Kaltas sa mga batayang serbisyo publiko, bilyon-bilyon para sa infrastructure projects, at trilyones para sa tinaguriang “presidential pork barrel.”
Ganyan inilarawan ng ilang public finance analysts ang laman ng P6.352 trilyon panukalang national budget sa 2025.
“Sa aming pagsilip, mapanganib ang laman ng 2025 budget. Maraming item na pwedeng gamitin sa pork barrel, pwedeng gamitin sa eleksiyon, at pwedeng magpayaman sa mga kontratista, mga alyado, at matataas na opisyal ng gobyerno,” ani Bayan Muna chairperson Neri Colmenares.
Ayon sa 2025 President’s Budget Message, para sa “kasaganahan” daw ang panukalang badyet sa susunod na taon, dahil popondohan daw nito ang kakayanan ng mga Pilipino para kumita at pataasin ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Pero kung susuriin, hitik ang panukala sa mga kaltas sa serbisyo publiko.
Budget cut sa serbisyo
Isa ang agrikultura sa makararanas ng pagkaltas sa pondo sa susunod na taon. May nakaambang P10.4 bilyon kaltas sa pondo para sa agrikultura sa 2025, mula sa kasalukuyang P221.7 bilyon tungong P211.3 bilyon. Partikular na babawasan ang pondo para sa irigasyon.
Pati sektor ng kalusugan, may nakaamba ring P10.7 bilyong kaltas, mula sa P308.3 bilyong badyet ngayong 2024 tungong P297.6 bilyon. Isa sa pinakamalaking bahagi ng badyet para sa kalusugan na kinaltasan ang pondo para sa “medical assistance to indigent patients” na tulong pambayad sa pagpapaospital ng mga mahihirap. Mula sa kasalukuyang P58.1 bilyong pondo, mangangalahati ito tungong P26.9 bilyon sa 2025.
Nakatakda ring tapyasan ang pondo ng public specialty hospitals kabilang ang Philippine Children’s Medical Center (P558.4 milyon kaltas), Philippine Heart Center (P197.9 milyon kaltas), at National Kidney and Transplant Institute (P139.2 milyon kaltas).
May budget cut din ang iba pang ahensiya ng gobyerno na direktang nagbibigay serbisyo kabilang ang Department of Social Welfare and Development (P18 bilyon kaltas), Department of Migrant Workers o DMW (P1.8 bilyon kaltas) at maging Department of Labor and Employment (P14.4 bilyon kaltas).
“Walang pakialam ang gobyerno sa mga OFWs (overseas Filipino workers). Ang pondo na dapat sanang magamit para sa kanilang kapakanan ay hindi nil napapakinabangan,” giit ni Makabayan Coalition co-chairperson Liza Maza sa isang piket sa labas ng Kongreso noong pagdinig ng sa panukalang badyet ng DMW noong Ago. 20.
Dagdag ni Colmenares, hindi para sa kasaganahan ang panukalang badyet sa 2025. “Kung naghihikahos ang taumbayan, pero malaki ang kaltas sa social services, hindi kasaganahan ang hatid niyan. Lalong malulugmok sa kahirapan ang mamamayan,” diin niya.
Infrastructure bonanza
Ani Colmenares, hindi serbisyong panlipunan kundi imprastruktura ang tumatampok sa panukalang budget.Aabot sa P1.5 trilyon ang laang badyet sa susunod na taon para sa mga infrastructure project, kabilang ang P256.5 bilyon para sa flood control (sumangguni sa sidebar).
Pinakamalaking pagtaas ng makukuhang pondo ang makikita sa Department of Transportation, na nakatakdang makakuha ng P180.9 bilyon sa 2025, mas mataas nang P107 bilyon kumpara sa P73.9 bilyon badyet ngayong taon.
Dahil marami sa mga infrastructure project na ito ang galing sa inutang na pondo, malaking parte rin ng 2025 budget ang mapupunta sa pambayad utang.
Sa kabuuan, aabot na sa P17.35 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas pagsapit ng dulo ng 2025. Kung hahatiin ito sa tinatayang populasyon ng Philippine Statistics Authority sa 2025 na 115.4 milyon, aabot na sa P150,407 ang utang ng bawat Pilipino sa susunod na taon.
Duda ni Colmenares, nangangamoy eleksiyon at pork barrel ang paglalagak ng sandamukal na pondo para sa mga infrastructure project gaya ng pagpapaayos ng mga kalsada at tulay.
“Kadalasan, ang purpose ng malaking pondo para sa infrastructure ay para sa eleksiyon. Mamigay ka ng mga [kalsada at tulay] sa mga [congressman], sa mga senador, sa mga mayor, governor na gusto mong manalo o kaalyado mo,” paliwanag niya.
Sidebar: Bumabaha ng utang
Bida sa nagdaang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatayo ng kanyang administrasyon ng mga flood control project.
Pero saan ba galing ang pondong ipinampapatayo sa mga proyektong ito na kadalasa’y bilyon ang halaga?
Batay sa 2024 at 2025 Budget of Expenditures and Sources of Financing, mula 2022 hanggang 2025, may siyam na flood control infrastructure project na mula sa utang ang ipinangpapatayo.
