Pansamantalang itinigil ng San Miguel Corporation (SMC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpuputol ng mga puno matapos ikagalit ng taumbayan ang pagtumba sa mahigit 225 na mga puno sa Quirino Avenue sa Maynila upang bigyang daan ang pagtatayo ng Southern Access Link Expressway (SALEX).
Hawak ng SMC ang kontrata sa konstruksiyon ng SALEX na may kabuuang haba ng 40.65 km na binubuo ng apat na expressway. Inaprubahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proyekto noong Hunyo 27, 2022. Nilalayon nitong pagdugtungin ang mga daan papunta sa New Manila International Airport sa Bulacan at Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dalawang paliparan hawak din ng SMC.
Paliwanag ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga puno sapagkat pinapababa nito ang temperatura ng kapaligiran ng mahigit 8 degrees Celsius.
Sa kasalukuyan, nakaranas ng mahigit 2 hanggang 4 degrees Celsius ang Metro Manila ng pagtaas ng temperatura sa mga parte ng siyudad na labis ang polusyon. Nagsisilbi ring carbon sink na sumisipsip sa mga emisyon na nilalabas ng isang industriyalisadong lungsod. Gampanin din ng mga puno sa lungsod ang pagbawas sa mahigit 30% ng tubig-baha na naiipon sa kalsada.
Babala ng grupo na nangangahulugan ito na mas malakas ang pinsalang dala ng mga susunod na sakuna na tatama sa lungsod.

Sa isang panayam kay Environment Secretary Juan Miguel Cuna, ipinaliwanag niya na sinusuri na ng mga eksperto ang mga natitirang puno sa ilalim ng naaprubahan na proyekto. Dinepensahan din ni Cuna ang pagpuputol ng puno sapagkat iginiit niya na kinakailangan ito para sa pag-unlad ng bayan.
“Gusto ko lang linawin, wala gustong pumutol ng puno, kasama na rin kami doon. Can you imagine how contradictory it is. So it pains us to also be the ones tasked. So masakit at mabigat na tungkulin ng DENR na mag-issue ng tree-cutting permits,” wika ni Cuna sa isang pulong balitaan.
Ayon sa pampublikong abiso na inilabas ng DENR, ipinagkaloob ang Permit No. 2026-02-04-TCBEP-1609 sa SMC noong March 26, 2026 na tahasang pinahihintulutan ang pagpuputol ng mahigit 617 na mga puno sa Quirino Avenue, San Marcelino Street at Roxas Boulevard sa Maynila.
“Hindi sapat ang mga pangakong tree replacement o offsetting upang bigyang-katwiran ang pagputol ng matatanda at malalaking puno. Hindi agad-agad mapapalitan ng bagong tanim ang dekadang papel ng mga ito bilang tagasipsip ng carbon at panangga laban sa matinding init sa lungsod,” wika ni Kalikasan PNE national coordinator Cathleen de Guzman.
Iginiit din ng grupo na bunga ng sama-samang pagkilos ng taumbayan ang pansamantalang pagtigil sa pagpuputol ng puno.
Gayunpaman, nanawagan ang grupo na kinakailangan panagutin ang DENR dahil mandato nito ang pangangalaga sa kalikasan ngunit ito ang pangunahing nagsusulong ng mga mapanirang proyekto sa buong bansa na nagdulot ng malubhang pinsala sa mga kabuhayan ng mamamayan.
“Hindi dapat nagsisilbing rubber stamp ang mga ahensya para sa mga proyektong pinapaboran ang malalaking korporasyon kapalit ng kalikasan at kapakanan ng mamamayan,” dagdag ni de Guzman.
Pinabulaanan naman ng Greenpeace Philippines ang pahayag ni Cuna sapagkat iginiit nila na huwad na kaunlaran ang dala ng pagpuputol sa ilalim ng lumalalang krisis sa klima.
Iginiit ng grupo na hindi nasusukat ng mga gusali o kapital ang tunay na kaunlaran sapagkat dapat nakasandig ito sa tunay na pangangailangan ng taumbayan.
