Uncategorized

Manggagawa ng Nexperia, tuloy pa rin ang laban  – Pinoy Weekly

Manggagawa ng Nexperia, tuloy pa rin ang laban  – Pinoy Weekly


Patuloy ang laban ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) matapos ang mahigit isang taon ng negosasyon para sa makatarungang dagdag-sahod at ang reinstatement ng apat na opisyal ng unyon na tinanggal noong Disyembre.

Sa kabila ng kanilang mga panawagan, nananatili ang mababang alok ng management na P17 na dagdag-sahod kumpara sa hinihinging P50 umento ng mga manggagawa.

Bukod dito, nananatili rin ang Assumption of Jurisdiction (AJ) na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Peb. 5, na nagbigay ng kapangyarihan kay Secretary Bienvenido Laguesma na makialam sa labor dispute at pigilan ang nakaambang welga ng mga manggagawa.

Noong nakaraang taon, nakapagsagawa ng strike voting ang NPIWU kung saan nanaig ang “yes to strike.”

Orihinal na itinakda ang welga noong Dis. 21 ngunit inilipat sa unang linggo ng Enero dahil sa kakulangan sa plano. Muli itong ikinasa noong Peb. 6, ngunit bago pa man ito mangyari, hinarang na ito ng AJ.

Sa isang kilos-protesta ng unyon noong Peb. 18, muli nilang ipinanawagan ang kanilang mga hinaing. Kasabay nito, naganap ang isang conference sa pagitan ng unyon at ng DOLE kung saan sinabi ng kinatawan ni Laguesma na idaan na lang sa conciliation ang usapin.

Bukod sa pagpigil sa welga, napagdesisyonan ng kagawaran na pagsamahin na ang dalawang magkaibang kaso ng collective bargaining agreement (CBA), bagay na tinutulan ng unyon.

Ayon sa NPIWU, posibleng gamitin ng management ang tanggalan upang pahinain ang posisyon ng mga manggagawa sa negosasyon, habang maaari ring magamit ang CBA upang bigyang-katwiran ang pagbabawas ng empleyado. 

“Hindi tayo pabor dito dahil maaaring magamit na leverage ang tanggalan sa CBA and vice versa. Kaya sa tingin [namin] ay matigas sa kanyang posisyon ang management dahil lumakas ang loob nito nang ibaba ang AJ,” ani Mary Ann Castillo, pangulo ng NPIWU

Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang determinasyon ng unyon. Subalit, hindi maikakaila na malaki na ang naging pagbabago sa komposisyon ng kanilang hanay.

“Noon, mas marami ang tenured na manggagawa na may tapang lumaban sa panggigipit ng management at ipaglaban ang kanilang sahod, seguridad sa trabaho at mga benepisyo. Ngayon, mas maraming kabataang manggagawa na hindi pa lubos na nauunawaan ang unyon at kanilang mga karapatan,” paliwanag ni Castillo.

Sa kabila nito, patuloy pa rin na isinusulong ng NPIWU ang kanilang laban, kabilang ang paghamon sa AJ upang maisakatuparan ang welga. 

“Ipinapaunawa namin sa kasapian ang pros and cons ng defiance sa AJ. Kung mayorya ang sasang-ayon at lalaban, tutuloy kaming magwelga,” sabi ni Castillo.

Panawagan nila sa iba pang mga manggagawa at iba’t ibang sektor na suportahan sila para sa makatarungang dagdag-sahod, pagbabalik trabaho ng apat na opisyal, pagpapatuloy ng negosasyon sa CBA at pagpigil sa pagbuwag ng kanilang unyon.

Ipinag-utos ng DOLE na magsumite ng position paper ang parehong partido hanggang Mar. 5.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning