ACT Teachers Partylist Rep. kinasuhan si Ex-Pres. Duterte –

October 24, 2023


Sinampahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ng grave threat complaint si dating Presidente Rodrigo Duterte sa Office of the City Prosecutor, Lungsod Quezon ngayong Martes, Oktubre 24.

Kasama niya sina Atty. Tony La Viña at Rico Domingo mula sa Movement Against Disinformation (MAD) sa pagpasa ng kasong kriminal na alinsunod sa Article 282 ng Revised Penal Code bilang tugon sa pagbabanta sa kanyang buhay ng dating pangulo.

“Kailangan niyang (Duterte) harapin ang accountability sa matinding pagbabanta sa aking buhay,” ani Castro sa kayang panayam matapos gawin ang legal na aksyon.  

Pinatutsadahan ni Duterte noong Oktubre 10 si Castro matapos nitong hayagang punahin ang confidential at intelligence funds (CIFs) ng kanyang anak na si Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte. Inihayag ng dating presidente sa Sonshine Media Network International (SMNI) na gagamitin ito ng bise presidente para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto ang communist insurgency. 

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” sabi ni Duterte sa isang programa sa SMNI bilang tugon sa pagbatikos kamakailan ng mambabatas sa bise presidente dahil sa paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng ₱125 milyong confidential funds noong 2022 sa loob ng 11 araw.

Umani rin ng batikos at negatibong reaksyon sa publiko ang naturang paggastos.

Kasunod nito, ibinasura ng House Committee on Appropriations ang panukalang confidential funds ng Bise Presidente at inilaan ang pondo sa iba’t ibang ahensyang responsable para sa seguridad ng West Philippine Sea.

Pag-alma sa mga banta, red-tagging

Tulad ni Castro, nagsampa rin ng kaso ang iba pang mga kilalang personalidad dahil sa ginawang redtagging sa kanila sa SMNI at social media.  

Matatandaang nagsampa ng P 2 milyong pisong civil complaint ang mamamahayag ng GMA na si Atom Araullo laban sa dating Anti-Insurgency Task Force spokesperson Lorraine Badoy at ‘Laban Kasama ang Bayan’ host na si Jeffrey Celiz. Isinampa ang nasabing reklamo noong Setyembre sa Office of the City Prosecutor, Lungsod Quezon kasama rin si Atty. Tony La Viña. Ang kaso ay kaugnay sa pag-redtag sa broadcast journalist at ilang miyembro ng kanyang pamilya. Ang dalawang hinabla ay mayroong programa sa telebisyon sa SMNI kung saan makailang-ulit silang nagre-redtag ng mga kritiko o tumutuligsa sa mga aksyon o programa ng administrasyon.

Nagpasa rin ng P 2.15 milyong pisong civil damages ang ina ni Atom na si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Emeritus Chairperson Carol Araullo noong Hulyo laban kina Badoy at Celiz. Dahil ito sa matinding redtagging na nakaapekto sa kanilang organisasyon at pagpaparatang na parte sila ng Communist Party of the Philippines (CPP). 

Layunin ng pagsasampa ng mga kasong ito na panagutin at patigilin ang paninirang puri sa mga indibidwal, lalupa’t karaniwang may kaakibat na banta ng dahas ang red-tagging.



Source link

Don't Miss

Amnestiya – Pinoy Weekly

Amnestiya – ganap na pagpapatawad o paggagawad ng kapatawarang may

Venezuela and China Build A Shared Future: President Maduro | News

At the invitation of President Xi Jinping, Venezuelan President Nicolas