Ang Bayan Ngayon » 85th IB, inambus ng BHB-Quezon

March 26, 2024


Mapangahas na tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon (Apolonio Mendozaa Command) ang 30-kataong yunit ng 85th IB na nag-ooperasyon sa Barangay Doña Aurora, Calauag kahapon, Marso 25, alas-6 ng gabi. Tatlo ang naiulat na nasugatan sa mga berdugong sundalo.

Ayon sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng yunit ng BHB sa prubinsya, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ng command detonated explosive (CDX) ang 85th IB at tumagal ang sagupaan ng 10 minuto. Ligtas naman ang yunit ng BHB, aniya.

Naganap ang ambus ilang araw bago magtapos ang buwan ng Marso, na inianunsyo ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na panibagong “dedlayn” para gapiin ang mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya. Samantala, tinarget nito na durugin ang lahat ng “bertikal na yunit” ng hukbo sa katapusan ng Hunyo at ang buong BHB sa katapusan ng 2024. Iniusod ang “dedlayn” matapos ang huling “dedlayn” ng paggapi sa rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2023, at halos taun-taon bago nito.

Binati ni Ka Cleo ang mga Pulang mandirigma na nagsagawa ng operasyon laban 85th IB. “Patunay ang aksyong militar ng BHB na pangangarap nang gising ang hangarin ni Gen. Romeo Brawner ng AFP at ng commander in chief nitong si Marcos na paglipol sa rebolusyunaryong kilusan,” ayon sa tagapagsalita.

Matatandaang idineklara na rin ang Quezon bilang “insurgency-free” noong Hunyo 2023 at ipinailalim sa kategoryang “Stable Internal Peace and Security.”

Para panindigan ang kanilang kasinungalingan at pagtakpan ang kabiguan, pinalalabas ngayon ng 85th IB na mula sa Bicol ang mga umatakeng Pulang mandirigma. Nagpakana pa ito ng pagsuko ng isang nagngangalang Randy Reota alyas “Bibo” na napahiwalay umano sa yunit ng BHB at “sumuko” sa kanila sa Barangay Abad, Calauag.

Nagpakana din ito ng pagkasamsam ng isang ripleng M16, mga bala at magasin, at mga CDX at iba pang mga kagamitan sa pinangyarihan ng ambus. Karaniwan itong taktika ng AFP para pagmukhain na sila ang nasa bentaheng sitwasyon sa mga armadong opensibang ito ng hukbong bayan.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss