Paano pagkakasyahin ang P710? – Pinoy Weekly

April 19, 2024


Nitong Pebrero, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 2534 o P100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2024. Layon ng panukala na dagdagan ng P100 kada araw ang sahod across-the-board ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa. Sa National Capital Region (NCR), halimbawa, mula sa dating P610 ay magiging P710 na ang sahod ng isang minimum wage earner.

May naihain na ring iba’t ibang panukala para sa dagdag-sahod sa Mababang Kapulungan. Suportado ng lahat ng manggagawa alinman ang maipatupad dito. Gayunpaman, higit na niyayakap at hangad ng mga “pundasyon ng ekonomiya” ang panukalang umento para maabot ang nakabubuhay na sahod.

Sa bagong datos ng Ibon Foundation nitong Marso, P1,197 kada araw ang kailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.

Sinahaman ng Pinoy Weekly si Aneste Gole, residente ng Sitio San Roque sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, sa pamamalengke. Sa badyet na P710, katumbas ng bagong minimum wage sa NCR kung sakaling maipatupad ang P100 umento, mabibili kaya niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya para sa isang araw? Paano na ang iba pang gastos at bayarin tulad ng pamasahe, kuryente, tubig, internet at iba pa?

Malaking hamon para sa ginang ang pagbabadyet ng sahod ng asawa. Matagal nang tubero sa Quirino Memorial Medical Center ang asawa na sumasahod ng minimum wage o nasa P3,600 kada linggo. Pilit na pinagkakasya niya ito sa kanilang gastusin sa bahay, pambaon ng dalawang anak, pamasahe at pagkain.

Sa naibibigay ng asawa na P3,600 kada linggo, malaking porsiyento o halos kalahati ang napupunta sa pamasahe ng dalawang anak papasok at pauwi sa eskuwela, krudo ng motor at allowance ng asawa niya. Sa kanilang badyet, nakalaan ang P200 para sa pamasahe ng mga bata habang P50 hanggang P60 naman sa gasolina sa motor na ginagamit ng kanyang asawa araw-araw.

@pinoyweekly

Saan aabot ang P710? Aprubado na ang panukalang P100 dagdag-sahod sa Senado at naibato na sa Kamara ang trabaho para iproseso ang pagsasabatas ng umento. Pero ano nga ba ang kayang mabili nito para sa isang pamilyang pinoy? Tara! Samahan natin si Ate Anne alamin kung saan aabot ang panukalang kanyang P710.

? original sound – pinoyweekly

Upang makatipid, hindi na pinababaunan ng pera ni Gole ang kanyang mga anak. Sa halip, binibigyan niya ang dalawa ng mga pagkain tulad ng tinapay, biskuwit at inumin mula sa kanilang maliit na tindahan.

Sa pagbabadyet para sa pagkain, madalas na itlog, delata at frozen food ang nakahain sa kanilang mesa tuwing agahan na pinaghahatian na nilang apat. Inamin naman niya na pagsapit ng tanghalian, tuwing naiiwan siya sa bahay ay may mga pagkakataong hindi na siya kumakain lalo na kapag walang natira sa almusal. Sa hapunan naman, madalas gulay ang kanilang ulam at madalang lang ang karne.

Ang natitira naman sa arawang badyet, pilit na hinahati ni Gole sa iba pang bayarin tulad ng kuryente, tubig at gaas pangluto. Kung susumahin, hindi na kakasya ang sahod ng kanyang asawa sa mga bayarin pa lang.

Ani Gole, mataas pa rin ang buwanang bayarin nila para sa kuryente at tubig kahit na anong gawing pagtitipid dahil naka submeter lang sila. Pumapatak ng P100 ang singil sa kanila sa tubig kada cubic meter at P30 per kWh naman sa kuryente.

Dahil tuwing Sabado ang nakatatanggap ng sahod ang asawa, Biyernes pa lamang iniisip na niya kung paano pagkakasyahin sa buong linggong gastusin ang kakarampot na sahod ng asawa. Madalas umano Miyerkules o Huwebes pa lamang ay nauubos na ang badyet ng pamilya. Napipilitan tuloy mangutang upang mairaos ang pangangailangan ng pamilya sa natitira pang araw ng linggo. 

Sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority, pumalo sa 3.7% ang inflation rate ng Pilipinas nitong Marso dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at pamasahe sa transportasyon. Mas mataas ito kumpara sa 3.4% ng sinundang buwan.

Sa palengke sa may Sitio San Roque, tumambad ang nagtataasang presyo ng mga gulay, prutas, isda, karne, bigas at iba pang bilihin. Nakita ng Pinoy Weekly ang araw-araw na hamong kinakaharap ni Gole bilang asawa’t inang nagbabadyet.

“Mahal na talaga ang bilihin ngayon!” sabi ni Gole.

Sa araw na iyon, adobong manok ang kanyang lulutuin. Bukod sa paborito ito ng kanyang dalawang anak, makatitipid siya dito kahit paano dahil hindi naman napapanis at pwede pa nilang ulamin kinabukasan. 

