Wikang Filipino, ituturo sa Harvard – Pinoy Weekly

September 23, 2023


Ngayong Setyembre, ituturo sa kauna-unahang pagkakataon sa Harvard University ang wikang Filipino. Ang magtuturo nito, si Lady Aileen Orsal, isang dating instruktor sa Cavite State University (CvSU).

“Simula ngayong Fall 2023, unang beses sa 400-taong kasaysayan ng Harvard, ituturo ang Elementary at Intermediate Filipino (Tagalog) courses,” sabi sa Ingles ni James Robson, direktor ng Harvard University Asian Center. Dagdag pa niya, ikinagagalak nilang makatrabaho si Orsal, isang “dedikado, malikhain at epektibong guro.”

Nakapagturo na si Orsal sa iba’t ibang mga unibersidad tulad ng sa CvSU dito sa Pilipinas, at sa University of Wisconsin-Madison at Northern Illinois University (NIU) sa United States (US). 

Hindi man agad makapagpaunlak ng panayam dahil sa paghahanda sa klase, nagpasalamat naman si Orsal sa lahat ng nagpaabot ng pagbati.

“Kasama na rito ang pagsaludo sa lahat ng mga gurong Pilipino at guro ng/sa Filipino sa loob at labas ng bansa partikular na ang mga guro ko sa CvSU at [De La Salle University] at sa mga kaibigan at mentor ko na guro sa NIU,” sabi niya sa kanyang Facebook post.

Dagdag pa ng guro, “Alam ko pong ito ay #parasabayan at dalangin ko po na patuloy nating ikarangal ang pagiging Pilipino saan mang sulok ng mundo.”

Filipino sa US

Ayon sa Department of South Asian Studies ng Harvard, dinisenyo ang mga kurso para mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral na kukuha ng mga subject na ito sa pakikipag-usap sa Filipino. Bukod sa mga aralin sa wika, magkakaroon din ng mga talakayan ukol sa kultura, tradisyon at kasaysayan ng Pilipinas.

Magiging bahagi na ang Harvard—isang Ivy League school o prestihiyosong unibersidad sa US—ng humahabang listahan ng mga kolehiyo at unibersidad sa ibang bansa na nagtuturo ng kursong may kinalaman sa Pilipinas. Kabilang dito ang Humboldt University of Berlin sa Germany at Cornell University sa New York.

Isa ang Filipino sa pinakamadalas na sinasalita sa US. Noong 2019, tinatayang higit sa 1.7 milyong tao sa US ang marunong ng Filipino, ikaapat sa pinakagamit na wika ng mga kabahayan sa US bukod sa Ingles. Ayon ito sa American Community Survey (ACS), isang taunang census ng gobyerno ng US na kumukuha ng datos sa nasa 3.5 milyong kabahayan.

Ayon naman sa nonprofit na Migration Policy Institute, makikita sa tala ng ACS na aabot sa isa sa kada pitong migrante sa US ay mula sa Pilipinas.

Bahagi ang ilang datos na ito sa mga dahilan kung bakit hindi raw babatiin ng isang estudyante ng Harvard ang sariling unibersidad, para sa pagtuturo ng wikang Filipino.

“Lumipas ang 120 taon matapos salakayin ng US ang Pilipinas…pero walang nakikitang dahilan ang Harvard na ituro ang wika ng bansa na bahagi ng dahilan bakit naging global superpower ang US,” sabi ni Eleanor Wikstrom sa kanyang Ingles na opinion piece.

Si Wikstrom, isang Filipino-American, ang punong patnugot ng The Harvard Crimson, pahayagan ng mga mag-aaral ng Harvard College o mga undergraduate student ng mga programa sa liberal arts ng Harvard.

Sabi ni Wikstrom, una at matagal nang napapanahong hakbang pa lang ito ng unibersidad. Ang nararapat raw na ipagdiwang ay si Orsal, ang magiging mga estudyante niya at ang lahat ng nakikiisa sa layunin ng programa tulad ng mga estudyante na ilang taon na raw nagpepetisyon para ituro ang Filipino sa Harvard.

Naging posible

Ibinahagi ni Robson sa kaniyang opisyal na anunsiyo na ang posisyong preceptor na makukuha ni Orsal ay naging posible dahil sa isang endowment o donasyon. Itong “generous gift” raw ay dahilan sa magiging tuloy-tuloy na pagtuturo ng mga kursong sa wikang Filipino.

Sa isang tinanggal nang post ng Inquirer.net nabanggit ang balita mula sa The FilAm, online magasin sa US, na si House Speaker Martin Romualdez ang nagbigay ng $1 milyon na donasyon sa Harvard.

“Imelda Marcos’s nephew funds Harvard’s new Tagalog language course” ang pangalan ng eksklusibong balita ng The FilAm. Dito, sinabi raw ng kanilang impormante na Harvard graduate na noong Abril na nila ito nalaman pero sinabihan silang magtikom ng mga labi.

Oras lang ang itinagal ng balita ng Inquirer.net bago ito naglaho sa website. Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang panig ni Romualdez.

Dito sa bansa

Kasabay ng balitang ito ang bagong inilabas na memorandum ng Bureau of Curriculum Development ng Department of Education, kung saan inanunsiyo ang pagbabago ng ilang bahagi ng mga aralin.

Sa memorandum na nilabas noong Setyembre 6, imbis na “Diktadurang Marcos” ang nakalagay sa curriculum ng Grade 6 Araling Panlipunan, magiging “Diktadura” na lang ito. Agad naman nagpahayag ng pagtutol si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

“Hindi tayo papayag na mabura ang kasaysayan at mamanipula ang katotohanan,” sabi niya. Aniya, responsibilidad natin na alalahanin ang mga kuwento ng mga nagdusa noon, pati na ang pagtindig sa anumang pag-uulit ng kalapastanganan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss