Tungkulin sa mamamayan – Pinoy Weekly

November 13, 2023


Ginunita ng mga mamamahayag sa buong daigdig ang International Day to End Impunity for Crimes against Journalists noong Nobyembre 2. Ilang araw ang lumipas, binaril sa loob ng radio booth habang live sa brodkast ang isang mamamahayag sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental.

Ikaapat si Juan Jumalon o DJ Johnny Walker ng 94.7 Gold FM na mamamahayag na pinatay sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ika-199 mula noong 1986.

Nabahala rin ang mga grupo ng mamamahayag sa Cagayan de Oro City sa doxxing o pagsasapubliko ng pribadong impormasyon ng dalawang mamamahayag kamakailan na naglalagay sa kanila sa panganib.

Patuloy din ang panggigipit sa alternatibong midya katulad ng Pinoy Weekly at Bulatlat sa nagpapatuloy na laban sa website blocking ng National Telecommunications Commission. Mahigit tatlong taon na ring nakapiit si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista sa Tacloban City dahil sa mga gawa-gawang kasong isinampa sa kanya.

Sa ganitong kalagayan ng mga mamamahayag at kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas, malinaw na walang batayan ang tinuran ni Maria Ressa na may “lifting of fear” sa ilalim ni Marcos Jr., partikular sa mga kaso ng mga mamamahayag.

Hindi rin natin malilimutan ang paggunita sa ika-14 na taon ng Ampatuan massacre sa darating na Nobyembre 23 na kumitil sa 34 mamamahayag sa bayan ng Ampatuan sa noo’y iisang lalawigan ng Maguindanao. Tinawag ito ng Committee to Protect Journalists na “single deadliest event for the press.”

Bagaman natapos na ang paglilitis noong 2019 at 28 akusado ang nahatulang guilty, nasa 83 pang akusado sa pagpaslang ang nananatiling malaya. Ayon sa isang kaanak ng biktima, hindi pa tapos ang laban para sa katarungan.

Sa ibayong dagat, nasa 40 mamamahayag na ang namatay sa Gaza na nagbabalita sa nangyayaring labanan ng mga puwersang mapagpalaya sa Palestine at Zionistang Israel Defense Forces (IDF). Karamihan sa mga biktima ay tinamaan ng walang habas na pambobomba ng IDF sa mga komunidad ng mga inosenteng sibilyan sa Gaza.

Sa bawat mamamahayag na dinarahas, ibinibilanggo o pinapaslang, pinagkakaitan din ang mamamayan ng kanyang karapatang makaalam at makialam sa mga usaping nakaaapekto sa kanyang buhay.

Maaaring sabihin na malaon na itong nararanasan ng mga mamamahayag, ngunit hindi kailanman makatuwiran ang pandarahas sa mga tagapagbalita. Hindi kailanman makatuwiran ang pumaslang ng naghahatid ng katotohanan at nagsisiwalat ng katiwalian.

Sa kabila ng mga banta at panggigipit sa pagtupad ng tungkulin, patuloy na lumalaban ang mga mamamahayag sa Pilipinas at buong mundo na magbigay ng saysay sa mga nangyayari sa mga mamamayang pinaglilingkuran.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » (Primer) Ilantad ang brutal na Operation Kagaar laban sa mamamayang Indian

DOWNLOAD Idineklara kamakailan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng

PRWC » Ang Bayan Ngayon Compilation

Ang pahayagang Ang Bayan ang upisyal na pahayagan ng Partido