Uncategorized

Taas-pasahe, ayuda para may buhay sa hanapbuhay – Pinoy Weekly

Taas-pasahe, ayuda para may buhay sa hanapbuhay – Pinoy Weekly


“Kahit pa makapagsakay kami ng 200 hanggang 300 katao sa isang buong araw ng pamamasada,” hindi pa rin sapat para may maiuwi sa pamilya mula sa pamasahe pagkatapos ibawas ang gastos sa gasolina, bayad sa boundary at iba pang gastos sa maintenance ng dyip. “Pakaunti na nang pakaunti ang bumibiyaheng jeep, at nagugutom na ang aming mga pamilya.”

Nakapaloob itong mga linya sa bukas na liham ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa mga komyuter noong Abril 21 sabay sa protestang bayan isang araw matapos magpasa ang Piston ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para dagdagan ng P10 ang pamasahe. 

“Wala pa pong giyera, nag-file na po tayo ng fare hike sa halagang P5 pero Oct. 17 pa po hearing no’n,” sabi ni Ely Villena, 58, tatlong dekada nang tsuper. “Kailan lang naaprubahan. Piso lang tapos binawi pa.”

Kung titingnan ang mga hakbang ng gobyerno, parang “gasolinahan ang binubuhay nila,” ani Villena, imbis na ang daang libong mga tsuper tulad niya. 

Nagkasa ng tigil-pasada ang mga tsuper sa Mobolo, Cebu City, isa sa mga strike center sa probinsiya. Larawan mula sa Piston Cebu

Hindi lang mga tsuper ang naiiwang pumapasan sa epekto ng sumisirit na presyo ng langis. 

Sama-samang tumungo ang mga drayber at konduktor ng Bus Employees Association of the Philippines (BEAP) sa LTFRB noong Abril 20 para sa diyalogo kung saan ipapanawagan na magkaroon ng ayuda para sa mga konduktor. Anila, napag-iiwanan ang mga drayber at konduktor ng bus na walang natatanggap na tulong pinansiyal.

“Madaming nagsasabi sa TV na may ayuda, e wala namang binibigay,” sabi ni Robert Muage, konduktor sa rutang Fairview-PITX. “Wala kaming naiiuwi.”

Kinondena rin ng asosasyon ang giyerang agresyon ng US at Israel laban sa Iran. Malinaw umano ang layunin na mang-agaw ng suplay ng langis habang minamanipula ng malalaking kompanya kagaya ng Petron ang walang tigil na pagtaas ng presyo.

Ganito rin ang tindig ng Piston, “Alam naming panandalian lamang ang mga rollback dahil nagpapatuloy na kontrolado ng mga dambuhalang kartel ng langis ang industriya ng langis sa bansa.” /May ulat mula kay Marty Apuhin



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning