Tugon sa implasyon, kahirapan, hindi Cha-cha–eksperto

January 31, 2024


Ni ANDREA JOBELLE ADAN
Pinoy Weekly

Kasabay ng mga talakayan tungkol sa Charter change (Cha-cha) ang pag-uusap at pagsiyasat sa dagdag na P14.2 bilyon na pondo ng Commissions on Elections (Comelec), ang ahensiya na nangangasiwa sa mga halalan at plebisito.

Makikita sa 2024 General Appropriations Act (GAA) na P14.2 bilyon ang inilaan na pondo para sa “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites” ng Comelec. Sa 2022 GAA, na binuo para paghandaan din ang halalan, nasa P2.1 bilyon ang kabuuang badyet ng Comelec para sa parehong linya sa badyet. Noong 2023, umakyat ito ng P2.2 bilyon.

Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, may sapat na dahilan para mangamba dahil mas malaki pa ang P14.2 bilyon kaysa sa pondo ng ibang ahensiya tulad ng Department of Tourism na may P3.4 bilyon. Nataon pa aniya na ngayong taon inilalaban ng ilang miyembro ng Kamara ang Cha-cha.

Pinabulaanan naman ito ni House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Elizaldy Co, na nagsabing hindi para sa Cha-cha ang dagdag-pondo pero para tugunan ang kahingian ng Comelec. “Laking pasasalamat pa nga ng Comelec at ni Chairman George Garcia sa [bicameral conference committee] for accommodating their request,” sabi ng kinatawan ng Ako Bicol Partylist.

Tinanggi rin ni Garcia na humingi ang Comelec ng pondo para sa Cha-cha. Aniya sa GMA News Online, ang dagdag na pondo ay tugon lang sa matagal nang hinihingi ng Comelec na “sana maibalik ang P17.4 bilyon na tinanggal.” 

“Nasa [Comelec] ang discretion na gamitin ang pondo para sa isang plebisito kung magdedesisyon ang gobyerno na pagbotohan ang anumang pagbabago, o kung matuloy man ang people’s initiative,” sabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman noong Ene. 17 sa Kapihan sa Manila Bay forum. Ang badyet ng Comelec, aniya, ay para sa regular na operasyon at hindi lang sa posibilidad ng Cha-cha.

Inisyatiba nino?

“Nakakabahala dahil gumagamit tayo ng malaking pondo—bilyon ‘yan ‘no kung talagang seseryosohin nila ito,” sabi ni Temario Rivera, tagapangulo ng Center for People Empowerment and Governance (CenPEG), isang public policy center na itinatag noong 2004 para suportahan ang pakikilahok ng taumbayan sa gobyerno.

Ibinahagi niya sa panayam sa Pinoy Weekly na kung itutuloy ang Cha-cha, mawawala ang pokus ng mga mambabatas at ehekutibo sa mga isyung kailangan agad matugunan.

“Lahat ng sarbey nagpapakita na hindi [Cha-cha] ang main concern ng mga tao,” sabi ng public policy expert. Ang pangunahin umanong pinagtutuunan ng pansin ng publiko ay ang mga isyung pang-ekonomiya, tulad ng inflation, trabaho at kahirapan.

“Kung foreign investor ka, ang gusto nila hindi papalit-palit ang mga batas, pangalawa ang korupsiyon, tapos high cost of energy,” sabi ni Rivera, ilan sa mga isyu na ayon sa kaniya, hindi naman kailangan ng Cha-cha para maresolba.

Nilinaw rin ni Garcia na hindi puwedeng pondohan ng Comelec o anumang ahensiya ang pagsang-ayon ng mga tao sa people’s initiative. Aniya, “Ipinagbabawal ng Section 16 ng Resolution 10650 ang paggamit ng pondo ng gobyerno upang mangalap ng boto sa people’s initiative.”

Void raw ang mga pirma na mapapatunayang ginamitan ng pondo ng gobyerno. At ngayong laman na ng balita ang pagbabago sa Saligang Batas, pinaalalahanan ni Garcia ang publiko na posible pang bawiin ang pirma kung hindi naman tunay na naiintindihan ang layunin ng inisyatiba.

Sa huling tala ng Comelec noong Ene. 19, may 630 na lungsod at munisipalidad na ang nagpasa ng mga signature form sa mga lokal na tanggapan nito.

Ayon naman kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, patuloy dapat ang Comelec sa pag-usisa sa ipinapasang mga signature form. “Nasaan ang malawakang mga konsultasyon at debate? Ang kaso pinapipirma ang mga tao bago ipaliwanag sa kanila ano ba ang mangyayari,” sabi ni Manuel, na nababahala sa mga nailalakong pangako sa publiko.

Sa bisa ng isang resolusyon, nananawagan ngayon ang Makabayan bloc ng isang imbestigasyon sa Committee on Public Accounts ng Kamara, nang mabigyang linaw kung saan nanggagaling ang pondo para amiyendahan ang Saligang Batas. /May ulat ni Michael Beltran



Source link

Don't Miss