Muling nag-anunsiyo ang Manila Electric Company (Meralco) noong Hunyo 11 ng dagdag P0.15 singil sa kada kilowatt hour (kWh) o katumbas ng P30 taas-singil sa buwanang bill ng mga kabahayang kumokonsumo ng hindi lalagpas sa 200 kWh.
Sabi ng Meralco, buhat umano nang tumaas na generation charge o ang halaga ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM), tumaas ang bentahan ng kuryente kasabay nang tumataas na pangangailangan dito habang nagiging limitado ang suplay sa buong Pilipinas. Dagdag pa ng kompanya, magtipid sa paggamit ang mga konsyumer para hindi lumobo ang bill.
Palag ng mga konsyumer, ano pang pagtitipid ang dapat nilang gawin sa ilalim ng napakainit na panahon? Reklamo pa ng mga ito, imbes na mas maayos na serbisyo, dumadalas na brownout ang kanilang nararanasan.
Nakapanayam ng Pinoy Weekly si Amihan Mabalay, pambansang tagapagsalita ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network), upang ibahagi ang kanilang saloobin at pagsusuri sa totoong dahilan ng taas-singil.
Simula Mayo, dalawang beses nang nagtataas ng singil sa kuryente na talagang inaarayan ng ating mga kababayan. Bakit nga ba mayroong pagtataas ng singil sa kuryente?
Amihan Mabalay (AM): Nakita natin ‘yong spike [ng singil] paakyat noong nagsimulang [maramdaman] na talaga ng mga konsyumer, ng mga komyuter, ‘yong epekto ng energy crisis. Kasi dikit-dikit yan, dahil ‘yong source ng ating electricity ay fossil fuels, kadikit nito ‘yong naging crisis natin sa energy, lalo na noong nagkaroon ng giyerang agresyon ang [US at Israel sa Iran]. Kasama rin dito, naapektuhan din [ang] suplay, kasi lahat ng ating gine-generate para sa ating electricity ay galing sa produktong petrolyo. Tapos, mayroong impact din ‘yong pagtaas ng dolyar kasi binibili natin ‘yong mga ini-import natin sa dolyar. So, kapag gumalaw yung [halaga] ng piso laban sa dolyar, affected din [ang bilihan ng kuryente].
[Pero] kung babaybayin natin, nitong Hunyo 8, 25 years na ang Epira (Electric Power Industry Reform Act). ‘Yung Epira [bilang] polisiya, ito ay nakikita natin bilang pag-liberalize at pag-deregulate ng industry ng electricity, ng enerhiya, at ito ‘yong naging dahilan kung bakit napakalaya ng mga [negosyo], ng mga [oligopolyo] na tinatawag natin, na magtaas ng presyo na hindi na sakop ng kontrol ng gobyerno, kaya napakalaki ng pass-on charges sa mga consumers.
Sa iba, mukhang maliit ang P30 buwanang taas-singil, pero para sa mga konsyumer, ano ang epekto nito sa araw-araw at saan ba mapupunta ang dagdag-singil?
AM: Noong kasagsagan ng giyera, nag-warn tayo, ang SUKI, na simula pa lang ito, na magkakaroon ng snowball effect—‘yong taas ng [pamasahe], ‘yong [taas sa] LPG na apektado din ang ating mga household, at later on, ito na nga. Noong paunti-unting sinasabi ng energy sector, ng ERC (Energy Regulatory Commission), ng Meralco, na magtataas sila, pero hindi natin [inasahan] na ganito kataas. Mayroon talagang bill shock, electric bill shock, [mula sa] sabihin natin, ‘yong iba, [mula] P700 na naging libo, ganyan. Pero sa datos na kinalap ng Ibon Foundation, kung babaybayin natin, ‘yon nga, dahil sa epekto ng Epira sa pag-deregulate [noong] 2001, doon sa [kumokonsumo ng] 200 kWh na [bahay], P4.87 lang per kWh, ngayon P14 pesos. So, [triple] ‘yong itinaas n’ya, [mula] P974 to P2,867, halos P3,000. So, mula halos P1,000 tungong halos P3,000, ganoon kalaki from 2001 [ang itinaas].
Anong halaga ng P30 per [200] kWh, mabigat siya, hindi lang siya barya. Kasi sa isang household ngayon, lalo na’t nasa super El Niño tayo, alam naman natin gaano kasiksik ang ating mga espasyo, lalo na sa mga maralitang lungsod, talagang kinakailangan nating kumonsumo ng mas malaking kuryente. Hindi ito magaan, yung P30 per [200] kWh, dahil makakabili na ‘yan ng kalahating kilong bigas, makakabili na ‘yan ng ilang pirasong gulay.
Isa sa tampok sa Epira ay ang pagpasok ng pribadong sektor sa industriya ng enerhiya. Sa suri ng mga konsyumer, ano ang naging benepisyo ng pagpasok ng pribadong sektor?
