Tungkol sa dinastiyang politikal – Pinoy Weekly

Tungkol sa dinastiyang politikal – Pinoy Weekly


Isang malaking dagok sa ating bansa pagpapatuloy ng mga dinastiyang politikal o political dynasty sa kabila ng pagbabawal nito ng ating Saligang Batas.

Ang obserbasyong ito’y galing mismo sa Korte Suprema sa isang kasong hinatulan nito noong Hunyo ng taong ito. Ayon sa Korte Suprema, 80% ng mga distrito sa ating bansa at 75% naman sa ating mga lungsod ay pinaghaharian ng mga dinastiyang politikal.

Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, sa halalan noong 2025 ay 212 sa 254 na nanalong district representatives ay kabilang sa mga dinastiyang politikal. Sa 212 na ito, 174 sa kanila ay may kamag-anak na nahalal hanggang 2028.

Sa mga 149 na nahalal na alkalde ng mga lungsod, 113 sa kanila ang galing sa mga dinastiyang politikal. Halimbawa ng mga ito ay ang pamilya Marcos sa Ilocos Norte at ang pamilyang Duterte sa Davao City.

Ngunit ayon sa Artikulo 11, Seksyon 26 ng Konstitusyong 1987, ipagbabawal ang mga dinastiyang politikal.

Ano ang mga dinastiyang politikal na ito na tinutukoy ng ating Saligang Batas? Nakakalungkot sabihin ngunit ayon sa Saligang Batas, dapat ipagbawal ng estado ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.

Sa madaling sabi, hindi binibigyan ng ating Saligang Batas ng takdang kahulugan o depinisyon kung anong ibig sabihin ng dinastiyang politikal. Inihahabilin ng ating Saligang Batas sa Kongreso ang pagsagawa nito.

Nagawa na ba ng Kongreso ang tungkuling ito? Sa kasalukuyan, hindi pa. Ito’y dahil sa hindi pa ganap na naaaprubahan ang isang Anti-Political Dynasty Law ang ating Kongreso.

Nitong Hunyo 3, 2026 lang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na House Bill 8389 na nagbabawal sa mga dinastiyang politikal.

Malaking mayorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang sumang-ayon sa House Bill 8389. Ang panukalang ito’y naglalayong bawasan ang konsentrasyon ng kapangyarihang pampolitika sa iilang pamilya at bigyan ng pagkakataon ang iba pa na magkaroon naman nito.

Ang panukalang batas na ito ay itinaguyod ni House Speaker Faustino Dy III at ni House Majority Leader Sandro Marcos, anak ng pangulo, kasama na ang 173 na mambabatas bilang mga co-author.

Nasa 267 na kongresista ang pumabor sa panukalang batas na ito, 20 lang ang hindi sumang-ayon at pito naman ang hindi lumahok sa botohan.

Ayon kay Dy, ang pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa panukalang batas na ito ay katuparan ng isang obligasyong konstitusyonal na hindi man lang nasagutan ng Kongreso mula pa nang maaprubahan ang Saligang Batas noong 1987.

Kaya ang buhay ng mungkahing Anti-Political Dynasty Law ngayon ay nasa kamay na ng Senado.

Sa ngayon, may mga panukalang batas sa Senado ang nakabinbin tungkol sa paksang ito ngunit hindi pa rin naaaprubahan.

Ipagdasal natin na huwag na sanang tumagal pa ang Anti-Political Dynasty Law na ito sa kamay ng ating mga mambabatas.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning