Tumandok – Kodao Productions


(Sa Ika-Limang Taon ng Pag-alaala)

Ni George T. Calaor

 

Sa lupa ng Panay

may bakas

ng mga paa

na hindi binura

ng ulan…

 

mga pangalang inukit

sa mga batong dinadaluyan

ng naghihimagsik

na kasaysayan,

umaagos sa mga ilog–

hindi mapipigilan!

 

Disyembre 30, 2020…

hindi paunang salvo

sa pagsalubong

sa bagong taon

ang umalingawngaw

na mga putok.

 

Pinasok ng halimaw

na mga bayarang berdugo ng pamahalaan

ang tahanan ng mga Tumandok…

 

hinila ang katawan

mula sa panaginip–

binaril ang pag-asa

sa harap ng mga bata.

 

Siyam ang bumagsak–

labing-anim ang ikinulong…

 

daan-daang mamamayan

ang sapilitang

pinalayas ng dahas

baon ang sugat

ng katahimikan

at magkahalong pait

ng dalamhati

at ngitngit

ng pagkasuklam!

 

Sabi nila’y kaunlaran,

ngunit dugo ang pundasyon.

 

Sabi nila’y kaayusan

ngunit baril ang wika!…

 

at sa anino ng dambuhalang dam,

nakatayo ang mga opisyal–nakangiti

sa harap ng kamera,

nakalimot na

ang lupang tinatapakan

ay libingan ng mga pinaslang ng pasistang estadong buong pagkaalipin nilang

niluluhuran.

 

Ngunit ang hindi nila batid…

 

may apoy sa diwa

at lagablab sa puso

ng mga Tumandok

na hindi kayang apulahin

ng kasinungalingan

ni ng sindak

ng pananakot.

 

Makinig ka sa himig

na hinuhuni ng mga ibon,

sinasabayan ng kaluskos ng mga dahon

at langitngit

ng kawayan

sa gubat

at kanayunan…

 

may umiindak

na pagbangon,

may humahabi

ng paglaban.

 

Aangkinin nang lubos

ang kalayaan.

 

= = = = = =

Naganap ang pag-masaker sa siyam na Tumandok ng rehimeng Rodrigo Duterte sa gabi ng Disyembre 29, 2020.



Source link