Ang Bayan Ngayon » Bantang demolisyon sa komunidad ng mangingisda sa Bacoor City, kinundena

February 13, 2024


Kinundena ng mga kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamakalaya) sa Cavite ang bantang demolisyon sa kabahayan sa isang komunidad sa baybayin ng Bacoor City na sasaklawin ng isang proyektong reklamasyon. Ipinabatid ng lokal na gubyerno noong Pebrero 12 sa mga mangingisda at residente ang planong idemolis ang kanilang mga tahanan.

Ayon sa mga mangingisda, sasaklawin umano ng 420-ektaryang proyektong reklamasyon ng kumpanyang Frabelle Fishing Corp, pag-aari ng pamilya ni Francisco Tiu-Laurel Jr, kalihim sa agrikultura ng rehimeng US-Marcos.

Nauna nang iniulat ng Pamalakaya na napalayas na ang libu-libong mga residente dahil sa reklamasyon sa dalawang komunidad ng mga mangingisda at sapilitang silang inilipat sa Naic, Cavite sa kabila ng kawalang kabuhayan. Dulot nito, bumalik lamang ang mga mangingisda sa dati nilang komunidad.

“Talagang babalik at babalik sa tabing-dagat ang mga pinalayas na residente dahil narito ang pangunahing pinagkukunan ng aming kabuhayan. Kaya hindi makatwiran na muli kaming paalisin sa aming komunidad at ipatapon sa malayong lugar na walang hanapbuhay,” ayon kay Arni Villalon, kasapi ng Pamalakaya-Bacoor City.

Dagdag pa ng grupo, dapat ay suspendido ang lahat ng reklamasyon sa Manila Bay, kabilang ang proyekto sa komunidad. “Kaya lalong walang batayan ang lokal na pamahalaan na paalisin kami dahil kasabay dapat ng suspensyon ng reklamasyon ay ang pagpapatigil din ng anumang uri ng pagpapaalis sa mga residente,” pahayag pa ni Villalon.

Malaki ang magiging pananagutan ng dinastiyang Revilla na may kontrol sa Bacoor City at ni Tiu-Laurel Jr kung matutuloy ang naturang demolisyon. Handa umano ang mga magsasaka at residenteng maapektuhan nito na ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan.

“Determinado ang mga mangingisda at maralita sa baybayin ng Cavite na ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at komunidad laban sa mapanirang reklamasyon at kakambal nitong demolisyon. Patuloy naming igigiit ang karapatang makapanirahan sa baybayin at makapangisda sa Manila Bay dahil ito na ang aming kinagisnang buhay,” pagtatapos ni Villalon.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss