Sumuko sa National Capital Region Office ng National Bureau of Investigation nitong Set. 11 ang dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes sa mga awtoridad na tinuturong utak sa pagpatay sa tanggol-kalikasan at brodkaster na si Gerry Ortega.
Matatandaang binaril sa sentido si Ortega noong Ene. 24, 2011 ng isang hired gunman sa labas ng isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City matapos ang kanyang programa noon sa radyo.
Agad na nadakip ang bumaril sa brodkaster na si Marlon Recamata na nagturo kay Reyes, kasama ang kapatid na si Mario Reyes Jr. na alkalde ng bayan ng Coron, na nag-utos sa pagpatay.
Sa kabila ng matibay na mga ebidensiya, 13 taon pang naging malaya si Reyes at nakatakbo pang muli bilang gobernador ng Palawan sa huling eleksiyon noong 2022.
Kilala si Ortega bilang kritiko ng dating gobernador na may kasong graft at sangkot sa iba pang kasong katiwalian na may kaugnayan sa pagmimina at Malampaya funds.