Walang awat, walang patid – Pinoy Weekly

March 16, 2023


Market
Larawan ni Neil Ambion

Ngayong Enero, nakapagtala ang pamahalaan ng 8.7% na inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo na pinakamataas sa loob ng 14 na taon. Hinigitan din nito ang pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 7.5% hanggang 8.5%.

Sa pagtatapos ng 2022, nasa 8.1% ang inflation noong Disyembre at nasa 5.8% ang average inflation para sa buong taon kumpara sa 3.1% na average noong 2021.

Ano’ng ibig sabihin nito para sa mamamayang Pilipino?

Matatandaang sunod-sunod ang pagtaas presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo sa nagdaang taon.

At hanggang ngayon, wala pa ring malinaw at makabuluhang hakbang ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. mula nang naluklok sa poder upang tulungang maibsan ang paghihirap ng taumbayan dala ng patuloy na pagsirit ng presyo.

Ang malala pa nito, ipinagkait ng pamahalaan ang pangakong P18.5 bilyong targeted cash transfer noong 2022 at tinapyasan ang mga pondo para sa emergency assistance program ng P7.5 bilyon at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng P5.1 bilyong para sa 2023.

Alangan din ang rehimeng Marcos Jr. na itaas ng minimum na sahod at nagdadahilang mas lalong tataas ang inflation kung gagawin ito.

Ngunit pinabulaanan na ito ng Ibon Foundation. Pinag-aralan ng independiyenteng grupo sa pananaliksik ang datos ng pagtaas ng sahod mula 1986. Sa 31 beses na pagtaas ng sahod, 15 beses dito ang sinundan ng mas mabagal na inflation anim na buwan mula ito ipatupad.

Hindi magdudulot ng pagtaas ng presyo ang pagbibigay ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa kung kukunin ito ng malalaking negosyante sa kanilang tubo.

Dagdag pa ng Ibon, kailangan ding tulungan ang mga micro, small at medium enterprise upang maitaas ang sahod ng kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng wage subsidy at iba pang pinansyal na tulong.

Sa ngayon, kailangang igiit at ipaglaban ng mga manggagawa at mamamayan ang nakabubuhay na sahod upang makaalwan sa walang patid na pagtaas ng presyo.

Napapanahon na para sa mas malakas na daluyong ng kilusang paggawa.

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Texas Sues the Biden Administration Over New Asylum Rule

On Tuesday, the state of Texas filed a lawsuit against President Joe

17 fires reported in nine days, as BFP will train community responders

davaotoday.com file photo DAVAO CITY, Philippines – It’s Fire Prevention