Uncategorized

Walang tunay na ligtas sa ‘safer cities’ – Pinoy Weekly

Walang tunay na ligtas sa ‘safer cities’ – Pinoy Weekly


Tulad ng iba pang halimbawa ng hiram na salita, mula sa wikang Ingles na “standby” ang salitang “istambay” at “tambay.”

Ang una ay nangangahulugan ng kahandaan para sa inaasahang pangyayari o paggampan sa isang gawain. May tiyak na gawain, ngunit kailangan lang panandaliang maghintay bago makapagsimula.

Samantala nag-iba ang pakahulugan nito sa wikang Tagalog at Filipino. May negatibong konotasyon kapag tinawag kang tambay—walang trabaho o makabuluhang ginagawa, madalas nasa bahay lang o kung saan ang tambayan, at hindi tiyak ang hinihintay.

Sa kantang “Istambay” ni Heber Bartolome noong 1979, makikita ang motibasyon (o kawalan nito) ng mga tinuturing na istambay:

Istambay diyan sa kanto
Kami ang istambay diyan sa kanto
Pagala-gala sa lansangan
Naglalakad kaming walang pupuntahan

Samantala ang bersiyon naman ni Michael V. ng istambay sa isang segment sa Bubble Gang na “Istambay sa looban,” ipinakita niya ang larawan ng mga magkakapitbahay at magkakaibigan na nakatambay sa may tindahan at nagkuwkentuhan ng tungkol mga problema, buhay pag-ibig, kabiguan sa buhay at iba pa.

Ang anak-mayaman mang persona sa kanta ni Heber o ang tropa o kapitbahay na tambay sa bersiyon ni Michael V., walang naging bakas ng pagiging banta sa seguridad ang mga tambay.

Gayunpaman, may mga tumatambay at nagpapanggap na tambay na may malinaw na pakay, halimbawa, ang mga intel na naniniktik sa bahay at opisina ng mga progresibong aktibista at ang mga magnanakaw na nag-aabang kung kailan maaaring pumasok sa bahay na nanakawan. Sa parehong halimbawa, ginagawa ang pagtambay para sa isang kriminal na aktibidad.

Sa pagpapatupad ng Safer Cities Initiative ng mga pamhalaang lokal at pulisya, hindi ligtas ang mga tambay na paksa nina Heber at Michael V.

Sa isang balita, nasa 75,000 na raw agad ang sinita at hinuli sa loob ng higit isang linggo pa lang na implementasyong ng sirkular na “Encouraging the Enactment of Local Ordinances for Safer Cities: A Call to Actions for Local Government Units.”

Ayon dito, nais nitong (1) palakasin ang kaligtasang publiko sa pamamagitan ng pagpapataas ng police visibility sa mga “high-density urban areas,” gawing mas ligtas ang mga Pilipino at mapababa ang krimen, pamumulis sa komunidad, seguridad ng mga eskwelahan at mas pinahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa; (2) pagbabawal ng pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar; (3) pagbabawal ng pagtatanggal ng damit pang-itaas sa mga pampublikong lugar; (4) pagpapahinto sa mga malalakas na ingay na maaaring nagmumula sa videoke o malalakas na patugtugin lampas 10:00 ng gabi; (5) at pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad.

Sa Calamba City, Laguna, ibinalitang nasa 41 ang hinuli dahil nakahubad at lumabag umano sa curfew. Sa larawan, nakaupo sila sa riles ng tren at may ilang walang pang-itaas. Kinukunan sila ng mga retrato at pinalilibutan ng mga pulis.

Kung nais ng pulisya na mapababa ang bilang ng mga krimen sa pamamagitan ng pagpapatupad ng polisiyang ito, epektibo rin nitong pino-profile ang tipo ng mga taong ipinagpapalagay nilang gumagawa o gagawa ng krimen. At ganito na nga ang kanilang ginawa noong naglabas sila ng press release na bumaba ang mga kaso ng homicide, physical injury, rape at murder dahil sa pagpapatupad nila ng Safer Cities Initiative.

Hindi natin alam kung anong sikolohikal na pagtataya ang ginagawa ng mga awtoridad hinggil sa pag-iisip ng mga tinitingnan nilang banta sa seguridad. Paano ba binibigyang kahulugan ang kapayapaan at kaayusan (peace and order)?

Hindi kailanman naging malinaw kung ano ang kanilang konseptuwalisasiyon sa mga ito, ngunit lumilinaw ang kanilang kahulugan batay sa mga batas, polisiya at programang ipinatutupad upang maisakatuparan ang mga ito.

Sa pagpapanatili ng kaayusan, palaging nakabunton ang sisi sa isang partikular na profile—mga madalas nakahubad, nasa kalsada, at tila walang ginagawa o “walang magawa sa buhay.” Samakatuwid, mga pangkaraniwang gawi na makikita sa isang sektor.

Nangyari na ito noong giyera kontra droga, nangyayari ulit ngayon. Ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiatives ay bahagi ng mahabang listahan ng pagsasawalang bahala sa mahahalagang kontekstong panlipunan na mahalagang maunawaan lalo ng mga awtoridad.

Bulag at manhid ang pulisya sa kasaysayan at kahulugan ng salitang tambay. Sa gitna ng tumitinding krisis sa langis, klima at edukasyon, hindi mahirap isakonteksto kung bakit may tambay.

O sa kaso ni Jhony Lanquino, bakit kinailangang magtanggal ng t-shirt sa labas ng kanilang bahay. Pinagmulta siya ng pulis kahit na naghahalo lang siya ng semento sa labas ng kanyang bahay.

Kung tutuusin, maraming iba pang nasa labas ng kanilang bahay upang magpahangin, mga umuuwi ng gabi galing sa trabaho, mga estudyanteng naghahanap o galing sa computer shop para sa mga ipapasa dahil sa online classes.

Bagaman humingi ng paumanhin si Jonvic Remulla kay Lanquino, sinabi rin niyang “As long as you’re working, it’s okay not to wear a shirt. But, loiterers wandering around without a shirt, that’s not allowed.”

Mahalagang itanong sa pulisya at nasa posisyon kung ano ang kanilang pakahulugan sa kapayapaan at kaayusan upang maipaunawa kung bakit hindi angkop mangisda gamit ang napakapinong lambat.

Anong klaseng kaligtasan at seguridad ang maidudulot ng patakaran na susundin na lang upang hindi magmulta o hulihin? Lubusan ba nating mararamdaman ang kaligtasan at seguridad kung nabubuhay din tayo sa pangamba at sindak?

Anumang polisiyang ipinatutupad na naglalayong makamit ito ay dapat langkapan din ng mahusay na pag-unawa sa kasalukuyang karanasan ng mamamayan.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning