Nagprotesta ang mga manininda kasama ang mga estudyante ng University of the Philippines Diliman (UP Diliman) sa Area 2 upang tutulan ang planong clearing operation sa Old Tennis Court kung saan nakapuwesto ang mga tindahan sa nasunog na Shopping Center.
Sa kautusan ng Office of the Vice Chancellor for Planning and Development (OVCPD) nitong Ago. 19, gagawing paradahan ng mga sasakyan ng DiliMall ang Old Tennis Court kaya kailangang lisanin ng mga manininda ang nasabing lugar.
Pero iginiit ni Edward Fernardo, pangulo ng UP Shopping Center Stall Owners Association, ang mga pangambang dinadanas ng mga manininda ng UP Diliman. Malinaw umano na banta at malaking kawalan sa kabuhayan ang planong ito. Hindi rin ito inklusibo para sa mga estudyante dahil hindi naman papakinabangan ng mga ito ang paradahan.
Sa pagsisimula ng klase sa pamantasan noong Ago. 20, kasama ang mga manininda sa pagsalubong sa unang araw ng pasukan bitbit ang panawagang protektahan ang maliliit na manininda sa kampus at siguruhin ang murang pagkain, bilihin at serbisyo para sa mga mag-aaral.
“Dapat bigyan n’yo kami ng espasyo dito sa unibersidad,” ani Narry Hernandez ng Samahan ng mga Manininda sa UP Campus.Giniit din ni Hernandez ang mariing oposisyon ng mga manininda laban sa nangyayaring komersyalisasyon sa loob ng pamantasan.