Uncategorized

Pinag-iisa tayo ng Espiritung Banal – Pinoy Weekly

Pinag-iisa tayo ng Espiritung Banal – Pinoy Weekly


Dakilang Kapistahan ng Pentekostes — Mga Gawa 2:1-11 | Salmo 103 | 1 Corinto 12:3b-7, 12-13 | Juan 20:19-23

Nakakatawang isipin na sa panahon ngayon, napakadaling sabihin ng ilang tao na sila’y kumikilos sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo, ngunit ang kanilang mga ginagawa ay tila hindi naman repleksiyon ng tunay na dulot ng Espiritu.

Mula sa mga bagong usbong na maliliit na simbahan na nag-iingay tuwing worship services—dahil umano sa “gift of tongues” o sa pagdaing at pagbagsak na iniuugnay sa pagbaba ng Espiritu Santo—hanggang sa mga nagsasabing sila’y mga makabagong propeta na may “divine appointment” daw mula sa Espiritu. 

Maging sa politika, may mga halal na opisyal na tuwang-tuwang nagsasabing ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa tulong ng Espiritu. Ngunit ano nga ba talaga ang tunay na galaw ng Espiritu? Sapagkat maraming bagay ang “mainit” sa panahon natin ngayon—mainit na ulo, mainit na argumento, mainit na relihiyon—ngunit hindi lahat ng init ay galing sa Espiritu Santo.

Ngayong araw, Linggo ng Pentekostes, ay ang ikalimampung araw matapos ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na, ayon sa tradisyon ng Simbahan, ay ang araw na isinugo ang Banal na Espiritu. Sa tradisyon ng mga Hudyo, ito rin ay isang napakahalagang pista na kanilang tinatawag na Shavuot—selebrasyon ng pagbigay ng Panginoon ng mga Utos sa Bundok ng Sinai kay Moises. Ipinapakita nitong may pagpapatuloy: na tulad ng pagbigay ng utos kay Moises, isinugo rin ang Espiritu upang ang lahat ng sumusunod kay Kristo ay mamuhay ayon sa Utos ng Diyos.

Ang Espiritu Santo ay may mga imahen kahit sa Lumang Tipan. Mula sa “Espiritu ng Diyos na kumikilos sa ibabaw ng tubig” (Gen 1:2), na nagpapakita ng papel nito sa pagbuo ng sanlibutan, sa katahimikan pagkatapos ng hangin, lindol at apoy sa pakikipagniig ni Elias sa Diyos (1 Hari 19:11-13), hanggang sa pagkakakilanlan ng Lingkod ng Panginoon na “pinuspos ng Espiritu” (Is 42:1), ipinapakita na ang Espiritu ay hindi simpleng emosyonal na karanasan. Ito’y presensiya ng Diyos na nagbibigay-buhay, umaakay, nagpapalaya at muling lumilikha.

Kaya mahalagang tingnan kung paano inilalarawan ang pagbaba ng Espiritu sa Mga Gawa ng mga Apostol sa unang pagbasa. Kasi diba ang apoy ng Espiritu ay hindi apoy na nanununog ng kapwa kundi alab na nagbibigay-liwanag at buhay.

Hindi ito init ng galit, pagmamataas o pagkakahati-hati. Ngunit kapansin-pansin: hindi nagtapos ang karanasang ito sa ingay o sa kakaibang penomena. Ang tunay na bunga ng Espiritu ay pagkakaunawaan. “Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika?” tanong ng mga tao. Ito ang himala ng Pentekostes.

Kung ating maalala sa lumang tipan, may isang pangyayaring nagkaroon ng malalim na ‘di pagkakaunawaan: ang paggawa ng torre ng Babel. Sa Babel, “nag-init” ang sangkatauhan sa ambisyong maabot ang langit sa sarili nilang kapangyarihan. Ngunit ang init ng kayabangan ay humantong sa pagkawatak-watak.

Sa Pentekostes naman, ang apoy ng Espiritu ay hindi nagtulak sa tao pataas para magmataas kundi palabas tungo sa kapwa. Kung sa Babel ang pagkakaiba ng wika ay naging sanhi ng pagkakahati-hati, sa Pentekostes naman, ang pagkakaiba ay naging lugar ng pagkakaisa, ng communion.

