Mga deboto sa pagbabalik ng Traslacion – Pinoy Weekly

January 16, 2024


Ikinatuwa ng mga deboto ang muling pagbabalik ng Traslacion ng Itim na Nazareno matapos itong matigil nang tatlong taon dahil sa pandemyang Covid-19.

Mahigit 6.5 milyong deboto ng Itim na Nazareno ang bumuhos sa mga lansangan ng Maynila noong Ene. 9 upang makabahagi sa Traslacion.

Tumagal naman nang 15 na oras ang Traslacion, pinakamabilis mula noong 2010.

Marami namang deboto ang naantig ang damdamin at natuwa sa pagbabalik ng Traslacion, isa na rito si Jeremy Salic, 21, na nagsimulang maging deboto noong pang 2017.

“Ako po ay ipinanganak at lumaki sa Quaipo. Deboto ako simula pagkabata,” sabi ni Salic.

Marami aniya sa kanyang mga dasal ang tinupad ng Itim na Nazareno katulad ng kagalingan sa kanyang malubhang kalagayan.

“Naoperahan ako sa pituitary gland dahil sa tumor at nagpa-radiation therapy na rin ako dahil sa tumor na ‘yon. Apat na beses nang nag-agaw buhay sa ospital pero andito pa rin ako, buhay na buhay at pinaglilingkuran ko Siya,” sabi ni Salic.

“Marami nang mga himala at answered prayers ang ipinakita sa akin ng Poon, kaya naman hindi ako bumibitaw sa kanya at patuloy lamang ang aking ginagawa,” dagdag niya.

Ang tanging hiling naman niya ngayong taon ay ang tuluyan niyang pagaling sa kanyang karamdaman pati ang gabay at patnubay sa kanyang pamilya.

Nagsimulang maging deboto si Owen Balatar, 29, noong 2009 noong siya’y 15 na taong gulang.

Aniya, masaya siya dahil nagkaroon na ulit ng pagkakataon ang mga deboto na makitang iprusisyon ang imahen ng Itim na Poong Nazareno.

“Masaya kasi makakahawak na ulit sa lubid,” sabi ni Batalar.

Bagaman nadukutan ng cellphone si Balatar, hindi aniya nabawasan ang paniniwala nito sa Itim na Poong Nazareno.

Isa sa mga dasal ni Balatar ay sana ay magtagal pa sila ng kanyang partner na si Guilene. 

“Sa’min dalawa, sana magtagal kaming dalawa. Sana kami pa rin talaga. Tapos ‘yong sa’ming pamilya, sana walang magkasakit. Kahit anong pagsubok ay laging kakayanin,” dagdag niya.

Para naman kay Gemma San Andres, 55, na kasama ang kanyang apo na si Keena, ang tanging hiling niya lamang ay mapagtapos niya sa pag-aaral ang kanyang mga apo at iiwas siya sa malulubhang sakit.

“Since po na tumira ako sa Pandacan, nagdedeboto na ako talaga. ‘Yong mga anak ko rin, nagdedeboto rin sila dito. As in sumasampa pa sila sa Poon,” sabi ni San Andres.

Trenta anyos lamang siya nang magsimula siyang maging deboto ng Itim na Nazareno.

“Nung mga edad 30, sumasapa rin po ako [sa andas], pero ngayon na medyo hindi ko na kaya, hanggang dito [sa Quiapo Church] na lang po ako,” pagbabahagi ni San Andres.

“Pero hindi ko talaga nakalimutan na magpunta rito kahit na mainit, maulan. [Tuwing] fiesta, Mahal na Araw, andito po kami,” dagdag niya.

Aniya, ilan sa mga hiling niya na tinupad ng Itim na Nazareno ay ang mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang mga anak at makabili ng sariling bahay.

Para naman sa kanyang apong si Keena, 6, nais niya ang “good health” at “good grades.”

“Goosebumps” naman ang naramdaman ni Patricia Policarpio nang nabalitaan niyang magbabalik ulit ang Traslacion.

“Masaya ako. Na-excite din kasi alam kong madaming deboto ang naka-miss kaya alam kong mas dadagsain siya ngayon,” pagbabahagi niya.

“Na-excite ako makapaglubid kaso ‘di ako nakapaglubid dahil sa baby ko. Pero masaya kasi iba ‘yong pakiramdam ‘pag andoon ka.”

Sa ngayon, ang pinagdasal niya ay ang kaligtasan at kalusugan ng kanyang pamilya, lalo na ang anak na kasama niya rin noong Traslacion.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss