Balik eskuwela, balik problema – Pinoy Weekly

August 8, 2024


Muling nagbalik ang mga mag-aaral sa mga eskuwelahan noong Hul. 29 sunod sa itinakda ng Department of Education (DepEd). Ngunit 1,002 paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang hindi nakasabay dito.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkaantala ang pananalasa ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira sa mga apektadong lugar. 

Mga lubog sa tubig na silid-aralan at nasirang mga kagamitan tulad ng mga aklat ang ilan sa patunay ng pinsalang idinulot ng malakas na ulan at baha. Kaya naman, maraming mga paaralan ang nangangailangan ng agarang pagsasaayos upang maging ligtas at handa para sa pagbabalik ng mga mag-aaral. 

Nasa mahigit 19.8 milyong estudyante sana ang nakatakdang bumalik sa mga paaralan sa pagbubukas ng klase, subalit hindi pa matatanggap ang maraming sa kanila dahil hindi handa ang maraming paaralan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), tinatayang na sa 250,000 silid-aralan ang kulang. Gayundin ang pangangailangan sa karagdagang 150,000 na guro. 

Sa ilalim ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na dating kalihim ng DepEd, hindi natugunan ang malalang krisis sa sistema ng edukasyon. Sa panahon ng kanyang pamamahala sa kagawaran, hindi nabigyan ng sapat na pondo at suporta ang edukasyon.

Ayon sa ACT, “critically unsatisfactory” ang performance ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa sektor ng edukasyon.

Ani ACT-NCR Union president Ruby Bernardo, hindi umabot sa inaasahang pamantayan ang estado ng edukasyon sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte, lalo na sa aspekto ng access, kalidad, oryentasyon, kapakanan ng mga guro’t kawani, at karapatan ng mga unyon at akademikong kalayaan.

Sa pagpasok ng mga bata sa eskuwela ngayong Hulyo, sumambulat ang kalunos-lunos na kalagayan ng sektor ng edukasyon dahil sa pagpapabaya at kawalang prayoridad para tugunan ang malaon nang mga suliranin.

Hamon din sa bagong kalihim ng DedEd na si Sonny Angara ang maagap na pagtugon sa mga hinaing ng mga estudyante’t guro para sa dekalidad na edukasyon. 

Tulad na lang ni Manuel Kapili, isang guro sa elementarya na apektado sa napakababang suweldo. 

“Sa case ko kasi may pinagkukunan pa ko na ibang source of income. Pero kung sa akin na suweldo, kulang na kulang kasi sa pang-araw-araw pa lang kakapusin na gawa ng pamasahe saka ‘yong [mataas na presyo ng bilihin], sumabay pa,” sabi niya sa panayam sa Pinoy Weekly.

Matagal nang ipinaglalaban ng mga guro ang pagtaas ng kanilang suweldo na dapat daw bigyang pansin ng gobyerno dahil sa kanila nakasalalay ang malaking responsibilidad sa pagbibigay ng wastong edukasyon sa mga bata.

Sinabi pa ni Kapili na maraming guro ang kinakailangang humanap ng karagdagang kita upang mapunan ang kakulangan sa kanilang pangunahing suweldo.

Nagdudulot ito ng hindi magandang epekto sa kalidad ng edukasyon. Sa halip na maglaan ng mas maraming oras at atensiyon sa paghahanda ng mga aralin at pagpapaunlad sa kanilang mga estudyante, nahahati sa iba’t ibang gawain ang kanilang oras at lakas para lang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Batay sa datos mula sa Philippine GO, ang mga Teacher I hanggang Teacher III ay nakakatanggap lang ng average na suweldo mula P27,000 hanggang P31,320 kada buwan.

Nakadepende pa ito batay sa karanasan, kuwalipikasyon at institusyong pinagtatrabahuhan nila. Ang mga mas matagal nang nagtuturo at may mas mataas na kuwalipikasyon ang karaniwang tumatanggap ng mas mataas na sahod.

Gayunpaman, kahit na sa may mataas na posisyon tulad ng Master Teacher IV, naniniwalang hindi ito sapat kumpara sa dami ng trabaho at responsibilidad na kanilang hinaharap araw-araw.

Patuloy na hinahanap ng mga guro ang mga pangakong taas-suweldo ni Duterte. Sa nagdaang taon, binigyang-diin ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na may nakalaang P86.9 bilyon para sa taas-suweldo ng mga empleyado sa ilalim ng gobyerno, kasama ang mga guro. Ngunit walang natatanggap ang mga guro hanggang ngayon.

Sa pagbubukas ng klase, muli namang ibabalik sa dating academic calendar ang mga eskuwelahan. Mula sa dating buwan ng Hunyo na pasukan, ginawa itong Agosto para daw makasunod sa international standard at maiwasan ang matinding init tuwing tag-araw.

Sa taong panuruan 2025-2026, target ibalik sa dating academic calendar ang klase na nagsisimula ng Hunyo at nagtatapos ng Marso. Ngayong taon, magsisimula ang klase ng Hul. 29 at matatapos ng Abril 15, 2025.

Sa pabago bagong kalendaryo ng paaralan, maraming estudyante at magulang ang nagkakaroon ng agam-agam.

Nagdudulot umano ng dagdag na stress at kahirapan sa mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral ang pagbabagong ito. 

Ayon kay Leo Mark Gallaza, isang Grade 12 na estudyante, “Malaki ang epekto ng calendar shift sa aming mga estudyante, tulad ng academic pressure at kawalan o hindi sapat na academic break na nakakaapekto rin sa mental health ng ibang mga estudyante.” 

“Kung minsan hindi rin naaayon sa kondisyon ng panahon o minsan kapag may kalamidad natatapat ang pasok, so I believe that calendar shift is a result of poor planning in my opinion,” ani Gallaza.

Naniniwala siyang ang calendar shift bunga ng hindi maayos na pagpaplano na nagdudulot ng dagdag na abala sa mga estudyante.

Maaari ding malagay sa peligro ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro at pagkakatuto naman ng mga estudyante.

“Medyo nakakabahala yung biglaang pagshift ng academic calendar. Nakakastress siya kasi biglaang adjustment, kulang sa oras yung paghahanda lalo na kakabagyo lang” sabi naman ni Jenzyst Danielle Lorenzo, isang magulang mula sa Sampaloc, Manila.

Nag-aalala si Lorenzo na kulang ang panahon nila para sa pag-aakma sa bagong iskedyul. Dagdag pa niya na kailangan din nilang paghandaan ang mga kaganapan tulad ng mga papasok na mga bagyo.

Bukod sa calendar shift, dagdag pasanin din ng mga guro at estudyante ang bagong Matatag Curriculum.

Tutol ang ACT sa hilaw na implementasyon ng Matatag Curriculum at nanawagang huwag na munang ipatupad ito.

Ayon sa grupo, magdudulot ito ng dagdag na pasanin dahil sa kakulangan ng kagamitan sa mga paaralan, kalituhan sa mga estudyante at kulang na pagsasanay para sa mga guro. Mapipilitan ding gumastos ang mga guro mula sa sarili nilang bulsa upang mapunan ang mga kakulangan sa mga materyales.

Sa ilalim ng bagong kurikulum, dinagdagan ng walong teaching load ang mga guro na may tig-45 minuto kada sabjek.

Tila raw ginawang robot ang mga guro dahil magpapalipat-lipat sila sa walong iba’t ibang klase araw-araw. Aabutin din ng alas-8 ng gabi ang klase ng panghapong mga estudyante na maglalagay sa panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante.

Bukod pa rito, malaki din ang kawalan ng sapat na rekurso para sa implementasyon ng kurikulum na malamang na papasanin ulit ng mga guro ang pagpapaluwal sa mga ito mula sa kanilang mga bulsa.

Dagdag ng ACT, ang utos ni Marcos Jr. na magpatuloy ang klase kahit sa mga espasyo sa labas ng mga paaralan na patunay ng kawalang-pakialam sa tunay na kalagayan ng edukasyon.

Hindi anila isinasaalang-alang ng gobyerno ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral at guro, tulad ng maayos at ligtas na mga silid-aralan, sapat na kagamitan at komportableng kapaligiran sa pag-aaral.

“Kailangan ng mabilis at komprehensibong plano upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan at ayusin ang mga nasirang paaralan, hindi mga panandaliang solusyon na gaya ng pag-shift ng klase at pansamantalang espasyo.” pahayag ng ACT.

Ayon sa grupo, maaaring tumaas ng 30% ang workload ng mga guro sa ilalim ng Matatag Curriculum, mula sa anim na asignatura kada guro tungo sa walo.

“Ang ibig sabihin nito, mas maraming estudyante at klase na dapat tutukan, mas maraming outputs na [susuriin], at mas maraming grado na [kakalkulahin],” sabi ng ACT.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Military Situation In Syria On June 8, 2023 (Map Update)

Click to see full-size image On June 8, the Russian

VERA FILES FACT CHECK: China live-fire drill NOT RELATED to incident near Ayungin Shoal 

A video on Facebook (FB) is claiming that China conducted