Bye-bye, Midland? 

July 10, 2024


End of an era na nga ba para sa mga diyaryo?

Kamakailan lang, inanunsiyo ng Baguio Midland Courier na matapos ang 77 taon, ititigil na nito ang paglilimbag ng diyaryo. Lalabas ang mga huling isyu ng diyaryo sa Hulyo 7, 14 at 21. Ayon sa kanilang pahayag, “Your Baguio Midland Courier is not spared from the worldwide trend that newspapers are facing unprecendented challenges, leading to closure of venerable publications.”

Bago pa ang nakalulungkot na balitang ito, nauna nang nagsara ang SunStar Baguio noong 2021 na isa rin sa mga pangunahing pahayagan sa lungsod. Hindi lang sa Baguio nararanasan ang mga sunod-sunod na pagsasara ng mga istasyon at kompanya ng midya.

Enero nitong taon, nabigla ang buong industriya ng midya sa anunsiyo ng CNN Philippines na magsasara na sila dahil sa pagkalugi. Naging sunod-sunod din ang pagsasara ng mga FM at AM station habang nakararanas naman ng peligro ang iba pang kompanya ng midya. 

Sa panayam ng BusinessWorld Online kay University of the Philippines journalism professor Rachel Khan, kumikita ang network katulad ng GMA at ABS-CBN sa mga entertainment at hindi sa mga balita o sa mga artikulong nagbibigay ng impormasyon, maliban na lang sa mga balitang may direktang epekto sa kanila tulad ng mga disaster.

Ayon pa kay Khan, sa paglago ng new media, mas lalo pang nabigyan ng laya ng mga audience na pumili kung paano sila makakakuha ng impormasyon. Magtataka pa ba tayo kung higit na popular na pinagkukunan ng impormasyon ng publiko ang social media katulad ng Facebook at TikTok?

Malapit na ang eleksiyon sa 2025 at nagsisimula na ngang gamitin ang midya para sa propaganda ng mga tradisyonal na politiko. Sa ganitong kalagayan, sinasamantala ng mga maykapangyarihan ang midya upang malihis ang ating pananaw baguhin ang opinyon ng publiko patungkol sa mga politiko at dinastiya.

Isa pa sa unti-unting pumapatay sa midya ang pag-iral ng artificial intelligence (AI). Sa Estados Unidos, tampok ngayon ang paggamit ng ilang network ng generative AI kapalit ng mga totoong manunulat upang maiulat ang mga balita. Seryosong banta ito sa mga mamamahayag at manunulat na naglalaaan ng panahon at talino, at nagbubuwis pa nga ng buhay para lang magampanan ang kanilang tungkulin na maihatid ang impormasyong kinakailangan ng publiko. 

Hindi naman mahirap maunawaan ang naging pasya ng Midland. Noong nagtatrabaho pa ako sa isang maliit ng istasyong ng midya, napilitan ding magsara ang istasyon makalipas ang ilang buwan. Nakasandig lang kami sa mga maliliit na advertiser na hindi rin kayang tustusan ang buong operasyon nito.

Ang nakalulungkot lang, isa na namang daluyan ng impormasyon ang titigil at higit pang aasa ang mamamayan sa social media kung saan parang mga tipak ng malalaking bato ang bumabara sa katotohanan. 

Nag-iiwan ang estado ng midya sa bansa ng marami pang tanong: Ano na ang mangyayari sa akses sa impormasyon ng karaniwang mamamayan? Paano na matitiyak na balanse pa rin ang mga balita at nasasagap nating impormasyon? Paano na ang mga manggagawa sa mga kompanya ng midya na umaasa lang sa kanilang kasanayan sa gawaing pagsusulat, paglalathala at paglilimbag? 

Ibig bang sabihin nito’y wala nang pag-asa? Hindi naman. Nananatili pa rin ang mga alternatibong midya at mga mamamahayag sa mga komunidad. Ang kailanga’y linangin at pahusayin pa ang mga mamamahayag sa mga komunidad upang mapanday ang marami pang alternatibong porma ng paghahatid ng impormasyon na hindi nakasandig sa negosyo at advertiser.

Malapit na ang eleksiyon sa 2025 at nagsisimula na ngang gamitin ang midya para sa propaganda ng mga tradisyonal na politiko. Sa ganitong kalagayan, sinasamantala ng mga maykapangyarihan ang midya upang malihis ang ating pananaw baguhin ang opinyon ng publiko patungkol sa mga politiko at dinastiya.

Sa unti-unting pagkawala ng mga pahayagan at istasyon ng midya, hindi malayong maulit ang bahagi ng kasaysayan na nangyari noong 2022 at hindi na kataka-kataka kung ano ang kahihinatnan ng boto ng bayan. 

Batayang karapatan natin ang impormasyon. Nakasalalay sa atin ang pangangalaga at pagtatanggol dito.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Niger Junta Suspends Military Agreements With France | News

Following the July 26 coup d’état, Niger’s military junta announced

Ang Bayan » Pagbabawal mangisda sa Zambales dahil sa Balikatan 2023, tinuligsa

Binatikos ng mga mangingisda at ng Pambansang Lakas ng Kilusang