Tigil pasada, pagpapanagot sa korapsyon sa LTFRB, tuloy pa rin hangga’t tuloy ang jeep at UV phaseout –

October 13, 2023


“Yung mga jeep namin na gusto nilang iphase-out, ‘yung mga bulok po sa LTFRB ang unahin nilang iphase-out,” pahayag ni Mar Valbuena, national chairperson ng transport group na MANIBELA, sa isang press conference noong Oktubre 13, hinggil sa deklarasyon ng tigil pasada sa darating na Lunes.

Sa isang press conference noong Oktubre 9, isiniwalat ng dating executive assistant ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Jeffrey Tumbado ang iskemang ‘ruta for sale’ na binebenta sa halagang P5 milyon ang ruta, prangkisa, at permit sa mga operators ng mga transport officials. Sinabi rin ni Tumbado na umaabot hanggang Malacañang ang lagayan sa ‘ruta for sale.’

Sa araw din mismo ng pagsisiwalat ni Tumbado, sinuspindi ni Ferdinand Marcos Jr. sa pwesto ang Chair ng LTFRB na si Teofilo Guadiz III.

“Kami nagpapasalamat na dumating sa punto ang pagbubunyag na ito… Malaking bagay po sa amin na talagang nagpapatotoo sa korapsyon sa loob (ng LTFRB),” ani Valbuena.

Nilahad ni Valbuena ang naging pag-uusap kasama si Tumbado kung saan nagbigay siya ng mga ebidensya, bago ang balitang pagbawi nito ng pahayag sa alegasyong korapsyon sa LTFRB at DOTr.

Nilinaw rin nito na galing kay Tumbado ang ideya ng pagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman at pagpapaunlak ng press conference.

“Naniniwala kami na may nakialam dito para umatras ang ating whistleblower. Hindi kami naniniwala na kusa lang siyang bumawi at natakot lang para sa pamilya,” dagdag ni Valbuena.

Miyerkules noong nagpahayag ng pagtalikod sa mga isiniawalat niya si Tumbado, kasabay ng pagpapabula ng LTFRB ng mga alegasyong ito.

Arangkada ng tigil-pasada

Sa kabila ng pagbawi ni Tumbado, idineklara ng MANIBELA ang tigil pasada, bilang protesta at panawagan kay Marcos Jr. na magsalita hinggil sa katiwalian sa loob ng LTFRB at Department of Transportation (DOTr).

“Kailangan managot ng mga taong ito. Huwag nila kaming takutin, dahil hindi kami natatakot. Hindi kami korap! Kayo ang korap. Kayo ang dapat matakot, kayo ang dapat managot sa batas, kayo ang dapat managot sa taumbayan na ninanakawan ninyo.”

Bukod sa mga alegasyon, panawagan ng grupo ang suspensyon ng pagphase-out ng mga jeep sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Noong nakaraang Marso 6, naglunsad ng tigil-pasada ang iba’t ibang transport groups sa PUV phaseout. Mabilis na tumugon ang gobyerno ng pag-uurong ng naunang deadline na Hunyo patungong Disyembre para sa pagkonsolida sa mga prangkisa para sa jeep at UV Express na sumali sa mga kooperatiba.

Hindi pa rin naman inuurong ng gobyerno ang planong modernisasyon na sa mga katulad ng grupong Manibela ay nangangahulugan na ring phaseout ng kanilang kabuhayan dahil hindi makasasabay ang mga indibidwal na drayber at maliliit na operator sa imposisyong pagkokooperatiba at pagpapalit ng sasakyang gamit pamasada.

Naulit ang tigil pasada kasabay ng State of the Nation Address ni Marcos Jr. sa harap ng kawalan pa rin ng katiyakan sa usapin ng phaseout at sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Valbuena, hindi lamang sa Metro Manila, ngunit sa iba’t ibang probinsya ay mainit ang suporta at latag ng protesta sa harap ng mga regional offices ng LTFRB.

Tinatayang 600 na ruta sa Metro Manila ang masasaklaw sa inilatag na tigil-pasada na maapektuhan ang libo-libong komyuter. Sakripisyo din ito sa bahagi ng mga tsuper na apektado ang araw-araw na gastusin at pagkain, ngunit mas iindahin ng mga tsuper at operator kung tuluyan silang mawalan ng kabuhayan dahil sa programang modernisasyon.

Habang papalapit ang deadline na tinututulan ng grupo, sinabi nito na magkakasa pa sila ng mga susunod na protesta at tigil pasada.

“Pagka-sinuspend yung implementasyon ng PUVMP at yung validity ng aming mga prangkisa ay walang deadline, titigil na po kami,” ani Valbuena.



Source link

Don't Miss

April 9 protest: ‘No’ to Chinese and U.S. troops in the country

April 9 is Araw ng Kagitingan or Day of Valor.

Broadcast journo files P2M civil case against red-taggers

Atom Araullo has been at the center of a red-tagging