UNSC, inendorso ang tigil-putukan sa Gaza – Pinoy Weekly

June 24, 2024


Pinagtibay ng United Nations Security Council (UNSC) nitong Hun. 10 ang isang resolusyon upang permanenteng matigil ang walong buwang henodisyo na ginagawa ng Zionistang Israel sa okupadong Gaza. Sa kabila ng hindi pagboto ng Russia, nakatanggap ng botong 14-0 ang resolusyon. 

Ito ang unang pagkakataon na naipasa ang resolusyon para sa tigil-putukan o ceasefire dahil sa maraming beses nang pagharang at pag-veto ng United States (US).

”Ang tigil-putukan ang pangunahing item sa resolusyong ito upang matigil na ang giyera. Buo ang aming loob, pati ang aming mga kaibigan, na gawin itong isang permanenteng tigil-putukan,” ani Riyad Mansour, ambassador ng Palestine sa UN, sa wikang Ingles.

May tatlong yugto ang tigil-putukan na inanunsiyo ni US President Joe Biden. Sisimulan ito ng anim na linggong tigil-putukan kung saan aatras ang mga hukbo ng Israel Defense Forces (IDF). Pagkatapos nito, ang pagpapauwi ng Israel sa mga bihag na Palestino, kapalit ang mga bihag na Israeli sa okupadong Gaza.

Kasunod nito ang permanenteng tigil-putukan at pagtigil sa henodisyo ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino. Kaakibat na rin nito ang pagpapalaya sa mga natitira pang bilanggo ng IDF. Sa huli at ikatlong yugto ng resolusyon, binabanggit ang planong muling pagpapatayo at pagsasaaayos sa buong okupadong Gaza Strip.

Ayon sa Ministry of Prisoners and Freed Prisoners sa okupadong Gaza, umabot na sa 54 ang bilang ng mga namatay na bilanggo ng Israel simula noong Oktubre 2023. Nasa 9,000 naman ang kasalukuyang bilang ng mga bilanggong Palestino kung saan 300 ang kababaihan, 635 ang kabataan at 80 ang mamamahayag.

Giniit ng ministeryo na namumuhay ang mga bilanggong Palestino sa nakakatakot at hindi makataong kalagayan sa kamay ng Zionistang hukbo.

Inilarawan ni Badr Dahlan, isang nakalayang Palestino na dinakip ng IDF noong nakaraang buwan, ang kondisyon ng mga kulungan sa Israel bilang isang bangungot. Nasa hindi maayos na kalagayan si Dahlan at maoobserbahan ang estado ng pagkakabigla at disoryentasyon, ayon sa ulat ng Middle East Eye.

Positibo naman ang pagtingin ng Hamas sa resolusyon subalit kailangan pa raw nila ng karagdagang garantiya sa tinutukoy ni Biden na tigil-putukan at pag-atras ng IDF sa Gaza. Lalo na at maraming beses na ring hindi natuloy ang resolusyon para sa ceasefire dahil sa pangharang at pag-veto ng imperyalismong US.

”Kailangan namin ng klarong pagtanggap ng Israel sa tigil-putukan, ang buong pag-atras ng kanilang hukbo sa Gaza at ang kalayaan na ang mga Palestino mismo ang gagawa ng kanilang sariling desisyon para sa kanilang kinabukasan,” sabi ni Osama Hamdan, senior leader ng Hamas, sa kanyang panayam sa CNN.

Sa kasamaang palad, hindi nangakong tutupad ang Israel sa resolusyon. Ayon kay Reut Shapir Ben-Naftaly, kinatawan ng Israel sa UN, hindi makikipag-ugnayan ang Israel sa tingin nila’y walang kabuluhang mga negosasyon lalo na kung pagsamantalahan umano ito ng Hamas.

Sinabi na noon ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa isang pagpupulong na isang “non-starter” o walang patutunguhan ang usapang tigil-putukan.

Sa patuloy na pananalakay ng IDF, higit-kumulang 37,431 na ang bilang ng mga namatay sa Gaza, 10,000 ang mga nawawala at 85,653 naman ang mga lubhang sugatan.

Ayon sa ulat ng Al Jazeera noong Hun. 20, nasa 15,000 ang mga batang nawalan ng buhay.

Lumalabas sa datos ng United Nations Relief and Works Agency (UNRWA), nasa 65,000 na lang ang mga natitirang Palestino sa Rafah. Ayon mismo sa UN, nasa 1.4 milyong Palestino ang namamalagi doon anim na linggo lang ang nakakaraan. Sapilitang lumikas muli papunta sa iba’t ibang bahagi ng Gaza ang mga tao dahil sa walang tigil na pag-atake ng IDF sa Rafah.

Sa kabila ng karahasan, inanunsiyo ng Ministry of Education and Higher Education sa okupading Gaza Strip ang pagpapatuloy ng mga entrance examination o “tawjihi” sa hayskul. Hiling nila na sana maging ligtas ang mga estudyante upang makapagpatuloy sa kolehiyo.

Tinataya nila na nasa 800,000 ang mga estudyanteng Palestino na ninakawan ng karapatan sa pag-aaral dahil sa henodisyong ginagawa ng Israel simula pa noong nakaraang taon. Nasa 40,000 naman ang mga estudyanteng hindi makakakuha ng kanilang tawjihi—itinuturing na paglabag sa karapatang pantao at pagyurak sa kinabukasan ng kabataan, ayon sa ministeryo. 

Bukod sa mga resolusyon, mahalaga rin ang pagkilala ng iba’t ibang bansa sa soberanya ng State of Palestine. Ayon kay Spanish Prime Minister Pedro Sanchez, ang pagkakatatag at pagkilala sa pagkaestado ng Palestine ay daan patungo sa kapayapaan para sa mga Palestino.

Noong Mayo 28, pormal nang kinilala ng mga Europeong bansang Espanya, Norway at Ireland ang State of Palestine.

Kasama ang Pilipinas sa kasalukuyang 146 na kumikilala sa Palestine bilang isang bansa sa buong mundo.

Naninindigan na ang iba’t ibang mga bansa na hindi kailangan pang palagpasin sa walong buwan ang henodisyo at ethnic cleansing ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino. “Hindi kailangang maging Moro at maging biktima ng giyera para makita mo ang nangyayari sa Palestine ngayon”, ani Amirah Lidasan ng Sandugo sa isang protesta malapit sa Israeli Embassy sa Taguig City noong Hun. 8.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Gerry Ortega’s family, supporters question trial transfer to QC

13-year case vs accused ex-governor Joel Reyes ‘taking too long’

2 programa ng SMNI, suspendido – Pinoy Weekly

Dalawang programa ng Sonshine Media Network International (SMNI) ang pinatawan