Tungkol sa labor contracting – Pinoy Weekly

February 27, 2024


Matagal nang tinututulan ng mga manggagawa sa ating bansa ang labor contracting.

Dito kasi, imbis na maging diretso ang relasyon ng manggagawa sa kanyang pinagtatrabahuhan, nagkakaroon pa ng isang panig sa pagitan nila at ng kanilang employer na maaaring makialam sa usapin sa trabaho. Ang panig na ito ay ang contractor o kontratista.

Kaya imbis na ang may-ari lamang ng kompanya ang makihati sa benepisyo ng mga manggagawa, nadagdag pa ngayon dito ang kontratista.

Dalawang uri ng labor contracting ang nasa ating batas. Maaari itong maging job contracting o labor-only contracting.

Ang job contracting ay pinapayagan ng ating batas samantalang ilegal naman ang labor-only contracting.

Kailan magkakaroon ng labor-only contracting?

Magkakaroon ng labor-only contracting kung ang kontratista ay tagakalap lamang ng mga manggagawa sa kanilang mga trabaho at nasa may-ari ng pagawaan ang kapangyarihan sa pagtiyak ng ginagampanan ng mga manggagawa ang kanilang mga tungkulin.

Magkakaroon din nito kung ang manggagawa ay gumagawa ng mga gawain na may kaugnayan sa pangunahing operasyon ng kompanya at ang kanilang contractor ay walang sapat na kapital o puhunan para gastusan ang kanilang ginagawa.

Sa sitwasyong ito, ang gumagastos sa sahod ng manggagawa at iba pang gastusin ay ang may-ari ng kompanya.

Sa kaso ng Paperone, Inc. vs. Rey Nacion, et. al., GR No. 250485 na hinatulan ng Korte Suprema noong Abril 19, 2022, lalong naipaliwanag nito ang labor-only contracting o ilegal na pangongontrata sa trabaho.

Sa nasabing kaso, nagtatrabaho sa Paperone si Rey na tinanggap ng kompanya noong Setyembre 2014 at si Jeffrey na tinanggap naman ng kompanya noong Pebrero 2015.

Ang kompanya ay pabrika ng mga notebook at paper product para sa mga estudyante. Nakatalaga sina Rey bilang mga machine operators.

Ang nagpapasahod sa dalawa noong una ay ang ang HEED Management and Manpower Services (HEED), isang agency. Pagkatapos ng ilang buwan, inilipat ang pagpapasahod sa dalawa sa RBML Manpower Services (RBML), isang agency pa rin.

Noong Marso 18, 2015, pagkatapos ng ilang buwan mula nang matanggap, sinabihan sila ng kanilang supervisor na kinabukasan ay hindi na nila kailangang mag-report sa kanilang trabaho at puwede na silang maghanap ng ibang trabaho.

Sa madaling sabi, tinanggal ng kompanya sa kanilang mga trabaho itong sina Rey.

Dahil dito, nagsampa ng kasong illegal dismissal sina Rey laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sinabi nila na ang Paperone ang talagang kanilang employer at ang HEED at ang RBML ay mga recruitment agency lamang.

Tinanggi naman ito ng Paperone. Ayon sa kanya, ang RBML ang tunay na employer nina Rey at walang panagutan ang Paperone tungkol sa inirereklamo nina Rey.

Pinaliwanag ng Paperone na napilitan itong kumuha ng dagdag na manggagawa upang tugunan ang lumalaking kahilingan sa produksyon ng notebook dahil sa pagbukas ng mga paaralan sa mga buwang iyon. Ito ang dahilan kung bakit hiniling nila sa RBML noong Pebrero 2015 na magdagdag ng manggagawa sa planta at kasama na sina Rey dito.

Ngunit ayon sa Paperone, pansamantalang natigil ang kanilang produksiyon ng notebook dahil sa kakulangan ng mga materyales para dito. Ito ay gawa ng mga pagbabago sa regulasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR)na nagpahirap para sa mga customs broker at mga importer para kumuha ng permit. Hindi pa nila alam kung kailan maging normal uli ang operasyon ng kompanya ngunit inaasahan nilang sa malaon at madali ay babalik ang operasyon nito sa dati.

Kaya, walang nagawa ang Paperone kundi ang hingin sa RBML ang pansamantalang pag-tanggal sa mga dagdag na manggagawa rito, kasama na sina Rey.

Sa naging hatol ng Labor Arbiter, binasura niya ang reklamo nina Rey dahil umano sa kawalan ng saysay nito.

Napilitang umapela sa National Labor Relations Commission (NLRC) sina Rey. 

Noong una, ibinasura ng NLRC ang apela nina Rey. Ngunit ng maghain sila ng Motion for Reconsideration, pinagbigyan sila ng NLRC at binaliktad nito ang dati nitong hatol at pinanalo sina Rey. Sinabi ng NLRC na labag sa batas ang ginawang pagtanggal kina Rey sa kanilang mga trabaho at dapat lamang silang ibalik at bayaran ng kanilang backwages.

Ang kompanya naman ngayon ang tumungo sa Court of Appeals (CA) para mag-apela, Ngunit ganoon din ang naging desisyon ng CA, pinanalo nito sina Rey sa nasabing kaso.

Inakyat ng Paperone sa Korte Suprema bilang huling rekurso ang nasabing kaso.

