Aray ko po, Meralco! – Pinoy Weekly

Aray ko po, Meralco! – Pinoy Weekly


Dumating na ba ang bill ng kuryente ng lahat? Kumusta? Biro nga ng marami, hindi ka nga namatay sa init nitong tag-init, halos atakihin ka naman sa puso dahil sa taas-singil sa kuryente.

Taon-taon, iisang mensahe ang maririnig ng mga Pinoy mula sa pamahalaan at Meralco: magtipid kayo. Pero kahit kaliwa’t kanan na ang pagtitipid, hindi pa rin bumababa ang singil. 

Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, Pilipinas ang may pinakamataas na singil ng kuryente sa buong Southeast Asia. Humigit-kumulang $0.23 o P14 kada kilowatt hour (kWh) base sa pinakahuling rate ng Meralco. Tumaas rin ang gastos sa kuryente sa mga kabahayan habang hindi umuusad ang totoong halaga ng sahod pangkaraniwang Pinoy.

Pribadong pinagmamay-arian ang buong power supply chain ng bansa at umaasa tayo sa inaangkat ng fossil fuel tulad ng coal na pinagmumulan ng kalakhan ng suplay ng ating kuryente. Sa ganitong lagay, pinapasan ng mga Pilipino ang bawat pagtaas ng gastos para sa suplay ng kuryente sa bansa habang patuloy na lumolobo ang kita ng mga kompanya ng kuryente. 

Lahat ng pagtitipid ginawa na Aling Rosalie. Kailangan niyang pagkasiyahin ang P800 na sahod ng kanyang asawa para sa kanilang mag-anak. Joanna Robles/Pinoy Weekly

“Nakaka-shock,” sabi ni Aling Rosalie Haveria, 56, noong nakita niya ang inabot ng kanyang bill sa kuryente para sa Hunyo.

Matagal na siyang palipat-lipat ng tirahan sa may Payatas, Quezon City. Halos magtatatlong buwan pa lang silang mag-anak sa bagong inuupahan pero laking gulat pa rin niya nang makita ang laking talon ng bill nila.

Aniya, hindi naman malakas ang konsumo nilang anim sa mag-anak. Dalawang beses sila nagsasaing sa isang araw. Clip-on fan ang ginagamit ng pamilya, mas matipid daw kaysa sa regular na electric fan. Pati ang uniporme ng kanyang anak na nasa kolehiyo, hindi na pinaplantsa.

Sa kabila nito, tumaas pa rin singil sa kanya ng Meralco mula P900 noong Mayo, umabot na sa P1,200 nitong Hunyo.

Sa isang panig naman ng Quezon City, nagtitiis rin sa bill niya sa kuryente si Nanay Josielyn, 71, hindi niya tunay na pangalan. Ngunit kung ang bill ni Aling Rosalie ay nakabatay sa opisyal na rate ng Meralco, iba ang sitwasyon ni Nanay Josielyn. 

Naka-submeter ang kuryente niya. Sa halip na direktang bayad sa Meralco ng P14 kada kWh, nagbabayad siya ng P45 kada kWh sa may-ari ng bahay kung saan siya nakakabit. Higit tatlong beses itong mas mahal. 

Tatlo silang magkakahiwalay na pamilya na naghahati sa isang bill na umaabot minsan ng P4,000 o higit pa. Kapag gumagamit ng aircon ang kanyang anak, aabot ng P2,400 ang hati niya. Kapag may nawala sa linya, ang tinatawag nilang “loss,” pinaghahatian nila itong bayaran.

“Halimbawa nag-loss ng P2,000, ilan kaming mga tappers, mag-share kami sa pagbayad no’n,” sabi niya. Napilitan pa si Nanay Josielyn na ibenta ang refrigerator nila para makamenos sa konsumo. 

Pangarap din ng mga maralita tulad ni Nanay Josielyn ang maayos at tapat na akses sa mga yutilidad. Sa kasalukuyan, dahil sa kalagayan ng kanyang tirahan, tinitiis niya ang ganitong sistema para may kuryente ang pamilya.

Tanggapan ng Meralco sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Nitong Hunyo, umabot sa P14.4833 kada kWh para sa karaniwang kabahayan ang opisyal na singil ng Meralco, tumaas dahil sa tatlong magkakasunod na red alert sa Luzon grid noong Mayo 13 hanggang 15. 

Ang demand ng kuryente ngayong taon ay lumagpas sa rekord noong 2024, ayon sa ulat ng Meralco nitong Hunyo. Dagdag pa rito ang patuloy na paghina ng halaga ng piso na nakakaapekto sa mga kontrata ng power companies na nakabatay sa dolyar.

Para maintindihan kung saan napupunta ang bawat sentimo ng bill, kailangan maunawaan ang tatlong pangunahing bahagi ng sistema: ang generation o produksiyon ng kuryente ng mga pribadong planta; ang transmission o pagdaloy sa linya ng National Grid Corporation of the Philippines; at ang distribution o huling hakbang papunta sa mga bahay na hawak ng Meralco at iba’t ibang electric utility at cooperative sa bansa.

Sa bawat hakbang, may tinatawag na transmission loss o kuryenteng nawawala habang dumadaan sa mahahabang linya. Kaya naiiba ang presyo depende sa lokasyon sa bansa.

Ang pinakamahalagang bigyang pansin ay ang generation charge. Binubuo nito ang 55% hanggang 64% ng kabuuang bill.

Mahigit kalahati ng mga power plant ng bansa gumagamit ng imported na coal na pinagmumulan ng 60% ng kuryente. Kaya kapag gumalaw ang presyo nito sa global market at humina ang piso, direkta itong nararamdaman ng mga konsyumer. Tawag sa ganitong iskema ay “automatic pass-through mechanism.” 

Bukod pa rito, may mga dagdag pang bayarin tulad ng mga service-related na mga singil kasama na dito ang generation, transmission at distribution charges ay may dagdag na patong dahil sa value-added tax, kasama rito ang system loss charge na ipinapasa sa konsyumer kahit marami nito ay resulta ng pagnanakaw, at ang Green Energy Auction Allowance at ang Feed-in Tariff Allowance para sa mga luma at bagong proyektong na renewable energy ng gobyerno.

“Bakit consumers ang nagso-shoulder ng system loss? Dapat kompanya ang magbayad niyan,” ani Neri Colmenares sa isang forum ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) kasama ang mga stakeholder sa kuryente noong Hulyo 2. 

Noong dumating ang bill ni Aling Rosalie ng Hunyo 30, nagpupulong din ang mga shareholder ng Meralco.

Ibinalita ni Meralco chairman Manuel V. Pangilinan na inaasahang lalampas ang kompanya sa kanilang rekord na kita noong 2025 na P50.6 bilyon. “I think the full-year profits would be ahead of last year,” aniya.

Sa unang tatlong buwan ng 2026 pa lang, nag-ulat na ang Meralco ng P11.4 bilyon na kita, habang ang kanilang generation business ay tumaas ng 51%.

Maayos ang takbo ng negosyo ng mga bilyonaryong negosyante, sa kabila ng krisis at giyera sa West Asia. Para naman sa milyong Pilipino tulad nina Aling Rosalie at Nanay Josielyn, ang bawat pagtaas ng singil ay kabawasan sa ibang pangangailangan ng pamilya. 

Payo na nakakabit sa isang kuntador. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Noong Hunyo 8, 2001, nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Electric Power Industry Reform Act (Epira). Ito ang batas na nagtulak sa pribatisasyon at deregulasyon sa malaking bahagi ng sektor ng kuryente. Ang pangako: episyenteng serbisyo at kompetisyon na magpapababa ng presyo.

Ngayong ika-25 anibersaryo ng batas, patuloy na ibinabandera ng gobyerno ang tagumpay ng Epira. Ngunit ayon kay Sonny Africa ng Ibon Foundation, hindi dapat ito ikatuwa.

“Nag-fail sa pagbibigay ng murang kuryente,” ani Africa sa forum. 

Para kay Africa, totoong naging episyente at maraming nagkaroon ng kuryente sa buong bansa matapos maipasa ang Epira. “But at what cost?” tanong niya. 

Noong 2024, ang mga nangungunang kompanya sa power generation, distribution at supply ay kumita ng P132 bilyon. Kasama dito ang grupo ng Aboitiz, San Miguel Global Power, First Gen, Ayala Corp. at Meralco.

“By design, profit center ang generation, transmission, distribution [companies] across the power supply chain,” paliwanag ni Africa. “Hindi [ito] nagtagumpay sa sariling mga tuntunin. Nand’yan siya para kumita, hindi para magbigay ng serbisyo.” 

Ipinunto rin ni Colmenares ang pagkakaiba ng Pilipinas sa mga kalapit na bansa. 

Sa Vietnam, hawak ng estado ang transmission kaya may flat rate at predictable na presyo sa kuryente. Sa Indonesia, kontrolado ng pamahalaan ang national grid. Sa Thailand, pagmamay-ari ng estado ang generation. Sa ganitong kaayusan, kontrolado ng mga gobyerno ang presyo ng kuryente para mapanatiling abot-kaya para sa mamamayan.

Idinagdag ni Colmenares na dapat hawak ng pamahalaan ang sektor ng kuryente bilang isang pangunahing serbisyong pampubliko. Ang kuryente ay pundasyon ng isang gumaganang lipunan. Pinagana nito ang mga industriya, mga negosyo at ang bawat kabahayan ng pangkaraniwang Pilipino.

Talakayan kasama si dating Bayan Muna Congressman Atty. Colmenares, ang ilang mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines at mga stakeholder sa kuryente, Hunyo 2, 2026 sa opisina ng Integrated Bar of the Philippines sa Ortigas. Amihan Mabalay/SUKI Network

Sa forum ng IBP kasama ang mga stakeholder, malinaw ang naging kaisahan: ang kuryente ay hindi dapat pinagkakakitaan. Ito ay karapatang pantao.

“Electricity is a vital utility. [It is] tied to the quality of life, economic survival and fundamental right of every Filipino,” ayon kay IBP president Allan Gani Panolong. “Protect the consumer, protect the citizen.”

Inihain ni Colmenares, ang ilang kongkretong solusyon para sumulong ang usapin sa kuryente at laban para sa karapatan ng mga konsyumer.

Una, ang tunay na transparency sa electricity bill. Para sa mga konsyumer, hindi pa rin malinaw kung magkano talaga ang pinapatong na tubo ng bawat kompanya sa bawat bahagi ng supply chain. Kailangang himayin ang mga singil sa paraang naiintindihan ng ordinaryong Pinoy. 

Ikalawa, ang pagrerepaso ng mga singil na pinapasan ng mga konsyumer lalo na ang system loss at ang buwis na ipinapataw dito. Iminumungkahi ng IBP na gamitin ang Consumer Rights Act bilang legal na batayan upang tiyakin na ang mga singil na dapat pasanin ng mga kompanya ay hindi na maaaring ipasa sa konsyumer

Ikatlo, ang pagpapalakas ng kilusang konsyumer at ng libreng legal aid para sa may mga reklamo sa kanilang electricity bill. Tiniyak ang IBP na suportahan ang mga ganitong kaso sa pamamagitan ng kanilang Human Rights Committee.  

“Sana yung mga nanunungkulan, ibaba nila yung kuryente. Kasi ang hirap, lalo na sa kalagayan namin,” panawagan ni Aling Rosalie sa paparating na State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Dalawang buwan na siyang kapos sa pambayad ng bill at nangangamba siyang maputulan sa susunod na buwan.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning