadurang Marcos ay parang pagpapakawala ng tubig na malaon nang inimbak sa isang dam. Ramdam ng lahat ang nalalapit na pagbagsak ng pasistang diktadurang Marcos.

Para sa akin, ang tagumpay ng rebolusyon at maaliwalas na umaga para sa masang inaapi at pinagsasamantalahan at ng uring proletaryado ay araw-araw na pinatutunayan ng pagyakap ng masa sa rebolusyonaryong teorya ng lipunan at rebolusyong Pilipino, sa kanilang pag-oorganisa at pakikibaka, sa pagpupursige ng Bagong Hukbong Bayan sa landas ng armadong pakikibaka, sa puspusang pagsisikap ng Partido Komunista ng Pilipinas na isanib ang unibersal na teorya ng MLM sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.

Buo ang aking tiwala sa masa at sa Partido na aabutin ang mas dakila pang mga panahon kaysa sa mga naunang dinaanang daluyong patungo sa ganap na tagumpay ng rebolusyon. Kahit may lumitaw pang mga panibagong hadlang at kahirapan sa pagmamartsa tungo sa tagumpay, ang mga leksyon sa nakaraan, ang pamumuno ng Partido at pagbabangon ng masa ay tiyak na makapangingibabaw.

2017

The post Syering appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Attack in Afghanistan Leaves Three Dead and Seven Injured

On Monday, at least three people died and seven others were

Ang Bayan Ngayon » Increased wages, not “inflationary” nor will result in “losses” to companies

Fake “economist legislators” in the Lower House are opposed to