Sa ika-36 taon, muling binuksan ng UP Samaskom, organisasyon sa University of the Philippines College of Media and Communication, ang entablado para sa kanilang longest-running live comedy variety show na Live A.I.D.S. o Ang Istoryang Dinebelop ng Samaskom.
Dala ang temang “Let there be laughs,” walang tigil ang halakhakan ng mga manonood sa mga acting, improvisation, sayawan at kantahang tumatalakay sa mga pinakamainit na isyung bayan.
Siguro dahil unang beses ko kaya hindi pa man nagsisimula, excited na ako. Alam kong showcase ng talento ang masasaksihan ko, pero hindi ko inasahan ang intensity ng mga performance na mapapanood ko. Simula umpisa hanggang dulo, todo ako sa pagsagot sa mga chant at pagtataas ng aking “laugh-stick.” Kumbaga, pasok na pasok ako sa target market ng palabas.
Sa pagbukas pa lang ng telon ng IBG-KAL Theater, makapanindig-balahibong original composition at sayawan na ang sumalubong sa amin. Mala-ASAP All Star ang performance! Paano ba naman, bigay-todo ang lahat ng bahagi ng produksiyon (kahit ‘yong back up dancer o taumbayan lang ang role) at talagang pinaghandaan at pinag-isipan din ang teknikal na aspekto ng mga pagtatanghal.
Iba ang antas ng pagkamalikhaing nakita at nadama ko sa pagtatanghal ng UP Samaskom. Dama ng manonood ang intensiyon ng bawat karakter, ng bawat eksena, ng bawat linya, ng bawat step ng sayaw, at bawat linya ng kanta. Isa sa mga tampok sa akin ang kathang-isip na girl group na tinawag nilang “Joyride.”

Halaw ang gawa-gawang grupo sa iconic Pinoy girl group na Sexbomb Girls na may katangian ng isang K-pop group—bawat isa ay may tukoy na papel (rapper, leader, dancer, etc). Ngunit liban sa panggagaya sa isang P-pop group, dala ng buong pagtatanghal nila ang kritika sa isang bulok na sistema ng transportasyon, ang pagtaas ng presyo ng langis at singil sa kuryente. Nakaka-hook ang kanilang performance lalo pa’t ginamit ang tono ng mga sikat na kanta ng Sexbomb Girls para bumuo ng mga bagong jingle tungkol sa danas ng isang komyuter.
Habang binibigyang-buhay ng mga kasapi ang buong produksiyon, isinisigaw ng isip ko ang paghanga sa mga kasapi ng organisasyon. Isang buhay na patotoo ang UP Samaskom kung bakit dapat pang lalong hikayatin ang kabataang sumali ng mga student organization, at bakit dapat bigyan ng dagdag na suporta ang mga organisasyong pang-mag-aaral, pati na ang sining.
Sadyang may mga pagkatuto at pagkahasa ng talento na hindi kayang ibigay ng apat na sulok ng silid-aralan.
Labas sa pagkamangha sa galing at talento ng mga residenteng kasapi at alumni ng UP Samaskom, mas namangha ako sa sense of community na nabuo na nila sa kanilang manonood sa loob ng 36 taon.
At mas nakahahawa ang mga tawanan dahil ang mga banat ay talagang napapanahon—mula sa reference ng mga pinakabagong trend sa social media hanggang sa pinakabagong ganap sa politika.
Buhay na buhay ang Filipino satire sa palabas ng UP Samaskom! Akala ko tatawa lang ako, hindi ko inakalang makakahanap ako ng karamay sa galit ko sa korupsiyon at mga dinastiya, sa pag-antala sa impeachment at drama sa Senado, sa pagsirit ng presyo ng langis, kuryente at tubig, bulok na transportasyon, sa pangangamkam ng lupain ng mga Villar, pagkasira ng Sierra Madre, at militarisasyon ng mga paaralan.
Sa loob ng tatlong oras, naging panandaliang liwanag sa madilim na realidad ang Live A.I.D.S. Naging paalala ito na ang sining ng komedya ay mabisang paraan din sa pagtatalakay kahit ng mga pinaka seryosong bagay.
“Wow!” ito na lang ata ang nasabi ko matapos manuod sa unang pagkakataon ng Live A.I.D.S. Sa tagal ng itinagal ko sa kolehiyo, bakit ba ngayon ko lang naisip manood? Hindi na bale, ngayon nahanap ko na ang rason para panoorin ito taon-taon.
