Daan-daang taon nang buhay ang Pilipinas dahil mayaman ito sa iba’t ibang materyales. Pero higit sa mga rekurso, maraming kamay humulma sa bansa.
Hindi materyales ang mapagpasya sa kapalaran, kundi ang mga taong gagamit nito. Dama ng lahat ang ambag at dangal ng mga manggagawa sa ating araw-araw na buhay.
Ngunit sa kasamaang palad, mayaman ang bansa, pero naghihikahos ang manggagawa sa araw-araw na gastusin, pawis at dugo.
Nitong Pandaigdigang Araw ng Paggawa, libo-libong manggagawa mula sa iba’t ibang industriya’t sektor ang nagkaisa para itaas ang dangal ng obrero at manawagan ng nakabubuhay na sahod.
Pasanin ng manggagawa sa pabrika
Isa sa mga sumama sa protesta si Elizabeth Gomez, presidente ng unyon sa Mitsumi Philippines. Sa higit tatlong dekada niyang pagtatrabaho sa Mitsumi, walang siyang naipon ni piso.

“Pilit mo na pinagkakasya kung ano ang kinikita mapakain mo lang nang maayos ang pamilya,” sabi ni Elizabeth.

Bilang ina ng apat na anak at asawa ng may partial disability, mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang pamilya at tinutustusan ang pag-aaral ng mga anak.

Manggagawang bukid, walang sariling lupa
Nakiisa rin ang 63 anyos na si Norma Mariano, manggagawang bukid mula sa Nueva Ecija at tagapangulo ng Samahang Magbubukid na Nagkakaisa (Samana).

Ang hiling niya ngayong Araw ng Paggawa, tuluyang ipamahagi ang lupang ipinangako na sa mga magbubukid.
“Ipamahagi sa ‘min ang lupa, ‘yon lang ang pinagkukuhanan namin para sa mapapakain namin para sa aming mga anak,” wika ni Norma.

Ipinaliwanag din ni Norma na bagaman may pinanghahawakan silang Collective Certificate of Land Ownership Award, tinatakot pa rin sila mga armadong guwardiya para isuko ang kanilang lupa.

Hiling din mga magsasaka na mabigyan ng subsidyo para sa produksiyon, dahil kasalukuyang napipilitan silang ibenta ang kanilang ani para lang may pambili ng bigas.
Diskriminasyon sa paggawa

Isang construction worker si Jade Vargas, 38, mula sa Association of Women Workers in the Construction Industry (AWWCI). Dominado ng kalalakihan ang kanyang trabaho.

Patuloy pa rin nananatili ang pagtingin na panglalaking trabaho ang construction. Pero in-demand naman ang trabaho at marami namang na-train at skilled na mga babae.
Sabi ni Jade, madalas ang diskrimniasyon at patuloy pa rin ang harassment sa kanila.

Tinitingnan ang kababaihan sa construction na pangsupporta lang. Una silang tinatanggal at huling tinatanggap sa trabaho. Dagdag pa na mababa ang kadalasang sahod at benepisyo para sa mga babae sa construction.
Himig ni Jade nitong Araw ng Paggawa, “Manggagawa ang pundasyon, kaya dapat protektahan ang manggagawa.”
Sa bawat tawag
Si Ally de Leon, 21, isang BPO employee sa Quezon City, ay naging working student upang matustusan ang kanyang pang-araw-araw na gastusin at pantustos sa kolehiyo.

Dagdag sa mahabang oras ng trabaho, graveyard shift na nakakaapekto sa tulog at pag-aaral niya, nahihirapan siyang magtipid dahil sa mababang sahod na hindi sumusunod sa inflation.

WIka niya, mahirap magtrabaho BPO dahil wala silang nakukuhang incentives o pagtaas ng sahod pero patuloy parin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang hiling ni Ally ngayong Araw ng Paggawa, “Magkaroon ng karapatan at [makatarungan] na sahod sa aming mga manggagawa.”
Sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa, binaha ng anakpawis ang mga lansangan ang Kamaynilaan at ang iba’t ibang parte ng bansa tulad nina Elizabeth, Norma, Jade at Ally. Sa kamay at balikat ng kababaihang obrero, may bigat na pinapasan ngunit patuloy na lumalaban.
