Magsasaka ng Hacienda Borromeo, Lupang Ramos, hinaras – Pinoy Weekly

October 1, 2024


Isang pares na naman ng mga insidente ng panliligalig sa mga magbubukid ang nangyari ngayong linggo.

Nagpaputok ang mga armadong masasamang-loob at nagbantang papatayin ang mga magsasaka ng Hacienda Borromeo sa Pinamungajan, Cebu noong umaga ng Set. 23.

Galing sa isang lokal na organisasyon na Baybay II Farmers Association ang mga magsasaka na matagal nang nangungupahan at nagbubungkal sa nasabing lupain. Kasalukuyan silang hinaharas ng mga panginoong maylupa para mapalayas sa lupain.

Taliwas ang insidente sa iginigiit ng Department of Agriculture-Region 7 na natapos na sa 90% ang pamamahagi ng lupa sa Gitnang Visayas. Marami pang asyenda at pribadong lupaing agrikultural sa buong rehiyon ang kailangan pang ipamahagi sa mga magsasaka.

“Ang pinakahuling insidenteng ito sa serye ng walang katapusang marahas na panliligalig laban sa mga magsasaka ay nagpapakita ng maliwanag na kawalan ng tunay na reporma sa lupa sa ilalim ni [Pangulong Ferdinand] Marcos Jr.,” ani Nick Abasolo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Cebu.

Iginiit naman ng KMP sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang insidente habang nananawagan sila na itigil na ang panghaharas sa mga magsasaka.

“Ang pangangailangan para sa pantay na pamamahagi ng lupa at proteksiyon ng mga karapatan ng nangungupahan ay hindi kailanman naging mas kagyat habang ang mga magsasaka ay nahaharap sa dumaraming banta at karahasan,” sabi ni KMP chairperson Danilo Ramos.

Samantala, sinubukang pasukin ng mga pinagsamang puwersa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at pamahalaang lokal ng Dasmariñas City ang Lupang Ramos sa lalawigan ng Cavite noong Set. 26. 

Sa ilalim ng Task Force Ugnay, mahigit kumulang 50 hanggang 100 miyembro ng pulisya at militar ang lumusob sa komunidad ng mga magsasaka. Nagkunwari silang pumasok sa lugar bilang bahagi ng fire inspection ng lokal na pamahalaan.

Nagpalipad ang mga pwersa ng estado ng dalawang drone na ‘di umano’y pamamaraan ng “fire hazard mapping.” Nalaman kalaunan ng mga residente na iniimbestigahan pala ang lupa bilang isang “consolidation area for radicalization.” 

Matatandaang pinasok din ng pulisya at militar kasama ang pamahalaang lokal ang lupain dalawang linggo na ang nakalilipas. Nagkunwari naman silang nagsagawa ng inspeksiyon para sa African swine flu sa mga alagang baboy ng mga residente. 

May tatlong resolusyon nang naipasa ang Dasmariñas Peace and Order Council na lalong nagpatindi ng panggigipit sa mga magsasaka. Nakaranas sila ng mga pagbabanta, panghaharas, intimidasyon at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao.

“[Esensiyal] na ginagamit ng mga [puwersa] ng estado ang mga inspeksiyon na ito bilang paraan para isulong ang kanilang counter-insurgency agenda—tahasang red-tagging at paglabag sa mga karapatan ng mga lokal [at] supilin ang kanilang karapatan para sa lupa at kabuhayan,” sabi ng grupong sumusuporta sa mga magbubukid na Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) hinggil sa insidente.

Lalong humahaba ang mga serye ng mga pag-atake sa mga magsasaka sa buong bansa na ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa mga lupain na kanilang binubungkal.

Ayon kay Ramos, patuloy na pinagmumulan ng kawalan ng hustisya ang hindi pagpapatupad ng gobyerno ng tunay na reporma sa lupa.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss