Nasagasaang tahanan at kabuhayan sa riles ng Laguna – Pinoy Weekly

July 1, 2024


Naging mahirap ang kalagayan ng mga trolley driver sa Santa Rosa City, Laguna nang magsimula ang North-South Commuter Railway (NSCR) Project. Nawalan na nga sila ng hanapbuhay, sinagasaan pa ang kanilang mga tahanan.

Mahigit 150 trolley driver ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsisimula ng proyekto noong Hul. 21, 2023. Layon ng NSCR na idugtong ang Metro Manila at Pampanga hanggang sa Calamba. Sa nakalipas na siyam na buwan, walang tulong na dumarating sa kanila.  

Nawalan ng trabaho at tirahan si Julie Ann Castro, isa sa mga magto-trolley. Sabi niya, minabuti nilang huwag lisanin ang lugar at umusog lang nang kaunti mula sa riles. Wala din malinaw na plano para sa kanilang relokasyon.

“Wala pa rin, diyan pa rin kami nakatira. Ngayon pera na naman daw ang ibibigay kaya hindi rin namin alam,” ani Castro.

Dagdag pa niya, dahil sa hirap ng pagkumpleto ng mga papeles para sa inaalok na trabaho ng gobyerno, pinasok ng halos kalahati ng mga dating nagto-trolley ang pagpe-pedicab.

Walang nag-abiso sa mga residente na babakuran na ang riles para simulan ang North-South Commuter Railway Project sa Santa Rosa City, Laguna. Iskits Production

“Tatlong buwan bago ako naging miyembro, puro boundary-han lang. ‘Yong iba, mga nakabili rin sa sariling ipon din nila. Mas mahirap ‘to, kasi ‘yong trolley bubuhatin mo lang, ito papadyakan mo nang papadyakan,” ani Castro.

Kuwento ni Castro, ang ilang magto-trolley noon na hindi na kayang mag pedicab dahil sa edad ay mas pinili na lang mamitas ng mga tanim na gulay, tulad ng kangkong upang ibenta sa talipapa sa lugar.

Hinaing naman ng presidente ng Samahang Magtro-trolley ng Santa Rosa na si Aldrin Labanco, hindi man lang sila inabisuhan para maghanda sa pagbabakod sa riles.

“Mabigat kasi sabi ko nga dekada, wala pa ako dito, may mga trolley na. Kami may pamilya, parang kung tutuusin, parang wala kaming karapatan mabuhay, parang gano’n e,” aniya.

Salaysay naman ni Anita Cartaño, isang opereytor ng trolley, marami sa mga umaasa sa riles at nakatira dito ay mayroong kapamilyang may sakit at nakadepende sa kita sa pagto-trolley ang pambili ng gamot.

”Nakakalungkot. Binigla kami. Kaya nga ‘yong isa na may asawa e, kanina pa iyak nang iyak. Kasi, ‘yong ano eh, ang dami pinangako tapos ngayon wala pa,” banggit ng ginang.

Sinabi ni Philippine National Railway (PNR) chairperson Michael Macapagal na dapat ng nasimula noong Abril ang relokasyon ng mga nawalan ng tirahan dahil sa proyekto. Kasama dito ang subsidyo para sa renta sa bahay at allowance para sa mga apektadong residente.

“Ang order ni Presidente [Ferdinand Marcos Jr.] at ang order ni [Transportation Secretary Jaime Bautista], kung sila ay inalis sa Laguna, dapat ilipat din sa Laguna. Kung inalis sila sa Manila, dapat ilipat din sila sa Manila,” ani Macapagal.

Maraming residenteng nakatira sa gilid ng riles ang umaasa dito para sa kanilang kabuhayan. Ngayon, pati kanilang tahana’y planong gibain para bigyang daan ang proyekto. Iskits Production

Dagdag pa ng Department of Transportation (DOTr), dapat magiging gradwal at banayad na proseso ng relokasyon.

“Ang nasabing clearing activities ay nakatuon lang sa pagtatanggal at retrieval ng riles ng tren, pagbabakod sa daang kailangan ng PNR para sa proyekto at pagtatanggal ng mga nakaharang o masasagasaan ng proyekto,” ani DOTr Undersecretary Jeremy Regino sa isang pahayag para sa mga apektadong pamahalaang lokal.

Naunang namahagi ang DOTr ng 50 housing unit sa mga informal settler families na naapektuhan ng P873 bilyong NSCR Project sa San Fernando City, Pampanga.

May sukat na 27 square meters ang bawat yunit at kumpleto sa mga pasilidad na nagkakahalaga ng P741,000 na babayaran ng mga benepisyaryo sa loob ng 30 taon sa P500 kada buwan.

Pero sa Santa Rosa, walang naisasakatuparan na ganito. Ilang buwang inaasikaso ng mga trolley driver ang mga papeles para sa sinasabing tulong pinansyal ng gobyerno at ipinangakong relokasyon sa kanila. Mag-iisang taon na ang kanilang paghihintay, hindi pa rin sila nakakatanggap ng sapat na tulong.

“Kahit singko wala, pumunta na kami kay Gov. [Ramil Hernandez], nagbigay kami ng papeles doon, ni-receive lang. Wala, hanggang doon lang. Sa city mayor wala rin. Buti pa ‘yong vice mayor nagbigay sa amin ng worth [P5,000] lang para sa lahat ng 150 na trolley drivers, magkano lang bawat isa ‘yon?” pahayag ni Rogelio Cortez, 68, dalawang dekadang nagto-trolley.

Nilinaw ng mga apektado na hindi sila kontra sa proyekto ng gobyerno. Ang tanging hiling nila, sana isinama sila sa plano, pero malinaw na hindi nangyari.

Sa ngayon, nananatiling nakatirik sa gilid ng riles ang ilang mga tahanan, bagay na hindi naman pinapayagan ng gobyerno dahil sa masamang epekto sa operasyon ng NSCR at sa kalusugan ng mga residente. Ngunit dahil walang malinaw na plano para sa kanila, wala naman umano silang ibang pagpipilian.

“Ang mensahe ko naman sa gobyerno, hindi naman kami tumututol sa mga proyekto n’yo, masaya pa nga kami eh. Ang problema lang namin, naapektuhan ‘yong pangkabuhayan namin. Sana man lang, kahit papaano, mauna kami bago matapos ‘yong project,” sabi ni Labanco.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Military Situation In Bakhmut On April 12, 2023 (Map Update)

Click to see the full-size image Russian forces made a

Stop the Airstrikes! End the Zionist Occupation of Palestine! – updates from the peasant movement of the Philippines

(Global Unity Statement in Support of the Palestinian People) We,