AM: Ginawa nilang justification ‘yong pagluwag ng market sa [pribadong] industry players ng sector dahil pumalpak daw ang gobyerno noong 1990s sa pag-manage ng ating electricity, sa pag-distribute nito sa kapuluan. Isang paradigm din ‘yan na nilalabanan natin at ng iba pang mga sector, nilalabanan natin yung pag-deregulate, yung pag-liberalize ng ating ekonomiya dahil hindi ibig sabihin na bukas ay may malayang kompetisyon. Sa huli, ito ay nauuwi sa [kamay ng] oligarko o ang pag-monopolyo ng iilan. Ngayon, nakikita natin na hawak [lang] ng iilang malalaking kumpanya, mga pamilya, itong mga electric industry businesses.
Halimbawa, ‘yong Lopez family, First Gen Group; Aboitiz, AboitizPower; Ayala Group; Salim Group sa pamamagitan ni Manny Pangilinan; ang Meralco; at ‘yong Razon, kopo din nila ang Malampaya gas field at MORE Power sa Iloilo. Iilan lang sila na kumokontrol kung papaano gine-generate, tina-transmit ang kuryente sa buong kapuluan. Ito ‘yong sagot kung bakit napakaraming binukas na mga market opportunities pero hindi naman nag-improve ang serbisyo, kasi nga para sa mga kompanyang ito, hindi serbisyo talaga ang pagpo-provide ng kuryente, kung hindi negosyo. Kapag ang isang yutilidad o ang isang service ay ginawang negosyo, ang pangunahin na nilang hinahabol diyan ay tubo.
Laging sinasabi ng Meralco na wala silang kinikita mula sa pagtataas ng singil, anong masasabi dito ng ating mga konsyumer?
AM: Sa research na ginawa ng Ibon Foundation, sa transmission charge, 8% ang [binabalikat] ng consumer; sa generation charge, 55-68% ng bill binabalikat ng consumer; ‘yong taxes at iba pang charges, doon nagkakaroon din ng kalituhan. Kasi halimbawa, yung tinatawag na GEA All, ito pala ay singil para sa renewable energy, pero hindi naman ginagamit ng lahat ng consumer ‘yong tinatawag nilang renewable energy, kasi wala naman silang facility na ibinibigay sa consumer. So, ibig sabihin, nagbabayad tayo ng hindi pa natin ginagamit.
Tapos, nagkaroon din ng issue doon sa discounts at saka sa subsidy, ‘yong lifeline subsidies. Mayroon tayong kaban ng bayan na doon dapat kinukuha itong mga subsidies na ito, pero pinapapasan pa sa ordinaryong consumer. So, may collusion kasi ‘yong gobyerno at itong malalaking kompanyang ito na palabasin na hindi nila ipinapasa. Pero in truth, kapag hinimay-himay naman talaga natin, nakikita natin na hindi ginagamit ng karaniwang consumer ‘yong sinisingil nila at hindi dapat na sinisingil sa ordinaryong consumer.
Hindi pa tapos ang sigalot sa West Asia. Sa pagtingin ng SUKI, paano ba natin kagyat na mapabababa ang singil sa kuryente?
AM: Pangunahing panawagan ng SUKI, noon pang umiinit pa lang ang usapin ng giyera, tanggalin na ‘yong VAT (value-added tax) sa kuryente. Napakalaking alwan sa bawat kabahayan kung tatanggalin ang VAT. [Pangalawa], dapat i-junk, i-repeal na talaga ang Epira. Napatunayan na natin sa loob ng 25 years, na ‘yong mga ipinangako nito ay hindi naman natupad, na ang competition ay magpapababa ng presyo, hindi. Nakita naman natin sa binanggit kanina from P4 to P14 per kWh [ang itinaas]. Nagsasalita naman ang mga datos, at may iba pang research na makakapagpatunay na hindi talaga itinuturing na serbisyo ito, pinagtutubuan na lang. Ginawa itong business, na kung hindi mo kayang magbayad, bahala ka, walang magagawa ang gobyerno, dahil ito ang polisiya.
Dapat ibasura talaga ang Epira at mag-transition tayo sa mga renewable energy sources. Just transition na people-led, ang mga tao ang nagtutukoy, ang mga komunidad ang nagtataguyod, nakikita talaga natin na walang pangingialam ng mga malalaking kompanya, malalaking negosyo na yan. Kasi ngayon, ‘yong solar transition natin, hawak din nila. Hindi natin dapat ito [payagan] dahil malilipat lang sa porma, pero ang may hawak ay sila pa rin. Kaya ang itinutulak ng SUKI, kasama ng mga environmental groups, at ng iba’t iba pang science and technology groups, ‘yong people-led, community-based, at tinitiyak natin na walang madi-displace, maaapektuhan na mga komunidad, lalo na sa kanayunan kung saan gine-generate ang renewable sources natin gaya ng hydro, solar at geothermal.
