Nasaan?

September 9, 2024


Kada bagyo, trending ang hashtag #NasaanAngPangulo. Kahit na may mga ahensiyang partikular para sa sakuna, hinahanap pa rin ang pangulo dahil ang mga ito ay nagsisilbing alter ego niya at ng kaniyang administrasyon.

Sa kabila ng bagyo nitong mga nagdaang araw, hindi natigil ang paghahanap at pangangampanya ng mga minamahal at kasama sa pagpapalitaw sa mga desaparecido. Paano ba naman, nitong ilang nakaraang linggo, sunod-sunod ang kaso ng mga pagdukot ng mga aktibista at organisador.

Agosto 22 nang nabalitaang nawawala ang kabataang tanggol-kalikasan na si Rowena Dasig mula nang siya ay sinasabing pinalaya. Sa sumunod na araw, dinakip ng mga pinaghihinalaang puwersa ng estado si James Jazmines, na noong kabataan niya ay ang patnugot ng Commitment, ang pahayagn ng League of Filipino Students. Matapos arestuhin si Jazmines, hinanap siya ng kaibigan at kapwa aktibistang si Felix Salaveria Jr. na dinukot noong Agosto 28. 

Agosto 29 naman nang sina Cirila Estrada, tanggol-magsasaka at dating bilanggong politikal at kanyang kasamang si Victor Pelayo ay dinukot ng mga sundalo at pulis sa Capiz. Hindi natunton ang kanilang kinaroroonan hanggang sa paglipas ng dalawang araw. Agosto 30 pa naman ang Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecido. Ang mga desaparecido ay mga dinukot ng mga puwersa ng estado, hindi isinisiwalat ang kinaroroonan, at ipinapalagay na tinortyur, ininteroga, at sa ilang kumpirmadong kaso, pinaslang.

Wala pa sa kalahati ng termino, ang bilang ng mga desaparecido sa ilalim ni Marcos Jr. ay 15 na, kumpara sa 21 sa buong termino ni Duterte. Hindi pa kasama sa bilang ang mga dinukot ngunit napalitaw.

Bilang commander-in-chief ng AFP, humahawak sa mga ahensiya gaya ng National Intelligence Coordinating Agency at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, at nagpasa ng National Security Plan 2023-2028 na walang ipinagkaiba sa mga naunang “oplan” ng madugong kontra-insurhensiya, walang kawala si Marcos Jr. Napatunayan na sa mga kaso ng mga napalitaw, gaya nina Jhed Tamano at Jonila Castro, na mga puwersa ng estado nga ang nasa likod nito.

Nasaan ang pangulo sa lahat ng pag-aresto at pagdukot? Nasaan n’yo itinatago ang mga desaparecido? Tahimik man si Marcos Jr., siya talaga ang commander-in-chief ng lumalalang paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.

Ang mga dinukot ay kabataan o mga lider-kabataan noon. Ang mga pagdukot sa ilalim ni Marcos Jr., anino ng batas militar ng kaniyang diktador na ama, kasama ng iba pang atake gaya ng militarisasyon ng mga paaralan, ay bahagi ng sistematikong opensiba laban sa kabataang Pilipino na tumatahak ng landas ng pakikibaka upang itakwil ang bulok na mga pinuno at sistema at itaguyod ang maaliwalas na kinabukasan.

Ngayong batid natin kung nasaan si Marcos Jr. sa lahat ng ito, lalong dapat batid natin kung nasaan ang kabataang kumakaharap sa kalagayang ito.

Sa mga kapwa kabataan, huwag tayong matakot at huwag tayong kumulubot sa harap ng pasismo ng estado. Sa halip na mangamba, mapagnilayan at matanto nawa natin na ang ipinaglalaban ng mga desaparecido ay wasto, nararapat at dapat lang ipagpatuloy.

Anuman ang banta laban sa kabataan at estudyante, tatapatan natin ng palagian at paalon-along sama-samang pag-oorganisa at pagpapakilos. 

Nagbabait-baitan at nagtatago man si Marcos Jr. sa kabila ng kanyang pananagutan sa nabubulok na sistema, ang kabataan, kasama ng malawak na hanay ng mamamayan, ay maniningil.

Ngayong darating na Setyembre 21, anibersaryo ng imposisyon ng batas militar ni Marcos Sr., hinahamon ang kabataan na libo-libong magmartsa sa mga kalye at isigaw “Never Again! Never Forget!”

Nasaan man may kabataan—mga paaralan, komunidad, at lalo na kanayunan—dapat yanigin itong kontra-kabataang rehimen upang bawiin ang lahat ng nawawala! Tama na, sobra na, wakasan na ang mga pagdukot, pagpaslang, pag-aresto at pagpapahirap sa ilalim ni Marcos Jr.!




Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Pagbubukas ng klase, sinalubong ng protesta ng mga guro

Nagprotesta sa Mendiola sa Maynila ang mga gurong kasapi ng

Ang Bayan Ngayon » Profood refused help to injured worker in Mandaue City

“He is a contractual,” as company Profood International Corporation justifies