Transport Strike (tigil-pasada) – sama-sama na pagtigil ng mga taong may trabaho sa pampublikong transportasyon at itinalaga bilang isang sukatan ng protesta upang kamtin ang isang hanay ng mga kahilingan.
Mahalaga ang mga welga sa pampublikong transportasyon dahil ito lang ang kanilang sandata at huling baraha para labanan ang mga pagsikil at panggigipit na pinaiiral ng estado tulad ng “modernisasyon” ng mga pampublikong sasakyan.
Isa sa mga priority initiative ng administrasyong Rodrigo Duterte noong 2016 ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Galit ang mga manggagawa sa transportasyon dahil papasanin nila ang malaking halaga ng modernisasyon at libo-libong manggagawa sa transportasyon ang mawawalan ng hanapbuhay kapag tuluyang maipatupad ang programa.
Sinimulan noong Marso 6 ang tigil-pasada ng mga jeep at UV Express na kasapi ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper Operators Nationwide (Piston), Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) at Alliance of Concerned Transport Organizations (Acto) upang tutulan ang panggigipit ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Kinukuwestiyon ng mga grupo ang utos ng pamahalaan na bumuo sila ng kooperatiba para sa industry consolidation at ang gastos sa pagpapalit sa modern jeep na nagkakahalagang humigit kumulang sa P2.5 milyon kada yunit.
“Bakit ba kating-kati ang gobyerno ni Marcos Jr. na mag-import nang mag-import para palitan ang mga lokal nating jeepney at paglaruan ang buhay ng maralitang Pilipino?” wika ni Piston chairperson Mody Floranda.
Dahil sa pagtutulak at panggigipit ng administrasyong Marcos Jr. sa PUVMP, sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na naparalisa ang public transportation dahil sa dami ng lumahok na pampasaherong jeep at UV Express.
Isinagawa ang tigil-pasada sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at iba pang rehiyon.
“Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomiya,” ani Floranda.
Ayon sa Piston, kung nais umano ng gobyerno na magkaroon ng mas abot-kaya, malinis at komportableng sasakyan sa bansa, ang pagkakaroon ng makatarungang transition program sa pamamagitan ng pagsuporta sa local manufacturing industry at pagpapahintulot sa rehabilitasyon ng mga tradisyunal na jeep para mas maging malinis at maayos ang mga ito ang mas praktikal at maganda umanong dapat gawin
Isang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa pagtutulak ng gobyerno sa pag-phaseout sa mga tradisyonal na pampasaherong jeep ang transport strike. Patunay ito na ang sama-samang pagkilos ng mga tsuper, operator at mga karaniwang mamamayan na nagsakripisyo ay magbubunga para sa hangaring makamit ang kanilang mga panawagan.
“Pinakikita lamang nito na handang makipaglaban ang iba’t ibang samahan para pigilan ang sapilitang franchise consolidation at PUV phaseout na patuloy na itinutulak ng gobyerno,” ani Floranda.
Matapos ang dalawang araw na tigil-pasada, tinapos na ng transport group na Manibela at Piston ang kanilang tigil-pasada. Ayon sa mga grupo, babalik na sa pamamasada ang kanilang miyembro.
Inanunsyo ng Piston na makikipag-usap na ang Malacañang sa mga lider ng mga transport group hinggil sa kanilang panawagan.
Ayon sa Piston, bitbit ng kanilang pangulong si Mody Floranda sa pakikipag-usap sa administrasyong Marcos Jr. ang kanilang panawagang ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines.
“Balik byahe, walang phaseout!” naman ang post ng Manibela sa kanilang Facebook Page
Nagpahayag pa ang Piston na “dahil sa ating sama-samang pagkilos, naobliga ang Malacañang na makipag-usap sa transport leaders.”