Napakalayo nito sa maraming nangyayari ngayon kung saan ang relihiyon ay minsang nagiging dahilan pa ng pagkakahati-hati, pagmamataas, at minsan pati pagdedeklara kung sino lang ang “ligtas” at sino ang “sinumpa.”

Kapag ang isang grupong nagsasabing nasa kanila ang Espiritu ay lalo lang nagtutulak ng galit, fake news, conspiracy theories o kawalan ng malasakit sa kapwa, marahil kailangang itanong: Espiritu nga ba talaga ito ng Diyos? Sapagkat maaaring “mainit” ang relihiyon ngunit malamig naman sa habag.

Sa Ebanghelyo ngayon, ang unang bunga ng Espiritu ay kapayapaan. Hindi hysteria. Hindi spectacle. Hindi rin init ng emosyon na mabilis magliyab ngunit mabilis ding mamatay. 

“Nakapinid ang mga pinto” dahil sa takot ng mga alagad. At marahil ito rin ang larawan ng marami sa atin ngayon. Nakapinid ang mga pinto ng ating sarili. Takot. Pagod. Nababahala sa kinabukasan. Sugatan ng kasinungalingan at pagkakahati-hati.

Ngunit dumating si Hesus “at tumayo sa gitna nila.” Hindi niya sila pinahiya dahil sa kanilang takot. Hindi niya sila kinondena dahil sa kanilang pagtatago. Ang una niyang sinabi: “Sumainyo ang kapayapaan.” Pagkatapos nito, hiningahan niya sila ng Espiritu Santo.

Napakaganda ng imaheng ito sapagkat nagpapaalala ito ng Genesis kung saan hiningahan ng Diyos ang tao upang magkaroon ng buhay. Ang Pentekostes, samakatuwid, ay bagong paglikha. Ang Espiritu ay hindi lang nagbibigay ng “religious experience.” Binubuo nitong muli ang tao at komunidad na winasak ng kasalanan, takot at pagkakanya-kanya.

Kaya sa ikalawang pagbasa, sinabi ni San Pablo: “Iba’t iba ang kaloob ngunit iisa ang Espiritu.” Sa panahon ngayon kung saan lahat gustong maging “main character,” mahalagang paalala ito. Ang Espiritu ay hindi ibinibigay upang itaas ang ego ng isang tao o gawing celebrity ang isang preacher. Ang kaloob ng Espiritu ay para sa ikabubuti ng lahat.

Kaya nga ang tunay na galaw ng Espiritu ay hindi lang nasusukat sa lakas ng sigaw sa worship service o dami ng followers ng isang “anointed” na personalidad. Mas nakikita ito sa kakayahang magpatawad, makinig, maghilom ng sugat, tumindig para sa katotohanan at makipagkapwa lalo na sa mga hindi natin kapareho.

Sa isang mundong puno ng ingay, polarization at performative spirituality, marahil ang pinakamalaking himala ng Espiritu Santo ay hindi ang pagsasalita ng iba’t ibang wika kundi ang muling kakayahan nating magkaunawaan.

Kapag tunay na kumikilos ang Espiritu, hindi tayo nagiging mas makasarili kundi mas makatao. Hindi tayo inilalayo sa kapwa kundi mas inilalapit sa kanila. Hindi tayo ginagawang mapanghusga kundi nagiging daan ng kapayapaan.

At marahil ito ang tunay na “gift of tongues” ngayon ay ang kakayahang magsalita ng wika ng katotohanan sa panahon ng kasinungalingan, wika ng habag sa panahon ng galit at wika ng pag-asa sa panahong maraming nawawalan na ng pag-asa.

Nawa’y sa Linggong ito hindi lang tayo maging mga taong nagsasabing nagsasalita sa ngalan ng Espiritu, pero maging mga taong nag-iinit. Isang init na hindi nakakasunog at nakakapaso, ngunit init na may alab ng Espiritong nag-bibigay buhay.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning