Nagmamahal pa rin – Pinoy Weekly

February 13, 2024


Masarap ang magmahal, pero masakit sa bulsa kapag nagmamahalan ang mga presyo.

Ipinagmamayabang ng gobyerno ang 2.8% na implasyon nitong Enero. Mas mababa nga naman ito sa naitalang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa parehong buwan ng nakaraang taon na 8.7%.

Pero kahit mas mababa ang tantos ng implasyon kamakailan, nananatiling kapos ang suweldo ng manggagawa at mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Hindi rin ito nangangahulugan na bababa ang presyo, kundi may pagbagal lang.

Patuloy ang pagtaas ng mga presyo ngunit walang signipikanteng pagtaas ang kinikita ng mamamayan. Barya-barya pa nga ang inaprubahang umento sa ilang mga rehiyon.

Sa National Capital Region na may pinakamataas na minimum na arawang sahod sa P610, hirap na hirap pa rin ang mga pamilya na pagkasyahin ang maliit na kita sa mga pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain.

Matindi ang implasyon sa bigas na pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mga Pinoy. Mula sa P39 kada kilo ng regular-milled rice sa parehong buwan noong 2023, nasa P44 na ito ngayon o may 22.4% na pagtaas.

Patuloy din ang pagtaas ng presyo ng mga pagkaing de lata at instant noodles na nagtala ng 4.7% na pagtaas ng presyo sa loob ng isang taon. Katuwiran ng mga manufacturer, tumaas din daw kasi ang presyo ng mga hilaw na materyales na ginagamit sa produksiyon ng mga ito.

Tumaas din ang presyo ng harina at tinapay sa 5.6%. Ang dating malaki at siksik na pandesal na paborito ng marami sa agahan, paliit nang paliit. Wala namang magawa ang maliliit na bakery kundi gawin ito para makabenta kahit paano.

“Golden age” na nga. Pero hindi dahil sagana ang mamamayan, kundi dahil sa malagintong presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. At hindi ganito ang uri ng gusto nating pagmamahal.

Tumataas din ang singil sa mga bayarin kagaya ng kuryente at tubig.

Sinabi na ng Manila Electric Company (Meralco) sa simula ng taon na tataas ang buwanang bill sa kuryente dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market at independent power producers kung saan nagmumula ang 57% ng kuryente ng Meralco.

Sa tubig naman, magiging P6.41 kada kubiko ang bayad sa Maynilad na nagseserbisyo sa silangang bahagi ng Kamaynilaan at lalawigan ng Rizal. Habang tataas sa P7.87 kada kubiko ang bayad sa Manila Water na nagseserbisyo naman sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan at ilang bayan sa Cavite.

Dagdag pa sa mga ito ang pagtaas ng buwanang hulog sa PhilHealth at Pag-IBIG. Magiging 5% na ng kabuuang buwanang suweldo ang kontribusyon sa PhilHealth, habang magiging P200 mula sa P100 na sa Pag-IBIG.

Wala na ngang matira sa kita ng mga manggagawa dahil sa mga nagmamamahalang presyo ng bilihin at serbisyo, ngunit ipinagkakait pa rin ang nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa.

Sabi pa ng ng Department of Labor and Employment, damhin muna ang ibinigay na umento sa nakaraang taon dahil walang aaprubahang pagtaas sa sahod ngayong 2024.

Anong dadamhin ng mamamayan sa barya-baryang umento na hindi man lang sapat para makabili ng isang kilong bigas?

“Golden age” na nga. Pero hindi dahil sagana ang mamamayan, kundi dahil sa malagintong presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. At hindi ganito ang uri ng gusto nating pagmamahal.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

After five years, Veloso family spends two days with Mary Jane

Photo from Migrante International Facebook page. By ANNE MARXZE D.

Kalayaan sa kaarawan ni Cumpio, ipinanawagan – Pinoy Weekly

Nagtipon ang iba’t ibang grupo ng midya nitong Ene. 23