Imbis na puksain ang kahirapan, pinupuksa ang mahihirap. Binubuhay ng administrasyong Marcos Jr. ang mala-Oplan Tokhang na paghahasik ng takot sa mga maralitang komunidad. Ipinatupad ang Safer Cities Initiative para supilin ang namumuong galit at paglaban ng masang Pinoy sa lumalalang kahirapan at krisis.
Wala pang nakukulong sa mga politikong sangkot sa korupsiyon. Pero umabot na sa 68,000 ang hinuling kabataan at manggagawa sa mga maralitang komunidad sa mga Oplan Galugad ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng mala-Duterteng inisyatiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Libo-libong pulis ang gumagalugad sa mga maralitang komunidad para “mahigpit” na ipatupad ang mga lokal na ordinansa. Binabagansiya ang mga kabataang nasa labas pagpatak ng alas-diyes ng gabi. Hinuhuli ang mga nakahubad sa labas ng bahay.
Sabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla, pagtitiyak itong “ligtas” ang mga lungsod sa kriminalidad at karahasan. Sabi naman ng Malacanang, dinidisiplina lang ng gobyerno ang mga kabataan. Pero sa mga mala-Martial Law na mga sona at reyd sa mga komunida, hindi kaya ipinapaalala lang ng Pangulo na siya ay Marcos?
Babala ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), panghihiya at panunupil ito sa mahihirap. Ang pagtitinda sa bangketa, paninirahan sa impormal na komunidad, nagiging dahilan para hulihin, paalisin at itulak ang mahihirap sa mas alanganing kalagayan.
Ibinibintang sa mahihirap ang paglala ng kriminalidad para pagtakpan ang kawalang aksiyon sa kahirapan at krisis na ugat ng krimen. Hindi kasalanan ng mga maralitang kabataan at manggagawa ang kawalang trabaho, mababang sahod at kakulangan sa serbisyong panlipunan. Pero imbis na tugunan ang kahirapan, pinaparusahan ang mga biktima nito.
Hindi “ligtas” ang mga maralitang Pinoy sa mga sariling komunidad. Hindi na lang sila basta ginagalugad, sapilitan pang pinapalayas sa kanilang tahanan. Mula Enero, sunod-sunod ang mararahas at malakihang demolisyon ng mga kabahayang maralita.
Ang “kaligtasan” ng mga lungsod, hindi dapat sinusukat sa dami ng mga mahihirap na nahuhuli sa Oplan Galugad, kundi sa kaseguruhan sa buhay ng mamamayan. Kung may bahay ba silang matitirhan, pagkain sa hapag at dignidad sa araw-araw.
Ligtas naman ang interes ng mga negosyante na umaangkin sa mga ginigibang komunidad. Walang relokasyon, walang programang pabahay, walang pakundangan, libo-libong pamilya ngayon ang walang bahay, nasa kalsada. Huhulihin din ba sila ng DILG?
Hindi “ligtas” ang mga mahihirap sa kainutilan ni Marcos Jr. sa krisis sa langis. Ilang drayber na ng tricycle, jeepney at motorcycle taxi ang naiulat na namatay habang nakapila sa baryang ayuda. Kahit deklarado ang national emergency, wala namang kongkreto at pangmatagalang tugon sa pagsirit ng presyo.
Ligtas naman ang kita ng mga kompanya ng langis at kinukubrang buwis ng gobyerno. Imbis na kontrolin ang presyo, alisin ang value-added tax at excise tax, at ibasura ang Oil Deregulation Law, inilalagay ni Marcos Jr. sa alanganin ang kalusugan at buhay ng mga mahihirap para lang masabing “may tugon” sa krisis. Nagtatrabaho nang marangal ang mga drayber, pero ang trato sa kanila ng gobyerno, mga pulubi sa lansangan na nilalambitinan ng baryang limos.
Hindi “ligtas” ang manggagawang Pinoy sa kagutuman. Tinatayang dadami pa ang mga Pilipinong mabibilang sa “food poor” dahil sa hindi maawat na pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Bago pa ang krisis, mataas na ang tantos ng kagutuman pero walang makabuluhang tugon si Marcos Jr., bukod sa pagpabilad sa araw sa mga senior citizen sa pila para sa bente pesos na bigas.
Ligtas ang tubo ng mga kapitalista dahil sa pagtanggi ng gobyernong magbigay ng nakabubuhay na sahod. Ligtas ang kita ng mga panginoong maylupa, middle man, importer at smuggler dahil sa kawalang aksiyon sa pagpapalakas sa lokal na agrikultura at produksiyon ng pagkain.
Ito ang “kaligtasan” na inaalok sa mahihirap, kaligtasang hindi para sa kanila, kundi laban sa kanila. Ang “kaligtasan” ng mga lungsod, hindi dapat sinusukat sa dami ng mga mahihirap na nahuhuli sa Oplan Galugad, kundi sa kaseguruhan sa buhay ng mamamayan. Kung may bahay ba silang matitirhan, pagkain sa hapag at dignidad sa araw-araw.
Hindi mamamayan ang gustong “iligtas” ng Safer Cities Initiative. Ilang ulit nang napatunayan sa kasaysayan na ang paglala ng krisis, kahirapan at kagutuman ang nagtutulak sa mamamayan na dumagsa sa lansangan para magpatalsik ang mga pahirap at pasistang rehimen.
Alam ni Marcos Jr. na pagtaas ng presyo ng langis din ang nagsimula ng mga dambuhalang protesta noong First Quarter Storm na dumulo sa pagpapabagsak sa diktadura ni Marcos Sr. Hindi na nakakagulat na ipinatupad ang Safer Cities Initiative sa harap ng sunod-sunod ang mga welgang transportasyon at mga protestang bayan laban sa kainutilan ni Marcos Jr. sa harap ng krisis sa langis.
Pero hindi maililigtas ng DILG at PNP si Marcos Jr. mula sa namumurong galit ng mamamayan. Habang dumadami ang pinapalayas, ginugutom at nangangamatay sa mga kontra-mahirap na patakaran ng administrasyon, dadami rin ang mamamayang dadagsa sa lansangan para ipaglaban ang sahod, trabaho at batayang karapatan.
Hindi nagpapapuksa ang mahihirap. Sila ang pupuksa sa mga nagpapahirap.