Kahit pa may bahagi ng nasabing mga proyekto na popondohan ng Pilipinas, aabot sa P25.18 bilyon ang kabuuang inutang at uutangin pa para sa nasabing mga proyekto.
Pinakamaraming proyektong pinondohan ang Japan International Cooperation Agency (JICA), na nagpautang para sa apat na malalaking flood control infrastructure.
Ang Metro Manila Flood Management Project Phase 1 naman ang pinakamahal at pinakamalaking flood control project na itinatayo sa kasalukuyan.
Mula 2022 hanggang 2025, umutang at uutang ang bansa sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) at International Bank for Reconstruction and Development (IBRD, na bahagi ng World Bank) ng aabot sa P9.43 bilyon para sa nasabing proyekto. Phase 1 pa lang ito ng “Flood Management Master Plan” na inaprubahan ng gobyerno noong 2012, na tinatayang magkakahalaga ng aabot sa P352 billion.
Ayon sa panukalang budget ng Marcos Jr. administration para sa 2025, aabot sa P256.5 bilyon ang kabuuang budget para sa pagpapatayo, maintenance, at rehabilitasyon ng aabot sa 1,903 flood control infrastructure sa bansa.
Presidential pork
Sa mas malalim na pagsusuri, hindi lang pondo para sa imprastraktura ang maaaring pagmulan ng pork barrel.
Paliwanag ng independent think tank na Ibon Foundation, may ilang malalaking bahagi ng national budget na maituturing na “presidential pork barrel” o mga pondong direktang hawak at madaling mailipat-lipat ng gamit ng pangulo.
Una na rito ang kontrobersiyal na confidential and intelligence funds na aabot sa P10.29 bilyon ang nakalaan sa 2025.
Maituturing din daw na bahagi ng presidential pork ang tinatawag na special purpose funds (SPFs) na malaking bahagi ng badyet na buo-buo o lump sum at wala pang detalye kung saan eksaktong gagamitin.
Ayon sa 2025 Budget of Expenditures and Sources of Financing, aabot sa P1.89 trilyon ang nakalagak sa SPFs, kabilang ang pondo para sa mga pamahalaang lokal, calamity fund at contingency fund.
Maibibilang din daw sa “presidential pork” ang tinatawag na unprogrammed appropriations (UA) o mga bahagi ng badyet na nakalista at may halagang nakalaan, pero wala pang tiyak na pagkukunan ng pera. Naging kontrobersiyal ang UA kamakailan dahil may malaking bahagi ng pondo ng PhilHealth ang inilipat dito. Sa 2025, may laang P158.6 bilyon sa ilalim ng pondong ito.
Ayon sa Makabayan Coalition, dahil napakaluwag ng mga patakaran sa paggamit at maging pagtatakda ng UA, walang nakasisiguro kung talagang P158.6 bilyon lang ang magagamit sa 2025. Ganito ang nangyari ngayong 2024, kung saan walang patumanggang dinagdagan ng P449.5 bilyon ang orihinal na rekwes ng administrasyon para sa UA.
Sa loob ng UA, may kahina-hinala rin umanong alokasyong tinatawag na “Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs” na nagkakahalaga ng P78.4 bilyon.
Dahil laan ang nasabing pondo para sa imprastruktura at hindi pa tinutukoy na “social program,” pangamba ng Makabayan Coalition na maaaring ito na ang bagong porma ng “congressional pork barrel” na ipinagbawal na dati ng Korte Suprema matapos malantad ang paggamit sa pondong ito sa “ghost projects” ng mga mambabatas.
Sumatotal, aabot sa P2.06 trilyon ang maituturing na presidential pork barrel sa 2025 national budget.
Paliwanag ng Ibon Foundation, mapanganib ang pagbibigay ng control sa iisang tao o grupo sa napakalaking bahagi ng pambansang badyet.
“Kung ibibigay ‘yong control sa buong budget na yan sa isang maliit na grupo, ang magiging tendency nyan ay abusuhin talaga para sa pansariling interes, pansariling financial interest, or even unfortunately, para sa pansariling political interest,” paliwanag ni Ibon executive director Sonny Africa.
Dagdag ng Ibon Foundation, imbis na mapondohan ang mga serbisyo na taumbayan ang makikinabang, hinahadlangan ng presidential pork barrel ang makatuwirang pagbabadyet.
“‘Yong usapin na pagtatanggal ng pork, hindi lang siya usapin ng numero, usapin siya ng proseso. Kasi ang pinakaesensiya naman do’n sa pork barrel ay may budget process tayo na masyado makapangyarihan ‘yong president,” paliwanag ni Africa.
“Kailangan may matinong proseso ng pagtatakda kung paano ba ginagastos ‘yong proposed government budget natin. At ‘yong tamang proseso do’n, lahat ng mga bagay na kailangan paggastusan, kailangan pag-usapan. Kailangan nakalista kung saan gagamitin ‘yong pondo na ‘yan. At kapag ginagastusan siya, kailangan may accountability,” diin niya.