Inaasahang aabot sa P17.35 trilyon ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2025, ayon sa Department of Budget and Management.
Sa tasa ng AlterMidya, kung itatapat ang P17.35 trilyon sa inaasahang populasyon ng Pilipinas sa 2025 na 115.37 milyon, may P150,407 na utang ang bawat Pilipino. Mas mataas ito kumpara sa P129,607 noong 2023.
“Alam nating lumaki ang ating utang noong pandemya dahil sarado ang ekonomiya at limitado ang mapagkukunan ng kita,” sabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman noong Hulyo.
Ayon sa kanya, nag-mature na ang mga utang at nalalapit na ang pagbabayad ng prinsipal.
Sa unang bahagi ng 2024, nasa P14.93 trilyon ang utang ng bansa o 60.2% ng gross domestic product. Para masigurong may kakayahan ang mga bansa na magbayad, 60% ang inirerekomenda na porsiyento ng utang bilang bahagi ng kinikita ng bansa.