Sa P710 na badyet na katumbas ng magiging minimum wage sakaling maipatupad ng P100 umento, nakabili si Gole ng isa’t kalahating kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P84. Kasya na raw iyon sa buong araw, kahit pa ipambaon ng mga anak at asawa. Sa ulam, P144 kaagad ang nabawas para sa ilang pirasong hati ng manok, P93 sa mga sangkap tulad ng bawang at sibuyas at P20 naman para sa tinging mantika. Para sa almusal ng kanyang mag-aama, bumili rin siya ng isang balot ng frozen food na P50. Isinama na rin niya ang pambaon na tinapay at inumin ng mga anak na umabot sa P51.

Sa kabuuan, umabot sa P422 ang napamili ni Gole para sa pagkain pa lang nila. Sa P288 na natira, kailangan pa niyang maglaan para sa pamasahe ng mga anak at gasolina ng motor at allowance ng mister. Idagdag pa ang buwanang bayarin sa kuryente na pumapalo ng P480 at sa tubig na P1,500 noong nakarang buwan. Para hindi maging mabigat sa bulsa kapag araw ng singilan, hinahati niya ang buwang bills sa 30 (bilang ng mga araw sa isang buwan) at ibinabawas sa kanilang pang-araw-araw na badyet.

Mga pagkain na napamili ni Aneste Gole sa halagang P422 na sasapat sa isang araw. Andrea Shayne Garcia/Pinoy Weekly

Hindi pa kasama rito ang iba pang gastusin sa pag-aaral ng mga anak tulad ng pagpa-print ng mga dokumento at modyul na ipinapaako ng paaralan sa mga estudyante at magulang. Imbis na pambili ng ulam, napupunta pa para sa pagpa-print na kadalasan pumapatak ng P15 hanggang P20 kada pahina.

“Kahit [anong tipid mo], kahit anong pagkasya, [hindi talaga sumasapat ang sahod]. ‘Yong P1,200 siguro kakasya na ‘yon dito sa NCR, kasi hindi talaga kaya [ang kasalakukuyang sahod] dahil doble ang [itinaas] ng bilihin,” ani Gole.

“Ayaw ko ng P100 na [dagdag-sahod]. Mas gusto ko na taasan kung maaari kasi ‘yan talaga ang nilalaban namin. Hindi lang naman isang manggagawa, kundi milyong manggagawa ang makikinabang n’yan,” dagdag niya.

Sabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU), dapat nang maisabatas ang panukalang dagdag-sahod. Simula nang maipatupad ang Wage Rationalization Act of 1989, naiatang na sa mga regional wage board ang pagtatakda at pagpapatupad ng umentong “barya-barya” lang at hindi makasasapat sa pangangailangan ng pamilya ng manggagawa.

“Sobrang delayed na nga magpatupad ng wage hike ng mga wage board, wala pang usad ang mga panukalang wage increase sa Kamara. Lip service na lang ba ang sinasabi nila noong nakaraan na tataasan pa nila ng P100 ng Senate?” ani KMU secretary general Jerome Adonis.

Nauna nang sinabi ng grupo na hindi makasasama sa ekonomiya ng bansa ang anumang umento. Sa katunayan, maliit na kabawasan lang umano ito sa sobra-sobrang tubo ng malalaking kompanya at korporasyon.

Ayon pa sa sentrong unyon, dapat gawing kagyat at prayoridad ng gobyernong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasa ng dagdag-sahod, imbis ang pag-amiyenda sa Konsitusyon.

Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Abril 29, nakatakdang pag-usapan ang minamadling Charter-change (Cha-cha).

“Sa pagratsada ng Cha-cha, pinapakita ng gobyerno ni [Marcos Jr.] ang kakayahan nitong mabilis na magpasa ng mga batas. Kung pabor ito sa kanya at sa kanyang mga kasosyo. Ang lumalabas, walang intensiyon ang gobyerno ni [Marcos Jr.] na magpasa ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa,” sabi pa ni Adonis.

Para naman kay Gole, kaakibat ng Cha-cha ang lalong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at lalong pagliit ng sahod ng mga manggagawa, tulad ng kanyang asawa.

Bilang aktibong miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa kanilang lugar, isa si Gole sa malaking bilang ng mga maralitang nananawagan para sa nakabubuhay na dagdag-sahod. Bilang ina, gusto niyang iparanas sa dalawang anak ang nararanasan ng ibang bata—ang mamasyal, magsaya at lumabas sa munting tahanan nila nang hindi inaalala kung paano pagkakasyahin ang badyet kinabukasan.





Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan » Patakaran sa mga migrante, kabaliktaran sa nakasaad sa SONA ni Marcos

Binatikos ng grupong Migrante ang mga pahayag ni Ferdinand Marcos

VERA FILES FACT CHECK: PH Coast Guard did NOT fire water cannons at Chinese vessels

A video falsely passed off an old photo to claim