Uncategorized

Para sa taumbayan dapat ang pagpapanagot kay Sara – Pinoy Weekly

Para sa taumbayan dapat ang pagpapanagot kay Sara – Pinoy Weekly


Kuwento dapat ito ng hustisya, ng paniningil sa ninakaw mula sa kaban ng bayan at ng pagpapanagot sa mga may kapal ng mukha na mangurakot habang ‘di na magkandaugaga ang mga Pilipino sa pamimilipit sa krisis.

Nang bumoto ang 257 sa 290 na mambabatas sa Kamara para iabante sa Senado ang reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, dapat kapakanan ng higit 117 milyong Pilipino ang batayan nila—hindi tungtungan sa sunod na halalan, hindi ang kampo pampolitika at hindi debosyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pero dahil sa realidad ng bulok na pampolitikang sistema, naninimbang na ang marami sa magiging epekto nito sa halalan sa 2028 na minamata na ni Duterte noon pang Pebrero.

Ginagamit ng magkabilang kampo ng mga Marcos at mga Duterte ang impeachment para sa sarili nilang interes kahit pa ang impeachment ay karapatan ng taumbayan. Proteksiyon dapat ito na nakalagak sa Saligang Batas bilang pangako na hindi makakalusot ang mga nang-aabuso sa kapangyarihan at taksil sa tiwala ng publiko.

Halimbawa na lang nito ang mga nailista sa articles of impeachment kay Duterte, kasama ang iregularidad at pagwawaldas sa confidential funds na nasa P500 milyon mula sa Office of the Vice President at ang P112.5 milyon naman sa Department of Education. Kuwento dapat ito ng hustisya para sa milyong kabataang Pilipino na napagkaitan ng patas na simula sa buhay para makaalwan sila at ang kanilang mga pamilya.

Kailangan maituloy ang reklamo sa paglilitis sa Senado. Hindi puwedeng umastang api si Duterte at ang kanyang kampo dahil dadaan ang paglilitis sa prosesong legal, ‘di tulad ng mga biktima ng giyera kontra-droga at mga pamilya nila. Isa sa mga nakalista sa impeachment articles ang investigative report ng Anti-Money Laundering Council na nagsasabing posibleng galing sa drug trafficking, graft at malversation ang ‘di maipaliwanag na kayamanan ni Duterte at ng kanyang asawa.

Nagmaniobra man ang mga kilalang kakampi ni Duterte sa Senado para mapunta ang posisyon ng Senate President kay Sen. Allan Peter Cayatano, dating running mate ni Rodrigo Duterte, tuloy sa pagmamatiyag ang masa. Mula sa mga eskinita hanggang sa mga bulwagan, nagbabantay ang sambayanan na mulat sa katotohanang hindi ito dapat bangayan lang ng magkabilang kampo kundi matagal nang inaabangang paniningil.

At tulad ng mga kuwentong magkasabayan, hindi rin ibig sabihin ng lahat ng ito na nawala o tumigil ang paniningil sa administrasyong Marcos Jr., sa paglalako nito sa mga lupain ng Pilipinas sa militar ng United States, sa ‘di maampat na taasan ng presyo, sa pagiging commander-in-chief sa tumitinding atake sa mga aktibista at mga tanggol-karapatan, at sa ampaw na posisyon sa korupsiyon.

Kung isa sa mga tinitingnang lulan ng korupsiyon sa opisina ni Duterte ay ang paggamit niya ng confidential funds, hindi rin malilimutan na ang pinakamalaking tipak ng confidential and intelligence funds ay sa opisina ni Marcos Jr. na humahawak ng nasa P4.5 bilyon para sa 2026.

Kung magkukunwari lang ang administrasyon sa kagustuhan nito sa pananagutan at pagbabago, pero sa totoo ay tinitiyak lang ang bagong roleta ng pangungulimbat nang walang pinanagot, teatro lang ito na pinagsasayangan ng oras at kaban ng bayan. 

Sa huli, hangga’t hindi napapanagot lahat, mula sa mga nakaluklok sa mga distrito, mga dinastiyang politikal, hanggang sa commander-in-chief na huling pumipirma sa badyet, wala pang tunay na katarungan.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning