Giyera ng US-Israel vs Iran, banta sa ekonomiya, kapayapaan ng mundo – Pinoy Weekly


Pebrero 28, binayo ng koordinadong airstrikes ng United States (US) at Israel ang Islamic Republic of Iran. Binomba ang mga opisina ng gobyerno at pasilidad militar. Tinamaan din pati mga eskuwelahan, ospital at iba pang sibilyang imprastruktura.

Kabilang sa unang pinasabog ang Shajareh Tayyebeh (The Good Tree) elementary school sa lungsod ng Minab. Nasa 165 ang naitalang patay, karamihan mga batang edad 7 hanggang 12. Hinihinalang sadyang binomba ang eskuwelahan na nasa parehong lungsod ng pasilidad pandepensa ng Iran sa Strait of Hormuz.

Pinatay din sa US at Israeli airstrikes si Iranian Supreme Leader Ali Khamenei at iba pang matataas na opisyal militar ng Islamic Republic. Hindi itinatago ni US President Donald Trump na layon ng pagsalakay niya sa Iran na palitan ang pamunuan ng bansa.

Sa huling tala ng Al Jazeera, lampas 1,000 na ang napatay sa tinawag ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na “agresyon ng imperyalismong US at ng Zionistang attack dog,” laban sa isang bansang 47 taon nang naninindigan laban sa paghahari ng US at Israel.

Ayon sa International Association of Democratic Lawyers (IADL), maituturing na “krimen ng agresyon” ang pag-atake ng US at Israel sa Iran. Labag anila ito sa Article 2 Section 4 ng United Nations (UN) Charter. Ipinagbabawal sa kasunduan ang paggamit ng armadong puwersa laban sa isang bansa, maliban kung may pahintulot ng UN Security Council (UNSC) o para ipagtanggol ang sarili.

Gumanti naman ng ballistic missile at drone attack ang Iran sa ilang siyudad sa Israel. Tinira din nito ang mga base militar ng US sa Bahrain, Iraq, Jordan, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia at United Arab Emirates.

Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps, pagtatanggol sa sarili ang ganting-salakay at lehitimong target ang lahat ng pasilidad militar ng US at Israel.

Nasa 40,000 hanggang 50,000 tropang militar ng US ang naka-deploy sa 19 lokasyon sa buong West Asia o Middle East, na nakapalibot sa Iran. Walo lang dito ang permanenteng base. Temporary, rotational o forward sites ang karamihan, na maihahalintulad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas.

Sa sulat niya sa UNSC at kay UN Secretary General Antonio Gutierres, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na hangga’t hindi natitigil ang agresyon ng US at Israel, patuloy na gagamitin ng Iran ang karapatang ipagtanggol ang sarili.

Idineklara ni Trump na tatagal pa nang apat hanggang limang linggo ang giyera niya sa Iran. Pinangangambahan namang magdudulot ito ng krisis sa ekonomiya, seguridad at kapayapaan sa buong mundo.

Sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, nanawagan ang Gabriela na ibasura ang EDCA at palayasin ang tropang militar ng US sa Pilipinas na nagpapahamak sa mga Pilipino sa mga habang-buhay na giyera ni Donald Trump. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Tinawag na “preemptive” nina Trump at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kanilang pag-atake para pigilan ang banta ng armas nukleyar ng Iran.

Walang armas nukleyar ang Iran. May nuclear program ito para sa sibilyang gamit bilang alternatibong enerhiya.

Ayon sa International Atomic Energy Agency, ahensiyang nagmo-monitor sa mga programang nukleyar sa buong mundo, may “ambisyosong” nuclear program ang Iran, pero wala itong programa para gumawa ng armas nukleyar.

Sumalakay si Trump sa kabila ng umuusad na negosasyon sa nuclear program ng Iran. Pumayag na ang Iran sa mga kondisyon ng US, kabilang ang zero “stockpiling” o pag-iimbak ng uranium, elementong kemikal na gamit sa nuclear energy.

Ilang oras lang bago ang pagsalakay, sinabi ni Omani Foreign Minister Sayyid Badr bin Hamad al-Busaidi, tagapamagitan sa negosasyon, na “abot-kamay na ang kasunduan sa kapayapaan.”

Nauna nang binomba ng US ang Iran noong Hunyo 2025. Sabi noon ni Trump, “totally obliterated” o napulbos na niya ang nuclear program ng Iran.

Nakapirma ang Iran sa Nuclear Non-Proliferation Treaty (NPT), pandaigdigang kasunduan laban sa armas nukleyar, mula pa 1968.

May tinatayang 90 nuclear warheads ang Israel. Ito lang ang may armas nukleyar sa buong West Asia at isa sa apat na bansang hindi nakapirma sa NPT. Ang US naman ang may pinakamaraming armas nukleyar sa buong mundo at kaisa-isang gumamit nito sa giyera noong 1945.

Sa pagharap sa US Congress dalawang araw matapos ang pagsalakay, inamin ng mga opisyal sa depensa ni Trump na walang intelligence report na unang sasalakay ang Iran. 

Sa Konstitusyon ng US, walang kapangyarihan si Trump na pumasok sa giyera laban sa ibang bansa nang walang pahintulot ng US Congress.

Umpisa pa lang ng Pebrero, nagtambak ng puwersang militar ang US sa palibot ng Iran.

Ayon sa Ministry of Security ng Israel, ilang buwan na nilang pinagplanuhan at ilang linggo na ring napagpasyahan ang petsa ng pagsalakay sa Iran. Ayon sa ILPS, patunay ito na panlalansi lang ang negosasyon ng US at wala itong balak pumirma ng diplomatikong kasunduang nukleyar. 

Nasa kalagitnaan din ng negosasyon nang salakayin ng US ang Venezuela para dukutin ang pangulo nitong si Nicolas Maduro, nang walang pahintulot ng US Congress, noong Enero 2026.

Para kay Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg) chairperson Roland Simbulan, ginagamit lang ang katuwiran kontra armas nukleyar para itago ang totoong motibo ng US. Nakita na aniya sa kasaysayan na ang mga giyera sa ngalan ng seguridad ay kadalasang pantakip sa ekonomiko at heopolitikal na interes.

Armas nukleyar din ang palusot ng US noong 2001 nang giyerahin ang Iraq at Afghanistan para sa kontrol ng langis.

Sumugod sa US Embassy sa Maynila ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Marso 2 para kondenahin ang agresyon ng US at Israel sa Iran. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Iniinda na ng mundo ang epekto sa ekonomiya ng giyera ni Trump. Pinakaapektado ang mamamayan sa mahihirap na bansa, gaya ng Pilipinas.

Tumaas na ng 10% ang presyo ng langis sa buong mundo, sa unang araw pa lang ng giyera. Tinatayang aabot sa $100 hanggang $150 ang kada bariles ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. 

Isinara na ng Iran ang Strait of Hormuz, makipot na katubigan papasok ng Persian Gulf. Dito dumadaloy ang 20% hanggang 30% ng pandaigdigang suplay ng langis. Galing dito ang 90% ng ini-import na langis ng Pilipinas.

Nitong Marso 3, nagpatupad na ng bigtime na taas-presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas. Ito’y kahit may buffer stock o imbak pang hanggang 60 araw ang mga kompanya ng langis sa bansa.

Hindi dapat samantalahin ng mga kompanya ng langis ang giyera sa Iran, ayon kay Anakpawis national president Ariel Casilao. Nakakaapekto na aniya sa kita ng mga magsasaka ang mangingisda na napupunta na lahat sa sumisirit na presyo ng langis.

Inaasahan namang aabot sa P9 hanggang P12 ang dagdag sa presyo ng diesel sa susunod na linggo. Asahang aabot nang P90 kada litro ang diesel at gasolina, ayon sa Department of Energy.

Sabi ng Malacañang, may pondo na para sa fuel subsidy sa mga magsasaka, mangingisda at pampublikong transportasyon. Pero kulang ito ani Casilao. Nasa 3 milyon lang aniya ang nakalistang beneficiary ng gobyerno, malayo sa tinatayang 9.7 milyong apektadong magsasaka at mangingisda.

Aniya, dapat alisin na ng gobyerno ang value-added tax at excise tax sa langis para kagyat na mapababa ang presyo. Ayon sa Malacañang, pinag-aaralan pa ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Paliwanag ni Rochelle Porrras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), bulnerable ang bansa sa sitwasyon sa West Asia dahil sa kawalan ng lokal na kakayahan na tuklasin, gamitin at paunlarin ang oil reserve ng bansa. Kung ibabasura din aniya ang Oil Deregulation Law, makokontrol ng gobyerno ang presyo at mababawasan ang epekto ng giyera.

Dagdag ng Eiler, dapat nang magkaroon ng nakabubuhay na sahod sa bansa. Kung hindi aniya itataas sa nakabubuhay na antas ang sahod, magiging pabigat sa mga manggagawa ang krisis at inflation na tiyak dulot ng giyera.

Isang Pinay caregiver naman ang nasawi sa ganting-salakay ng Iran sa Israel. Hindi siya nakapasok sa bomb shelter ng pamilya ng Israeli employer. Sa kasagsagan ng pambobomba ng Hamas sa Israel noong 2023, naiulat nang hindi isinasama ng mga Israeli employer sa bomb shelter ang mga migranteng manggagawang hindi nila kalahi. 

Ibinida ng Department of Migrant Workers na 1,824 na mga overseas Filipino worker (OFW) sa West Asia na ang nabigyang assistance ng gobyerno ng Pilipinas. Mahigit 2 milyong OFW sa West Asia ang apektado sa giyera.

Sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration, nasa 1,189 na Pinoy na ang humihiling ng repatriation o pagpapauwi. Marami naman sa mga OFW ang pinipiling manatili sa delikadong trabaho dahil sa kawalan ng trabaho at nakabubuhay na sahod sa Pilipinas.

Sinisi naman ng Migrante International ang “labor export policy” ng administrasyong Marcos Jr. na nagtutulak sa mga Pinoy sa delikadong trabaho sa ibayong dagat. Kasabwat din anila si Marcos Jr. sa pangigiyera dahil sa pagpapagamit sa US.

Ayon sa Philippine Center for Anti-Imperialist Studies (PCAIS), ginamit ng US ang EDCA sites sa bansa para sa giyera sa Iran. Mula Pilipinas, naglayag papuntang Iran ang warship na USS Abraham Lincoln noong Enero 2026. Nagsilbi rin anila ang Pilipinas bilang gasolinahan at pahingahan ng mga eroplanong pandigma ng US na tumatawid papuntang West Asia.

Sabi pa ng PCAIS, dapat ibasura na ni Marcos Jr. ang EDCA at hindi dapat pumayag na maging “gas station” ang Pilipinas ng US para sa pandaigdigang giyera at pagpatay nito sa mga inosente.



Source link