Ikinatuwiran nito na na walang labor-only contracting na kinasasangkutan ang kompanya at hindi ito maaaring habulin dahil sa sinasabing pagtanggal nito kina Rey sa kanilang trabaho.

Ngunit mali ang argumentong ito ng kompanya, paliwanag ng Korte Suprema.

Ayon sa ebidensiya, ang nangangasiwa kina Rey sa kanilang mga trabaho ay isang supervisor ng Paperone. Kaya sinang-ayunan ng Korte Suprema ang NLRC at CA sa kanilang pasya ang RBML ay isang labor-only contractor.

Binabanggit sa Department of Labor and Employment (DOLE) Department Order No. 18, Series of 2011 na magkakaroon ng labor-only contracting kung: (1) ang kontratista ay walang karapatang kontrolin ang pagganap ng mga manggagawa sa kanilang mga trabaho o (2) ang kontratista ay walang sapat na kapital para sa negosyong ito at ang mga manggagawa ay gumagawa ng karaniwan o kanais-nais na gawain para sa negosyo ng kompanya.

Maliwanag na mayroong labor-only contracting sa ginagawa ng kontratista at ng kompanya.

Totoong ang RBML ay isang lisensyadong recruitment and placement agency na nangangangalap ng mga manggagawa na magtatrabaho sa Paperone.

Machine operator ang trabaho nila sa Paperone, isang trabahong kailangan at kanais-nais sa negosyo bilang tagagawa ng mga notebook at iba pang paper product.

Ngunit walang sapat na puhunan o kapital ang agency ng RBML para sa ganitong gawain. Walang naipakitang ebidensya na ang RBML ay may sapat na pera, gamit, makinarya, at iba pang bagay na naiambag para sa ganitong negosyo. 

Maliwanag na ang puhunan para sa bagay na ito ay galing sa Paperone at hindi sa RMBL. Isa pa, ang karapatan para kontrolin o pamahalaan ang mga manggagawa sa kanilang ginagawang trabaho ay nasa Paperone at hindi sa RBML.

Ayon sa ebidensiya, ang nangangasiwa kina Rey sa kanilang mga trabaho ay isang supervisor ng Paperone. Kaya sinang-ayunan ng Korte Suprema ang NLRC at CA sa kanilang pasya ang RBML ay isang labor-only contractor.

Una, ang RBML ay nagbibigay lamang ng manggagawa para magtrabaho sa Paperone.

Pangalawa, walang sapat na kapital ang RBML kaugnay ng kanyang serbisyo bilang labor contractor at ang mga manggagawang nilagay nito sa Paperone ay gumagawa ng mga gawaing may direktang kinalaman sa negosyo ng Paperone.

Pangatlo, hindi nakikialam ang RBML sa pamamaraan ng pagsagawa ng trabaho nina Rey sa Paperone. Ang tanging may karapatan sa bagay na ito ay ang Paperone.

Kaya dahil dito ay nagpasya ang Kataas-taasang Hukuman na dahil sa labor-only contracting, ang Paperone ang siyang dapat ituring na employer nina Rey.

At dahil rin sa ang Paperone nga ang employer ng mga manggagawa, obligasyon ng Paperone na patunayan na sina Rey ay tinanggal sa kanilang mga trabaho dahil sa may sapat o pinahihintulutang dahilan.

Sinasabi ng kompanya na pansamantalang hindi nabigyan ng trabaho sina Rey dahil sa kakulangan ng mga materyales sa kanilang trabaho. Ito ‘di umano ay dahil sa pagbago sa regulasyon ng BOC at BIR na nagpahirap para sa mga customs brokers at mga importers para kumuha ng permit.

Ngunit sinasabi ng regulasyon tungkol dito na kung sakaling may pansamantalang paghinto sa operasyon ng isang kompanya at mapipilitan itong temporaryong magsara, kailangan nitong ipaalam sa DOLE at sa kanyang mga manggagawa ang bagay na ito nang hindi bababa sa isang buwan bago ang pansamantalang pagsasara.

Kailangan ding patunayan ng kompanya na may malinaw at may sapat na batayan ang pansamantalang pagsasara nito at walang bakanteng posisyon kung saan maaaring ilipat ang mga apektadong manggagawa.

Hindi nasunod ng kompanya ang mga nabanggit na alituntunin, sabi ng Korte Suprema.

Bukod pa rito, hindi rin naipaliwanag ng kompanya kung bakit sina Rey lamang ang hindi pinabalik sa trabaho ng kompanya samantalang ang iba nilang kasamahan ay pinabalik na.

Dahil dito, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng NLRC at CA na labag sa batas ang pagtanggal kina Rey sa kanilang trabaho.

Inutos ng Kataas-taasang Hukuman sa kompanya ang pagbalik kina Rey sa kanilang dating posisyon at pagbayad sa kanila ng backwages.

Kung sakaling hindi na posible ang kanilang reinstatement sa kompanya, inutos ng Korte Suprema ang pagbayad sa kanila ng separation pay.

Iyan ang huling kaso natin sa labor contracting, mga kasama.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Palestinian Factions Fire Over 100 Projectiles From Gaza In New Round Of Escalation (Videos)South Front

The rocket attacks began after the Israel Prison Service announced

Court acquits Lumad brothers, 3 teachers from human trafficking charges

Photo from Save Our Schools Network By KATH M. CORTEZDavao