Ang Bayan Ngayon » Apex Mining, dahilan ng pagguho ng lupa sa Davao de Oro

February 8, 2024


Tuluy-tuloy na iniinda ng mga taga-Davao de Oro (Compostela Valley) ang nakamamatay na epekto ng mapangwasak na pagmimina sa prubinsya. Noong gabi ng Pebrero 6, nagkaroon ng masaklaw na pagguho ng lupa sa Masara, Maco na saklaw ng operasyon sa open-pit na pagmimina ng Apex Mining Co., Inc.

Natabunan ng lupa ang tatlong bus na naglalaman ng mga manggagawa ng kumpanya, gayundin ang barangay hall at di mabilang na mga bahay. Tinatayang may 86 ang nakasakay sa bus; 45 pa lamang ang nailigtas mula sa guho, habang anim ang nahukay na patay. Wala pa sa bilang na ito ang mga natabunan sa mga kabahayan. Nasa 86 pamilya, o 600 indibidwal, ang sapilitang inilikas sa lugar.

Ayon sa mga upisyal ng barangay, pinakamalamang na sanhi ng landslide ang malalakas na ulan sa nakaraang linggo na bunsod ng shear line at papasok na low pressure area. Sa kabila ng nito, tuluy-tuloy ang pagpapatrabaho ng Apex Mining sa minahan. Beynte-kwatro oras ang operasyon nito, na tinatauhan ng mga manggagawa sa tatlong shift.

Ang Apex Mining ay pagmamay-ari ni Enrique Razon at pinatatakbo ni Luis Sarmiento. Kabilang sa mga namumuhunan dito ang malalaking kumprador na sina Ramon Y. Sy, Walter W. Brown, at Dennis A. Uy. Dati itong pag-aari ng multinasyunal na kumpanya sa pagmimina na nakabase sa United Kingdom, bago ito binili ng isang kumpanyang Malaysian, na nagbenta nito kay Razon. Kumita ang kumpanya ng ₱2.3 bilyon sa unang siyam na buwan noong 2023.

Matagal nang iniinda ng mamamayan sa Maco ang pinsalang idinulot ng mga open-pit mining ng Apex Mining sa lugar. Noong 2018, gumuho na rin ang lupa malapit sa minahan kung saan 279 pamilya ang sapilitang pinalikas. Bago nito, dalawang beses nang ipinasuspinde ang mga operasyon ng kumpanya.

Noong 2014, pinatawan ng Mines and Geosciences Bureau ng 1-buwang suspensyon ang kumpanya matapos matambak ang basura nito (tailings) sa katubigan ng komunidad. Noong 2016, isa ang Apex sa 20 operasyon ng pagmimina na isinuspinde ng noo’y kalihim ng DENR na si Gina Lopez dahil sa kabiguan nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad na nakapalibot dito, at pinsalang dala ng mga operasyon nito sa kalikasan.

Mina at militar

Tadtad ng mga detatsment ng CAFGU at kampo ng militar, na nagsisilbing mga gwardya at tagapagtanggol ng mga operasyon ng mina, ang Compostela Valley. Nakakampo rito ang 66th IB, gayundin ang mga ibang yunit ng 48th IB, at ngayon ang 25th IB at 1001st IBde na kunwa’y “tumutulong” sa rescue effort.

Mahaba ang rekord ng pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng naturang mga yunit militar. Kabilang sa mga biktima nito si Marcelo Monterona, na pinaslang nila noong Enero 2014, sa harap ng kanyang tindahan. Si Monterona ay myembro ng konseho ng Indug Katawhan, ang organisasyong nanguna sa paniningil sa Apex Mining sa pinsalang dala nito sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad. Noong 2013, natulak ng organisasyon ang Apex na magbigay-danyos ng ₱3.6 milyon at kumpunihin ang nasirang mga imprastruktura matapos hambalusin ang kanilang komunidad ng Bagyong Pablo.

Noong 2022, idineklara ng militar na “insurgency-free” ang Compostela Valley, matapos ang ilang taon ng walang awat at madugong kampanyang panggigipit at “pagpapasuko” ng mga sibilyan.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Military Situation In Syria On April 5, 2023 (Map Update)

Click to see full-size image On April 5, the Russian

Zimbabwe: More Than 3,000 Suspected Cholera Cases

On Thursday, a cabinet minister stated that suspected cholera cases