Pumanaw na si Bishop Solito Toquero ng United Methodist Church sa edad na 81 nitong Biyernes, Dis. 1.
Kinumpirma ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP), ang pinakamalaking grupo ng mga simbahang Protestante sa bansa, ang pagpanaw ni Toquero sa isang Facebook post nitong Sabado, Dis. 2.
Nagsilbing vice chairperson ng NCCP si Toquero mula 2008 hanggang 2011.
Sa isang pahayag, inaalala ng NCCP si Toquero bilang “exemplar” na simbolo sa ecumenical movement.
“Bishop Toquero was a beacon of light to poor and struggling communities and a strong and prophetic voice for institutions, churches, and organizations where he served,” saad ng NCCP.
“As a true shepherd of God’s people, [Bishop] Toquero was ever-compassionate and ready to be of service with the people,” dagdag nito.
Ipagdiwang ang buhay ni Bishop Toquero
Muli namang ipinaalala ng NCCP ang kung sino si Toquero at kung paano siyang nagsilbing inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
“In times of joy, sorrow, and even chaos, Bishop Toquero stood by the people, offering solace, understanding, and a comforting presence,” saad ng NCCP.
“His legacy as an emissary of solidarity and social justice will forever remain etched in the hearts of those who had the privilege of knowing him.”
Nakiramay naman ang NCCP sa naiwang pamilya at komunidad ni Toquero.
Tagapagtaguyod ng karapatang pantao
Sa isang hiwalay na pahayag, kinilala ng human rights watchdog na Karapatan ang ambag ni Toquero sa pagtataguyod ng karapatang pantao.
“Si Bishop Toquero ay isang lider ng mga taong simbahan na matapang na nagtaguyod at nakipaglaban para sa karapatan ng mamamayan,” ayon sa Karapatan.
Kinilala rin ng Karapatan si Toquero bilang tagapagtaguyod ng mga karapatan ng mga migranteng Pilipino, karapatang pang-ekonomiya at karapatang sosyo-kultural.
Nagsilbi rin si Toquero na board member ng Ibon Foundation simula 2009. Naging chairperson siya ng parehong organisasyon noong 2017.